Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 4:1-16

GENESIS 4:1-16 ABTAG01

At nakilala ng lalaki si Eva na kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, “Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ng PANGINOON.” Kasunod nito ay ipinanganak niya ang kanyang kapatid na si Abel. Si Abel ay tagapag-alaga ng mga tupa at si Cain ay magbubungkal ng lupa. Sa paglipas ng panahon ay nagdala si Cain ng isang handog sa PANGINOON mula sa mga bunga ng lupa. Nagdala rin si Abel ng mga panganay ng kanyang kawan, ang taba ng mga iyon. At pinahalagahan ng PANGINOON si Abel at ang kanyang handog, subalit hindi niya pinahalagahan si Cain at ang kanyang handog. Galit na galit si Cain, at nagngitngit ang kanyang mukha. Sinabi ng PANGINOON kay Cain, “Bakit ka nagalit at bakit nagngitngit ang iyong mukha? Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, hindi ka ba tatanggapin? At kung hindi ka gumawa ng mabuti, ang kasalanan ang nag-aabang sa pintuan. Ikaw ang nais nito, subalit kailangang madaig mo ito!” Sinabihan ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel, at nangyari nang sila'y nasa parang, tumindig si Cain laban kay Abel na kanyang kapatid, at ito'y kanyang pinatay. At sinabi ng PANGINOON kay Cain, “Nasaan si Abel na iyong kapatid?” At sinabi niya, “Aywan ko! Ako ba'y tagapagbantay ng aking kapatid?” Sinabi niya, “Ano ang ginawa mo? Ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa. Ngayo'y sinumpa ka mula sa lupa. Ibinuka ng lupa ang bibig nito upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay. Kapag binungkal mo ang lupa, ito ay di na muling magbibigay sa iyo ng kanyang lakas. Ikaw ay magiging palaboy at pagala-gala sa lupa.” At sinabi ni Cain sa PANGINOON, “Ang parusa sa akin ay higit kaysa makakaya ko. Ako ngayo'y itinataboy mo mula sa ibabaw ng lupa, at ako'y maikukubli sa iyong mukha. Ako'y magiging palaboy at pagala-gala, sinumang makakita sa akin ay papatayin ako.” At sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Hindi! Sinumang pumatay kay Cain ay pitong ulit na gagantihan.” At nilagyan ng PANGINOON ng isang tanda si Cain upang huwag siyang patayin ng sinumang makakita sa kanya. At umalis si Cain sa harapan ng PANGINOON at nanirahan sa lupain ng Nod, sa silangan ng Eden.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya