Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 119

119
ALEPH.
1Mapalad silang sakdal ang landas,
na sa kautusan ng Panginoon ay lumalakad!
2Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo,
na hinahanap siya ng buong puso,
3na hindi rin gumagawa ng kasamaan,
kundi lumalakad sa kanyang mga daan.
4Iniutos mo ang iyong mga tuntunin,
upang masikap naming sundin.
5O maging matatag nawa ang pamamaraan ko
sa pag-iingat ng mga tuntunin mo!
6Kung gayo'y hindi ako mapapahiya,
yamang itinuon ko sa lahat ng iyong mga utos ang aking mga mata.
7Pupurihin kita ng may matuwid na puso,
kapag aking natutunan ang matutuwid mong mga batas.
8Aking tutuparin ang mga tuntunin mo;
O huwag mong ganap na talikuran ako!
BETH.
9Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10Hinanap kita nang buong puso ko;
O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12Purihin ka, O Panginoon;
ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13Ipinahahayag ng mga labi ko
ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
gaya ng lahat ng kayamanan.
15Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
at igagalang ang mga daan mo.
16Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
hindi ko kalilimutan ang iyong salita.
GIMEL.
17Gawan ng mabuti ang iyong lingkod,
upang mabuhay ako, at sundin ang salita mo.
18Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko,
ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo.
19Ako'y isang dayuhan sa lupain,
huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
20Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik
sa lahat ng panahon sa mga batas mo.
21Iyong sinasaway ang mga walang galang,
ang mga sinumpa na lumalayo sa iyong mga utos.
22Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo,
sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23Bagaman ang mga pinuno ay umuupong nagsasabwatan laban sa akin;
ang lingkod mo'y magbubulay-bulay sa iyong mga tuntunin.
24Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo,
ang mga iyon ay aking mga tagapayo.
DALETH.
25Dumidikit sa alabok ang kaluluwa ko;
muli mo akong buhayin ayon sa iyong salita.
26Nang ipahayag ko ang aking mga lakad, sinagot mo ako;
ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!
27Ipaunawa mo sa akin ang daan ng mga panuntunan mo,
at aking bubulay-bulayin ang kahanga-hangang mga gawa mo.
28Ang kaluluwa ko'y natutunaw dahil sa kalungkutan;
palakasin mo ako ayon sa iyong salita!
29Ilayo mo sa akin ang mga maling daan;
at malugod na ituro mo sa akin ang iyong kautusan!
30Ang daan ng katapatan ay pinili ko,
ang mga tuntunin mo'y inilagay ko sa harapan ko.
31Ako'y kumapit sa iyong mga patotoo, O Panginoon;
sa kahihiyan ay ilayo mo ako!
32Ako'y tatakbo sa daan ng mga utos mo,
kapag iyong pinalaki ang puso ko!
HE.
33Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang daan ng iyong mga batas,
at ito'y aking iingatan hanggang sa wakas.
34Bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo,
at akin itong susundin ng buong puso ko.
35Akayin mo ako sa landas ng mga utos mo,
sapagkat aking kinaluluguran ito.
36Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo,
at huwag sa pakinabang.
37Ilayo mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan;
at bigyan mo ako ng buhay sa iyong mga daan.
38Pagtibayin mo ang iyong pangako sa lingkod mo,
na para sa mga natatakot sa iyo.
39Ilayo mo ang kahihiyan na aking kinatatakutan;
sapagkat ang mga batas mo'y mainam.
40Ako'y nasasabik sa iyong mga panuntunan,
bigyan mo ako ng buhay sa iyong katuwiran.
VAU.
41O Panginoon, paratingin mo rin sa akin ang iyong tapat na pagsuyo,
ang iyong pagliligtas ayon sa iyong pangako;
42sa gayo'y may maisasagot ako sa mga taong sa aki'y umaalipusta,
sapagkat ako'y nagtitiwala sa iyong salita.
43At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan mula sa bibig ko,
sapagkat ako'y umasa sa mga batas mo.
44Lagi kong susundin ang iyong kautusan,
magpakailanpaman.
45At lalakad ako na may kalayaan;
sapagkat aking hinanap ang iyong mga panuntunan.
