ISAIAS 39
39
Mga Sugo mula sa Babilonia
(2 Ha. 20:12-19)
1Nang panahong yaon, si Merodac-baladan na anak ni Baladan, na hari ng Babilonia, ay nagpadala ng mga sugo na may dalang mga sulat at regalo kay Hezekias, sapagkat nabalitaan niya na siya'y nagkasakit at gumaling.
2At natuwa si Hezekias dahil sa kanila, at ipinakita sa kanila ang taguan ng kanyang kayamanan, ang pilak, ang ginto, ang mga pabango, ang mahalagang langis, ang lahat ng kanyang sandata, at lahat na nandoon sa kanyang mga imbakan. Walang bagay sa kanyang bahay, o sa buong sakop man niya, na hindi ipinakita ni Hezekias sa kanila.
3Nang magkagayo'y pumunta si Isaias na propeta kay Haring Hezekias, at sinabi sa kanya, “Anong sinabi ng mga lalaking ito? At saan sila nanggaling upang makipagkita sa iyo?” Sinabi ni Hezekias, “Sila'y nagsiparito sa akin mula sa malayong lupain, mula sa Babilonia.”
4Kanyang sinabi, “Ano ang kanilang nakita sa iyong bahay?” At sumagot si Hezekias, “Lahat ng nasa aking bahay ay kanilang nakita; walang anumang bagay sa aking mga imbakan na hindi ko ipinakita sa kanila.”
5Nang magkagayo'y sinabi ni Isaias kay Hezekias, “Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon ng mga hukbo:
6Narito, ang mga araw ay dumarating, na ang lahat na nasa iyong bahay, at ang mga inipon ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, ay dadalhin sa Babilonia; walang maiiwan, sabi ng Panginoon.
7At#Dan. 1:1-7; 2 Ha. 24:10-16; 2 Cro. 36:10 ang iba sa iyong mga anak na ipapanganak sa iyo ay dadalhin. Sila'y magiging mga eunuko sa bahay ng hari ng Babilonia.”
8Nang magkagayo'y sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinabi.” Sapagkat kanyang sinabi, “Magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga araw.”
Kasalukuyang Napili:
ISAIAS 39: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001