Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Kawikaan 15:12-24

Kawikaan 15:12-24 ASND

Ang taong nangungutya ay ayaw ng sinasaway; ayaw ding tumanggap ng payo mula sa taong may karunungan. Kapag ang tao ay masaya, nakangiti siya, ngunit kapag ang tao ay malungkot, mukha niya ay nakasimangot. Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang taong hangal ay naghahangad pa ng kahangalan. Ang buhay ng mga dukha ay palaging mahirap, ngunit kung makokontento lang sila ay palagi silang magiging masaya. Mas mabuti pang maging mahirap na may takot sa PANGINOON, kaysa maging mayaman na ang buhay ay puno ng kaguluhan. Mas mabuti pa ang mag-ulam ng kahit gulay lang pero may pagmamahalan, kaysa sa mag-ulam ng karne pero may alitan. Ang taong mainitin ang ulo ay nagpapasimula ng gulo, ngunit ang taong mahinahon ay tagapamayapa ng gulo. Kung ikaw ay tamad, buhay mo ay maghihirap, ngunit kung ikaw ay masipag, buhay mo ay uunlad. Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay hinahamak ang magulang. Ang taong walang pang-unawa ay nagagalak sa kamangmangan, ngunit ang may pang-unawa ay namumuhay nang matuwid. Mabibigo ka kapag hindi ka humihingi ng payo tungkol sa iyong mga pinaplano, ngunit kapag marami kang tagapayo magtatagumpay ang mga plano mo. Nagagalak ang tao kapag akma ang sagot niya. Mas nagagalak siya kung nakakasagot siya sa tamang pagkakataon. Ang taong marunong ay daan patungo sa buhay ang sinusundan at iniiwasan niya ang daan patungo sa kamatayan.