46Magsasalita rin ako tungkol sa iyong mga patotoo sa harapan ng mga hari,
at hindi ako mapapahiya.
47At ako'y natutuwa sa iyong mga utos,
na aking iniibig.
48Itataas ko ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na iniibig ko,
at ako'y magbubulay-bulay sa mga batas mo.
ZAIN.
49Alalahanin mo ang iyong salita sa lingkod mo,
na doo'y pinaasa mo ako.
50Ito'y aking kaaliwan sa aking kapighatian,
na ang iyong pangako ang nagbibigay sa akin ng buhay.
51Ganap akong pinagtatawanan ng mapagmataas na tao,
gayunma'y hindi ako humihiwalay sa kautusan mo.
52Aking inalaala ang mga batas mo nang una,
O Panginoon, at ako'y naaaliw.
53Maalab na galit ang humawak sa akin,
dahil sa masasama na tumalikod sa iyong kautusan.
54Ang iyong mga tuntunin ay naging aking mga awit
sa bahay ng aking paglalakbay.
55O Panginoon, aking naalala sa gabi ang iyong pangalan,
at sinunod ko ang iyong kautusan.
56Ito ang tinamo ko,
sapagkat aking iningatan ang mga tuntunin mo.
CHETH.
57Ang Panginoon ay aking bahagi;
aking ipinangangako na tutuparin ang iyong mga salita.
58Aking hinihiling ang iyong biyaya nang buong puso ko;
mahabag ka sa akin ayon sa iyong pangako.
59Inisip ko ang mga lakad ko,
at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
60Ako'y nagmamadali at hindi naaantala
na sundin ang iyong mga utos.
61Pinuluputan ako ng mga panali ng masama;
hindi ko nalimutan ang iyong kautusan.
62Sa hatinggabi ay babangon ako upang ikaw ay purihin,
dahil sa iyong mga matuwid na tuntunin.
63Ako'y kasama ng lahat na natatakot sa iyo,
at ng mga tumutupad ng mga tuntunin mo.
64O Panginoon, ang lupa ay punô ng tapat na pag-ibig mo,
ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!
TETH.
65Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod,
O Panginoon, ayon sa iyong salita.
66Turuan mo ako ng mabuting pagpapasiya at kaalaman;
sapagkat ako'y sumampalataya sa iyong kautusan.
67Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako;
ngunit ngayo'y tinutupad ko ang salita mo.
68Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti;
ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.
69Ang mayabang ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin,
ngunit aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo;
ngunit ako'y natutuwa sa kautusan mo.
71Mabuti sa akin na pinapagpakumbaba ako;
upang aking matutunan ang mga tuntunin mo.
72Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin
kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak.
JOD.
73Ako'y ginawa at inanyuan ng iyong mga kamay;
bigyan mo ako ng pang-unawa, upang ang iyong mga utos ay aking matutunan.
74Silang natatakot sa iyo ay makikita ako at matutuwa;
sapagkat ako'y umasa sa iyong salita.
75O Panginoon, nalalaman ko, na matuwid ang mga pasiya mo,
at sa katapatan ay pinangumbaba mo ako.
76Ang iyo nawang tapat na pag-ibig ay maging kaaliwan sa akin,
ayon sa pangako mo sa iyong lingkod.
77Dumating nawa sa akin ang iyong habag upang ako'y mabuhay,
sapagkat ang kautusan mo'y aking katuwaan.
78Mahiya ang masama,
sapagkat pinabagsak nila ako na may katusuhan,
para sa akin, ako'y magbubulay-bulay sa iyong mga kautusan.
79Bumalik nawa sa akin ang natatakot sa iyo,
at silang nakakakilala ng iyong mga patotoo.
80Ang aking puso sa iyong mga tuntunin ay maging sakdal nawa,
upang huwag akong mapahiya.
CAPH.
81Nanghihina ang aking kaluluwa para sa pagliligtas mo;
sa iyong salita ay umaasa ako.
82Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa iyong pangako;
aking itinatanong, “Kailan mo ako aaliwin?”
83Sapagkat ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak na nasa usok;
hindi ko kinalilimutan ang iyong mga tuntunin.
84Gaano karami ang mga araw ng iyong lingkod?
Kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin?
