Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HOSEAS 9:3-17

HOSEAS 9:3-17 ABTAG01

Sila'y hindi mananatili sa lupain ng PANGINOON; kundi ang Efraim ay babalik sa Ehipto, at sila'y kakain ng maruming pagkain sa Asiria. Hindi sila magbubuhos ng inuming handog sa PANGINOON, ni makalulugod man sa kanya ang kanilang mga alay. Ang kanilang mga handog ay magiging parang tinapay ng nagluluksa; lahat ng kumakain niyon ay madudungisan; sapagkat ang kanilang tinapay ay para lamang sa kanilang gutom; hindi iyon papasok sa bahay ng PANGINOON. Ano ang inyong gagawin sa araw ng takdang kapulungan, at sa araw ng kapistahan ng PANGINOON? Sapagkat, narito, sila'y nakatakas mula sa pagkawasak, gayunma'y titipunin sila ng Ehipto, sila'y ililibing ng Memfis; ang kanilang mahahalagang bagay na pilak ay aariin ng dawag; magkakaroon ng mga tinik ang kanilang mga tolda. Ang mga araw ng pagpaparusa ay dumating na, sumapit na ang mga araw ng paniningil; hayaang malaman iyon ng Israel. Ang propeta ay hangal, ang lalaking may espiritu ay ulol, dahil sa iyong malaking kasamaan, at malaking poot. Ang propeta ang bantay sa Efraim, ang bayan ng aking Diyos, gayunma'y nasa lahat ng kanyang daan ang bitag ng manghuhuli, at ang pagkamuhi ay nasa bahay ng kanyang Diyos. Pinasama nila nang lubusan ang kanilang mga sarili. na gaya nang mga araw ng Gibea; kanyang aalalahanin ang kanilang kasamaan, kanyang parurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Aking natagpuan ang Israel na parang ubas sa ilang. Aking nakita ang inyong mga magulang na parang unang bunga sa puno ng igos sa kanyang unang kapanahunan. Ngunit sila'y pumaroon kay Baal-peor, at itinalaga ang kanilang sarili sa kahihiyan, at naging kasuklamsuklam na gaya ng bagay na kanilang inibig. Ang kaluwalhatian ng Efraim, ay lilipad papalayo na parang ibon; walang panganganak, walang pagbubuntis, at walang paglilihi! Kahit magpalaki pa sila ng mga anak, aalisan ko sila ng anak hanggang walang matira. Oo, kahabag-habag sila kapag ako'y humiwalay sa kanila! Ang Efraim, gaya nang aking makita ang Tiro, na natatanim sa magandang dako, ngunit ilalabas ng Efraim ang kanyang mga anak sa katayan. Bigyan mo sila, O PANGINOON—anong iyong ibibigay? Bigyan mo sila ng mga sinapupunang maaagasan at ng mga tuyong suso. PANGINOON Lahat nilang kasamaan ay nasa Gilgal; doo'y nagsimula kong kapootan sila. Dahil sa kasamaan ng kanilang mga gawa, palalayasin ko sila sa aking bahay. Hindi ko na sila iibigin; lahat ng kanilang pinuno ay mga mapanghimagsik. Ang Efraim ay nasaktan, ang kanilang ugat ay natuyo, sila'y hindi magbubunga. Kahit sila'y manganak, aking papatayin ang minamahal na bunga ng kanilang sinapupunan. Itatakuwil sila ng aking Diyos, sapagkat hindi sila nakinig sa kanya; at sila'y magiging mga palaboy sa gitna ng mga bansa.