ISAIAS 40
40
Mga Pananalita ng Pag-asa
1Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan,
sabi ng inyong Diyos.
2Magsalita kayo nang sa puso sa Jerusalem,
at sabihin ninyo sa kanya,
na ang kanyang pakikipagdigma ay tapos na,
na ang kanyang kasamaan ay pinatawad,
sapagkat siya'y tumanggap sa kamay ng Panginoon
ng ibayong bahagi para sa lahat niyang kasalanan.
3Ang#Mt. 3:3; Mc. 1:3; Jn. 1:23 #Lu. 3:4-6 tinig ng isang sumisigaw:
“Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Diyos.
4Bawat libis ay matataas,
at bawat bundok at burol ay mabababa;
ang mga baku-bako ay matutuwid,
at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag.
5At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag,
at sama-samang makikita ng lahat ng laman,
sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon.”
6Sinasabi#San. 1:10, 11; 1 Ped. 1:24, 25 ng isang tinig, “Ikaw ay dumaing!”
At sinabi ko, “Ano ang aking idadaing?”
Lahat ng laman ay damo,
at lahat niyang kagandahan ay parang bulaklak ng parang.
7Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta,
kapag ang hininga ng Panginoon ay humihihip doon;
tunay na ang mga tao ay damo.
8Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta;
ngunit ang salita ng ating Diyos ay mamamalagi magpakailanman.
9Umakyat ka sa mataas na bundok,
O Zion, tagapagdala ng mabubuting balita;
itaas mo ang iyong tinig na may kalakasan,
O Jerusalem, tagapagdala ng mabubuting balita,
itaas mo, huwag kang matakot;
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
“Tingnan ang inyong Diyos!”
10Narito,#Isa. 62:11; Apoc. 22:12 ang Panginoong Diyos ay darating na may kapangyarihan,
at ang kanyang kamay ay mamumuno para sa kanya;
narito, ang kanyang gantimpala ay dala niya,
at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya.
11Kanyang#Ez. 34:15; Jn. 10:11 pakakainin ang kanyang kawan na gaya ng pastol,
kanyang titipunin ang mga kordero sa kanyang bisig,
at dadalhin sila sa kanyang kandungan,
at maingat na papatnubayan iyong may mga anak.
12Sino ang tumakal ng tubig sa palad ng kanyang kamay,
at sumukat sa langit ng sa pamamagitan ng dangkal,
at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang takal,
at tumimbang ng mga bundok sa mga timbangan,
at ng mga burol sa timbangan?
13Sinong#Ro. 11:34; 1 Cor. 2:16 pumatnubay sa Espiritu ng Panginoon,
o bilang kanyang tagapayo ay nagturo sa kanya?
14Kanino siya humingi ng payo upang maliwanagan,
at nagturo sa kanya sa landas ng katarungan,
at nagturo sa kanya ng kaalaman,
at nagpakilala sa kanya ng daan ng pagkaunawa?
15Masdan mo, ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba,
itinuturing na parang alabok sa timbangan;
masdan mo, kanyang itinataas ang mga pulo na parang pinong alabok.
16Ang Lebanon ay hindi sapat upang maging panggatong,
ni ang mga hayop niyon ay sapat na handog na sinusunog.
17Lahat ng mga bansa ay parang walang anuman sa harap niya;
kanyang itinuring ang mga ito na mas kulang pa sa wala at walang laman.
18Kanino#Gw. 17:29 nga ninyo itutulad ang Diyos?
O anong wangis ang ihahambing ninyo sa kanya?
19Sa larawang inanyuan! Hinulma ito ng manggagawa,
at binabalot ito ng ginto ng platero,
at hinulmahan ito ng mga pilak na kuwintas.
20Siyang napakadukha ay pumipili bilang handog
ng kahoy na hindi mabubulok;
siya'y humahanap ng isang bihasang manlililok
upang gumawa ng larawang inanyuan na hindi makakakilos.
21Hindi ba ninyo nalaman? Hindi ba ninyo narinig?
Hindi ba sinabi sa inyo mula nang una?
Hindi ba ninyo naunawaan bago pa inilagay ang mga pundasyon ng lupa?
22Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa,
at ang mga naninirahan doon ay parang mga balang;
siyang naglaladlad ng langit na parang tabing,
at inilaladlad ang mga iyon na parang tolda upang tirahan;
23na dinadala sa wala ang mga pinuno,
at ginagawang walang kabuluhan ang mga hukom ng lupa.
24Oo, sila'y hindi nagtatanim, oo, sila'y hindi naghahasik,
oo, ang kanilang puno ay hindi nag-uugat sa lupa,
at humihihip din siya sa kanila at sila'y natutuyo,
at tinatangay sila ng ipu-ipo na gaya ng dayami.
25Kanino nga ninyo ako itutulad,
upang makatulad niya ako? sabi ng Banal.
26Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas,
at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito?
Siya na naglalabas ng kanilang hukbo ayon sa bilang;
tinatawag niya sila ayon sa pangalan;
sa pamamagitan ng kadakilaan ng kanyang kapangyarihan,
at dahil sa siya'y malakas sa kapangyarihan
ay walang nagkukulang.
27Bakit sinasabi mo, O Jacob,
at sinasalita mo, O Israel,
“Ang daan ko ay lingid sa Panginoon,
at nilalagpasan ng aking Diyos ang kahatulan ko”?
28Hindi mo ba nalaman? Hindi mo ba narinig?
Ang Panginoon ang walang hanggang Diyos,
ang Lumikha ng mga dulo ng lupa.
Hindi siya nanghihina, o napapagod man;
walang makatatarok ng kanyang kaunawaan.
29Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina;
at sa kanya na walang kapangyarihan ay dinadagdagan niya ang kalakasan.
30Maging ang mga kabataan ay manghihina at mapapagod,
at ang mga binata ay lubos na mabubuwal;
31ngunit silang naghihintay sa Panginoon ay magpapanibagong lakas,
sila'y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila,
sila'y tatakbo at hindi mapapagod,
sila'y lalakad, at hindi manghihina.
Kasalukuyang Napili:
ISAIAS 40: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001