85Ang mapagmataas ay gumawa ng hukay na patibong para sa akin,
mga taong hindi sang-ayon sa iyong tuntunin.
86Tiyak ang lahat ng mga utos mo;
kanilang inuusig ako ng kasinungalingan, tulungan mo ako.
87Halos sa ibabaw ng lupa ako ay kanilang winakasan,
ngunit ang mga tuntunin mo ay hindi ko tinalikuran.
88Muli mo akong buhayin ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
upang aking maingatan ang mga patotoo ng iyong bibig.
LAMED.
89Magpakailanman, O Panginoon,
ang iyong salita ay natatag sa langit.
90Nananatili sa lahat ng salinlahi ang iyong katapatan;
iyong itinatag ang lupa, at ito'y nananatiling matibay.
91Sila'y nananatili sa araw na ito ayon sa itinakda mo,
sapagkat lahat ng bagay ay mga lingkod mo.
92Kung ang kautusan mo'y hindi ko naging katuwaan,
namatay na sana ako sa aking kalungkutan.
93Hindi ko kailanman kalilimutan ang mga tuntunin mo;
sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay binigyan mo ako ng buhay.
94Ako'y iyo, iligtas mo ako,
sapagkat aking hinanap ang mga tuntunin mo,
95Ang masama'y nag-aabang upang patayin ako,
ngunit aking kinikilala ang iyong mga patotoo.
96Aking nakita ang hangganan ng lahat ng kasakdalan;
ngunit ang utos mo'y totoong malawak.
MEM.
97O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
sapagkat ito'y laging kasama ko.
99Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
upang aking masunod ang salita mo.
102Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
sapagkat tinuruan mo ako.
103Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.
NUN.
105Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,
at liwanag sa landas ko.
106Ako'y sumumpa at pinagtibay ko,
na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo.
107Ako'y lubos na nagdadalamhati,
muli mo akong buhayin, O Panginoon, ayon sa iyong salita.
108O Panginoon, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo,
at ituro mo sa akin ang mga batas mo.
109Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay,
gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
110Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin,
gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin.
111Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman;
sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan.
112Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas,
magpakailanman, hanggang sa wakas.
SAMECH.
113Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
114Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan;
ang iyong salita ang aking inaasahan.
115Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan;
upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan.
116Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako,
at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko!
117Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas,
at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas.
118Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan;
sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan.
119Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura,
kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo.
120Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo;
at ako'y takot sa mga hatol mo.
AIN.
121Aking ginawa ang tama at makatuwiran;
sa mga umaapi sa akin ay huwag mo akong iwan.
122Maging panagot ka sa ikabubuti ng iyong lingkod,
huwag mong hayaang apihin ako ng mayabang.
123Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa pagliligtas mo,
at sa iyong matuwid na pangako.
124Pakitunguhan mo ang iyong lingkod ng ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin.
125Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng kaunawaan,
upang ang mga patotoo mo ay aking malaman!
126Panahon na upang kumilos ang Panginoon,
sapagkat ang kautusan mo ay nilabag.
127Kaya't aking iniibig ang mga utos mo
nang higit kaysa ginto, higit kaysa dalisay na ginto.
128Kaya't aking pinapahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay;
kinasusuklaman ko ang bawat huwad na daan.
PE.
129Kahanga-hanga ang mga patotoo mo,
kaya't sila'y iniingatan ng kaluluwa ko.
130Ang paghahayag ng iyong mga salita ay nagbibigay ng kaliwanagan;
nagbibigay ng unawa sa walang karunungan.
131Binuksan ko ang aking bibig ng maluwag at humihingal ako,
sapagkat ako'y nasasabik sa mga utos mo.
132Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin,
gaya ng sa umiibig ng iyong pangalan ay kinaugalian mong gawin.
133Gawin mong matatag ang mga hakbang ko ayon sa iyong pangako,
at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang kasamaan.
134Tubusin mo ako sa kalupitan ng tao,
upang aking matupad ang mga tuntunin mo.
135Paliwanagin mo ang iyong mukha sa lingkod mo,
at ituro mo sa akin ang mga alituntunin mo.
136Inaagusan ng mga luha ang mga mata ko,
sapagkat hindi nila tinutupad ang kautusan mo.
TZADDI.
