Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Kawikaan 4:1-27

Kawikaan 4:1-27 ASND

Mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang mga pagtutuwid ng inyong ama sa inyong pag-uugali, upang lumawak ang inyong pang-unawa. Mabuti ang itinuturo kong ito, kaya huwag ninyong ipagwalang bahala. Noong bata pa ako at nasa piling pa ng aking mga magulang, mahal na mahal ako ng aking ina bilang nag-iisang anak. Tinuruan ako ni ama. Sinabi niya sa akin, “Anak, ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo ko. Sundin mo ang mga utos ko at mabubuhay ka nang matagal. Pagsikapan mong magkaroon ng karunungan at pang-unawa. Huwag mong kalilimutan ang mga sinasabi ko at huwag kang hihiwalay dito. Huwag mong tanggihan ang karunungan, sa halip pahalagahan mo ito, dahil iingatan ka nito. Pinakamahalaga sa lahat ang karunungan at pang-unawa. Sikapin mong magkaroon nito kahit na maubos pa ang lahat ng kayamanan mo. Tanggapin moʼt pahalagahan ang karunungan, dahil magbibigay ito sa iyo ng karangalan. Magiging parang koronang bulaklak ito na magbibigay sa iyo ng kagandahan.” Anak, pakinggan mo at tanggapin ang mga sinasabi ko sa iyo upang humaba ang iyong buhay. Tinuruan na kita ng karunungan, kung paano mamuhay sa katuwiran. Kung susundin mo ito, walang makakasagabal sa buhay mo at maliligtas ka sa anumang kapahamakan. Huwag mong kalilimutan ang pagtutuwid ko sa iyong pag-uugali; ingatan mo ito sa puso mo sapagkat mabubuhay ka sa pamamagitan nito. Huwag mong gagayahin ang ginagawa ng mga taong masama. Iwasan mo ito at patuloy kang mamuhay nang matuwid. Sapagkat ang taong masama ay hindi makatulog kapag hindi nakakagawa ng masama o walang naipapahamak. Ang pagkain nila ay paggawa ng kasamaan at ang inumin nila ay paggawa ng karahasan. Ang pamumuhay ng taong matuwid ay parang sikat ng araw na lalong nagliliwanag habang tumatagal. Pero ang pamumuhay ng taong masama ay parang kadiliman; hindi niya alam kung ano ang dahilan ng kanyang pagbagsak. Anak, pakinggan mong mabuti ang itinuturo ko sa iyo. Huwag mo itong kalilimutan kundi ingatan sa puso mo. Sapagkat magbibigay ito ng malusog na katawan at mahabang buhay sa sinumang makakasumpong nito. Higit sa lahat, ingatan mo ang iyong isipan, sapagkat kung ano ang iyong iniisip iyon din ang magiging buhay mo. Huwag kang magsalita ng kasinungalingan at walang kabuluhan. Ituon mo ang iyong paningin sa mga bagay na mabuti. Pag-isipan mong mabuti ang iyong mga gagawin upang magtagumpay ka. Mamuhay ka sa katuwiran at layuan mo ang kasamaan.