Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 15:12-24

MGA KAWIKAAN 15:12-24 ABTAG01

Ayaw ng manlilibak na siya'y maiwasto, siya'y hindi magtutungo sa matalino. Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha, ngunit sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa. Ang isip ng may unawa ay humahanap ng kaalaman, ngunit ang bibig ng mga hangal ay kumakain ng kahangalan. Lahat ng mga araw ng naaapi ay kasamaan, ngunit siyang may masayahing puso ay laging may kapistahan. Mas mabuti ang kaunti kung may takot sa PANGINOON, kaysa malaking kayamanan na may kaguluhan doon. Mabuti pa ang pagkaing gulay na may pag-ibig, kaysa pinatabang baka na may poot na kalakip. Ang mainiting tao ay nag-uudyok ng pagtatalo, ngunit siyang makupad sa galit ay nagpapahupa ng gulo. Ang daan ng tamad ay napupuno ng mga dawag, ngunit ang landas ng matuwid ay isang lansangang patag. Ang matalinong anak ay nagpapasaya ng ama, ngunit hinahamak ng taong hangal ang kanyang ina. Ang kahangalan ay kagalakan sa taong walang bait; ngunit ang may unawa ay lumalakad nang matuwid. Kung walang payo mga panukala'y nawawalang-saysay, ngunit sa dami ng mga tagapayo sila'y nagtatagumpay. Kagalakan sa isang tao ang magbigay ng angkop na kasagutan, at ang salitang nasa tamang panahon ay anong inam! Para sa pantas ang landas ng buhay ay paitaas, upang sa Sheol na nasa sa ibaba siya ay makaiwas.