Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng ama,
at makinig kayo upang magkamit kayo ng unawa;
sapagkat binibigyan ko kayo ng mabubuting panuntunan:
huwag ninyong talikuran ang aking aral.
Noong ako'y isang anak sa aking ama,
bata pa at tanging anak sa paningin ng aking ina,
tinuruan niya ako, at sa akin ay nagwika,
“Panghawakan ng iyong puso ang aking mga salita.
Tuparin mo ang aking mga utos, at mabubuhay ka.
Kunin mo ang karunungan, kunin mo ang kaunawaan,
huwag kang lumimot, ni sa mga salita ng aking bibig ay humiwalay.
Huwag mo siyang pabayaan at ikaw ay kanyang iingatan;
ibigin mo siya at ikaw ay kanyang babantayan.
Ang pasimula ng karunungan ay ito: Kunin mo ang karunungan,
sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa.
Pahalagahan mo siya, at itataas ka niya;
pararangalan ka niya kapag niyakap mo siya.
Isang kaaya-ayang putong sa ulo mo'y kanyang ilalagay,
isang magandang korona sa iyo'y kanyang ibibigay.”
Makinig ka, anak ko, at tanggapin mo ang aking mga sinasabi,
at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami.
Itinuro ko sa iyo ang daan ng karunungan;
pinatnubayan kita sa mga landas ng katuwiran.
Kapag ikaw ay lumakad, hindi magigipit ang iyong mga hakbang;
at kung ikaw ay tumakbo, hindi ka mabubuwal.
Hawakan mong mabuti ang turo; huwag mong bitawan;
siya'y iyong ingatan, sapagkat siya'y iyong buhay.
Huwag kang pumasok sa landas ng masama,
at huwag kang lumakad sa daan ng taong masasama.
Iwasan mo iyon, huwag mong daanan;
talikuran mo, at iyong lampasan.
Sapagkat hindi sila nakakatulog, malibang sila'y nakagawa ng kasamaan;
at nananakawan sila ng tulog, malibang may isang taong kanilang mapabuwal.
Sapagkat sila'y kumakain ng tinapay ng kasamaan,
at umiinom ng alak ng karahasan.
Ngunit ang landas ng matuwid ay parang liwanag ng bukang-liwayway,
na sumisikat ng higit at mas maliwanag hanggang maging ganap na araw.
Ang daan ng masama ay parang malalim na kadiliman;
hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinakatisuran.
Anak ko, makinig ka sa aking mga salita;
ikiling mo ang iyong pandinig sa aking mga wika.
Huwag mong hayaang sila'y mawala sa paningin mo;
ingatan mo sila sa kaibuturan ng iyong puso.
Sapagkat sa mga nakakatagpo sa kanila ang mga ito'y buhay,
at kagalingan sa kanilang buong katawan.
Ang iyong puso'y buong sikap mong ingatan,
sapagkat mula rito'y dumadaloy ang mga bukal ng buhay.
Ang madayang bibig ay iyong alisin,
ilayo mo sa iyo ang mga labing suwail.
Tuminging matuwid ang iyong mga mata sa unahan,
at ang iyong mga paningin ay maging matuwid sa iyong harapan.
Landas ng iyong mga paa ay iyong tuwirin,
at magiging tiyak ang lahat ng iyong tatahakin.
Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man;
ilayo mo ang iyong paa sa kasamaan.