ISAIAS 41
41
Ang Pangako ng Diyos sa Israel
1Tahimik kayong makinig sa akin, O mga lupain sa baybayin;
hayaang magpanibagong lakas ang mga bayan;
hayaang lumapit sila, at hayaang magsalita sila;
tayo'y sama-samang lumapit para sa kahatulan.
2Sinong nagbangon ng matuwid sa silangan,
na kaniyang tinawag sa kanyang paanan?
Siya'y nagbibigay ng mga bansa sa harap niya,
pinasusuko niya ang mga hari;
kanyang ginagawa silang parang alabok sa kanyang tabak,
na parang pinaspas na dayami ng kanyang busog.
3Kanyang hinahabol sila at lumalampas na payapa
sa mga daang hindi dinaanan ng kanyang mga paa.
4Sinong nagbalak at nagsagawa nito,
na tumawag ng mga salinlahi mula nang pasimula?
Akong Panginoon, ang una,
at kasama ng huli, Ako nga.
5Nakita ng mga pulo, at natakot,
ang mga dulo ng lupa ay nanginig;
sila'y lumapit, at pumarito.
6Bawat tao'y tumutulong sa kanyang kapwa,
at sinasabi sa kanyang kapatid, “Ikaw ay magpakatapang!”
7Pinasisigla ng karpintero ang platero,
at pinasisigla ng gumagamit ng pamukpok ang pumupukpok ng palihan,
na sinasabi tungkol sa paghinang, “Mabuti”;
at kanyang inilalapat ng mga pako, upang huwag makilos.
Ang Israel ay Tiniyak na Tutulungan ng Panginoon
8Ngunit#2 Cro. 20:7; San. 2:23 ikaw, Israel, lingkod ko,
Jacob, na siyang aking pinili,
na binhi ni Abraham na aking kaibigan;
9ikaw na aking kinuha mula sa mga dulo ng lupa,
at tinawag kita mula sa mga pinakamalayong sulok niyon,
na sinasabi sa iyo, “Ikaw ay aking lingkod,
aking pinili ka at hindi kita itinakuwil”;
10huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo,
huwag kang mabalisa, sapagkat ako'y Diyos mo;
aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan;
oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran.
11Narito, silang lahat na nagagalit sa iyo
ay mapapahiya at malilito:
silang nakikipaglaban sa iyo
ay mawawalan ng kabuluhan at mapapahamak.
12Iyong hahanapin sila na nakikipaglaban sa iyo,
ngunit hindi mo sila matatagpuan;
silang nakikipagdigma laban sa iyo
ay matutulad sa wala.
13Sapagkat ako, ang Panginoon mong Diyos,
ang humahawak ng iyong kanang kamay;
ako na nagsasabi sa iyo, “Huwag kang matakot,
ikaw ay aking tutulungan.”
14Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob,
at kayong mga lalaki ng Israel!
aking tutulungan ka, sabi ng Panginoon,
ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel.
15Narito, ginawa kitang bagong matalas na kasangkapang panggiik,
na may mga ngipin;
iyong gigiikin ang mga bundok, at dudurugin ang mga iyon,
at iyong gagawing parang ipa ang mga burol.
16Iyong tatahipan sila, at tatangayin ng hangin,
at pangangalatin ng ipu-ipo.
At ikaw ay magagalak sa Panginoon,
at iyong luluwalhatiin ang Banal ng Israel.
17Kapag ang dukha at nangangailangan ay humahanap ng tubig,
at wala,
at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw,
akong Panginoon ay sasagot sa kanila,
akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.
18Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga lantad na kaitaasan,
at ng mga bukal sa gitna ng mga libis;
aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig,
at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.
19Aking itatanim sa ilang ang sedro,
ang puno ng akasya, at ang arayan, at ang olibo;
aking ilalagay na magkakasama sa ilang ang sipres na puno,
ang alerses at pino;
20upang makita at malaman ng mga tao,
isaalang-alang at sama-samang unawain,
na ginawa ito ng kamay ng Panginoon,
at nilikha ito ng Banal ng Israel.
Ang Hamon ng Diyos sa mga Huwad na Diyos
21Iharap ninyo ang inyong usapin, sabi ng Panginoon;
dalhin ninyo ang inyong mga matibay na dahilan, sabi ng Hari ni Jacob.
22Hayaang dalhin nila, at ipahayag sa amin
kung anong mangyayari.
Sabihin sa amin ang mga dating bagay, kung ano ang mga iyon,
upang aming malaman ang kalalabasan nila;
o ipahayag ninyo sa amin ang mga bagay na darating.
23Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos,
upang aming malaman na kayo'y mga diyos;
oo, kayo'y gumawa ng mabuti, o gumawa ng kasamaan,
upang kami ay mawalan ng loob at mamasdan naming sama-sama.
24Narito, kayo'y bale-wala,
at walang kabuluhan ang inyong gawa;
kasuklamsuklam siya na pumipili sa inyo.
25May ibinangon ako mula sa hilaga, at siya'y dumating;
mula sa sikatan ng araw ay tatawag siya sa aking pangalan;
siya'y paroroon sa mga pinuno na parang pambayo,
gaya ng magpapalayok na tumatapak sa luwad.
26Sinong nagpahayag noon mula nang pasimula upang aming malaman?
At nang una, upang aming masabi, “Siya'y matuwid”?
Oo, walang nagpahayag, oo, walang nagsalita,
oo, walang nakinig ng inyong mga salita.
27Ako'y unang magsasabi sa Zion,
narito, narito sila;
at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.
28Ngunit nang ako'y tumingin ay walang tao,
sa gitna nila ay walang tagapayo
na makapagbibigay ng sagot, kapag nagtatanong ako.
29Narito, silang lahat ay masama;
ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan,
ang kanilang mga larawang inanyuan ay hangin at walang laman.
Kasalukuyang Napili:
ISAIAS 41: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001