137Matuwid ka, O Panginoon,
at matuwid ang iyong mga hatol.
138Itinakda mo ang iyong mga patotoo sa katuwiran
at sa buong katapatan.
139Tinunaw ako ng sigasig ko,
sapagkat kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo.
140Totoong dalisay ang salita mo,
kaya't iniibig ito ng lingkod mo.
141Ako'y maliit at hinahamak,
gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong mga batas.
142Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran,
at ang kautusan mo'y katotohanan.
143Dumating sa akin ang dalamhati at kabagabagan,
at ang mga utos mo'y aking kasiyahan.
144Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailanman;
bigyan mo ako ng pang-unawa upang ako'y mabuhay.
COPH.
145O Panginoon, buong puso akong dumadaing, ako'y iyong sagutin,
iingatan ko ang iyong mga tuntunin.
146Ako'y dumadaing sa iyo; iligtas mo ako,
upang aking matupad ang mga patotoo mo.
147Babangon bago magbukang-liwayway at dumadaing ako;
ako'y umaasa sa mga salita mo.
148Ang mga mata ko'y gising sa gabi sa mga pagbabantay,
upang sa salita mo ako'y makapagbulay-bulay.
149Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong tapat na pagmamahal;
O Panginoon, muli mo akong buhayin ayon sa iyong katarungan.
150Silang sumusunod sa kasamaan ay lumalapit,
sila'y malayo sa iyong mga tuntunin.
151Ngunit ikaw ay malapit, O Panginoon;
at lahat mong utos ay katotohanan.
152Noon pa mang una'y natuto na ako sa iyong mga patotoo
na magpakailanman ay itinatag mo ang mga ito.
RESH.
153Pagmasdan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako;
sapagkat hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
154Ipaglaban mo ang aking layunin, at tubusin mo ako,
muling buhayin mo ako ayon sa iyong pangako!
155Ang kaligtasan ay malayo sa masama,
sapagkat hindi nila hinahanap ang iyong mga batas.
156O Panginoon, dakila ang kaawaan mo,
muling buhayin mo ako ayon sa katarungan mo.
157Marami ang umuusig sa akin at mga kaaway ko;
ngunit hindi ako humihiwalay sa iyong mga patotoo.
158Namasdan ko ang mga taksil at ako'y nasuklam,
sapagkat hindi nila sinusunod ang iyong mga salita.
159Isaalang-alang mo kung paanong iniibig ko ang mga tuntunin mo!
Muling buhayin mo ako ayon sa tapat na pag-ibig mo.
160Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan;
at bawat isa sa iyong matuwid na batas ay nananatili magpakailanman.
SIN.
161Inuusig ako ng mga pinuno nang walang dahilan,
ngunit ang puso ko'y namamangha sa iyong mga salita.
162Ako'y nagagalak sa iyong salita
gaya ng isang nakatagpo ng malaking samsam.
163Aking kinapopootan at kinasusuklaman ang kasinungalingan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
164Pitong ulit sa isang araw ikaw ay pinupuri ko,
sapagkat matuwid ang mga batas mo.
165May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan,
walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal.
166O Panginoon, sa iyong pagliligtas ay umaasa ako,
at tinutupad ko ang mga utos mo.
167Sinusunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo;
lubos ko silang minamahal.
168Aking tinutupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo;
sapagkat lahat ng aking lakad ay nasa harapan mo.
TAU.
169O Panginoon, sa harapan mo ang aking daing ay dumating nawa;
bigyan mo ako ng pagkaunawa ayon sa iyong salita!
170Sa harapan mo ang aking panalangin ay dumating nawa,
iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171Umawit nawa ng papuri ang mga labi ko,
sapagkat itinuturo mo sa akin ang mga batas mo.
172Awitin nawa ng aking dila ang iyong salita,
sapagkat lahat ng mga utos mo ay matuwid.
173Maging handa nawa ang iyong kamay na tulungan ako,
sapagkat aking pinili ang mga alituntunin mo.
174O Panginoon, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan,
at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan.
175Hayaan mo akong mabuhay, upang ako'y makapagpuri sa iyo,
at tulungan nawa ako ng mga batas mo.
176Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod,
sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.

Kasalukuyang Napili:

MGA AWIT 119: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya