Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HOSEAS 2

2
Ang Taksil na si Gomer—Ang Taksil na Israel
1Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalaki, Ammi;#2:1 o Bayan ko. at sa inyong mga kapatid na babae, Ruhama.#2:1 o Ang kinahabagan.
2Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo;
sapagkat siya'y hindi ko asawa,
at ako ay hindi niya asawa;
na alisin niya ang kanyang pagiging bayarang babae#2:2 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw. sa kanyang mukha,
at ang kanyang pangangalunya sa pagitan ng kanyang mga suso.
3Kung hindi'y huhubaran ko siya,
at ilalantad ko siya na gaya nang araw na siya'y ipanganak,
at gagawin ko siyang parang isang ilang,
at gagawin ko siyang parang isang tigang na lupa,
at papatayin ko siya sa uhaw.
4Sa kanyang mga anak ay hindi rin ako mahahabag;
sapagkat sila'y mga anak sa pagiging bayarang babae.
5Sapagkat ang kanilang ina ay bayarang babae;
siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya.
Sapagkat kanyang sinabi, “Ako'y susunod sa aking mga mangingibig;
na nagbibigay sa akin ng aking tinapay at tubig,
ng aking lana, lino, langis at ng inumin ko.”
6Kaya't narito, babakuran ko ang kanyang daan ng mga tinik,
at ako'y gagawa ng pader laban sa kanya
upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas.
7Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig
ngunit sila'y hindi niya aabutan;
at sila'y hahanapin niya,
ngunit sila'y hindi niya matatagpuan.
Kung magkagayo'y sasabihin niya, “Ako'y hahayo
at babalik sa aking unang asawa;
sapagkat mas mabuti ang kalagayan ko noon kaysa ngayon.
8Sapagkat hindi niya nalaman
na ako ang nagbigay sa kanya
ng trigo, alak, at langis,
at nagpasagana sa kanya ng pilak
at ginto na kanilang ginamit para kay Baal.
9Kaya't aking babawiin
ang aking trigo sa panahon ng pag-aani,
at ang aking alak sa panahon niyon,
at aking kukunin ang aking lana at ang aking lino
na sana'y itatakip sa kanyang kahubaran.
10At ngayo'y aking ililitaw ang kanyang kahalayan
sa paningin ng kanyang mga mangingibig
at walang magliligtas sa kanya mula sa aking kamay.
11Wawakasan ko ang lahat niyang mga pagsasaya,
ang kanyang mga kapistahan, ang kanyang mga bagong buwan, ang kanyang mga Sabbath,
at lahat ng kanyang mga takdang pagpupulong.
12At aking wawasakin ang kanyang mga puno ng ubas, at ang kanyang mga puno ng igos,
na siya niyang sinasabi,
“Ang mga ito ang aking kabayaran
na ibinigay sa akin ng aking mga mangingibig.”
At ang mga iyon ay aking gagawing isang gubat,
at lalamunin ang mga ito ng hayop sa kaparangan.
13Aking parurusahan siya dahil sa mga araw ng mga Baal,
nang pagsunugan niya ang mga ito ng insenso,
at nang siya'y naggayak ng kanyang mga hikaw at mga hiyas,
at sumunod sa kanyang mga mangingibig,
at kinalimutan ako, sabi ng Panginoon.
Ang Pag-ibig ng Panginoon sa Kanyang Bayan
14Kaya't akin siyang aakitin,
at dadalhin siya sa ilang,
at malambing ko siyang kakausapin.
15At#Jos. 7:24-26 doon ko ibibigay sa kanya ang kanyang mga ubasan,
at gagawin kong pintuan ng pag-asa ang Libis ng Acor.
Siya'y aawit doon, gaya ng mga araw ng kanyang kabataan,
at gaya ng araw nang siya'y umahon mula sa lupain ng Ehipto.
16Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, tatawagin mo akong “Asawa ko;” at hindi mo na ako tatawaging, “Baal ko!”
17Sapagkat aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kanyang bibig, at sila'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan.
18Sa araw na iyon ay igagawa kita ng pakikipagtipan sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na gumagapang sa lupa; at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang digmaan sa lupain, at pahihigain kita nang tiwasay.
19At gagawin kitang asawa ko magpakailanman; gagawin kitang asawa ko sa katuwiran at sa katarungan, sa tapat na pag-ibig at sa kaawaan.
20Gagawin kitang asawa ko sa katapatan; at makikilala mo ang Panginoon.
21Sa araw na iyon, ako'y sasagot, sabi ng Panginoon,
ako'y sasagot sa langit,
at sila'y sasagot sa lupa;
22at ang lupa'y sasagot sa trigo, sa bagong alak, at sa langis;
at sila'y sasagot sa Jezreel.
23At#Ro. 9:25; 1 Ped. 2:10 aking ihahasik siya para sa akin sa lupa;
at ako'y mahahabag sa kanya na hindi nagtamo ng kahabagan.
At aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, “Ikaw ay aking bayan”;
at siya'y magsasabi, “Ikaw ay aking Diyos.”

Kasalukuyang Napili:

HOSEAS 2: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in