Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HOSEAS 2:15-23

HOSEAS 2:15-23 ABTAG01

At doon ko ibibigay sa kanya ang kanyang mga ubasan, at gagawin kong pintuan ng pag-asa ang Libis ng Acor. Siya'y aawit doon, gaya ng mga araw ng kanyang kabataan, at gaya ng araw nang siya'y umahon mula sa lupain ng Ehipto. Sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON, tatawagin mo akong “Asawa ko;” at hindi mo na ako tatawaging, “Baal ko!” Sapagkat aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kanyang bibig, at sila'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan. Sa araw na iyon ay igagawa kita ng pakikipagtipan sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na gumagapang sa lupa; at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang digmaan sa lupain, at pahihigain kita nang tiwasay. At gagawin kitang asawa ko magpakailanman; gagawin kitang asawa ko sa katuwiran at sa katarungan, sa tapat na pag-ibig at sa kaawaan. Gagawin kitang asawa ko sa katapatan; at makikilala mo ang PANGINOON. Sa araw na iyon, ako'y sasagot, sabi ng PANGINOON, ako'y sasagot sa langit, at sila'y sasagot sa lupa; at ang lupa'y sasagot sa trigo, sa bagong alak, at sa langis; at sila'y sasagot sa Jezreel. At aking ihahasik siya para sa akin sa lupa; at ako'y mahahabag sa kanya na hindi nagtamo ng kahabagan. At aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, “Ikaw ay aking bayan”; at siya'y magsasabi, “Ikaw ay aking Diyos.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa HOSEAS 2:15-23