GENESIS 4
4
Sina Cain at Abel
1At nakilala ng lalaki si Eva na kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, “Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ng Panginoon.”
2Kasunod nito ay ipinanganak niya ang kanyang kapatid na si Abel. Si Abel ay tagapag-alaga ng mga tupa at si Cain ay magbubungkal ng lupa.
3Sa paglipas ng panahon ay nagdala si Cain ng isang handog sa Panginoon mula sa mga bunga ng lupa.
4Nagdala#Heb. 11:4 rin si Abel ng mga panganay ng kanyang kawan, ang taba ng mga iyon. At pinahalagahan ng Panginoon si Abel at ang kanyang handog,
5subalit hindi niya pinahalagahan si Cain at ang kanyang handog. Galit na galit si Cain, at nagngitngit#4:5 Sa Hebreo ay bumagsak. ang kanyang mukha.
6Sinabi ng Panginoon kay Cain, “Bakit ka nagalit at bakit nagngitngit#4:6 Sa Hebreo ay bumagsak. ang iyong mukha?
7Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, hindi ka ba tatanggapin? At kung hindi ka gumawa ng mabuti, ang kasalanan ang nag-aabang sa pintuan. Ikaw ang nais nito, subalit kailangang madaig mo ito!”
Ang Pagpatay kay Abel
8Sinabihan#Mt. 23:35; Lu. 11:51; 1 Jn. 3:12 ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel, at nangyari nang sila'y nasa parang, tumindig si Cain laban kay Abel na kanyang kapatid, at ito'y kanyang pinatay.
9At sinabi ng Panginoon kay Cain, “Nasaan si Abel na iyong kapatid?” At sinabi niya, “Aywan ko! Ako ba'y tagapagbantay ng aking kapatid?”
10Sinabi#Heb. 12:24 niya, “Ano ang ginawa mo? Ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa.
11Ngayo'y sinumpa ka mula sa lupa. Ibinuka ng lupa ang bibig nito upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay.
12Kapag binungkal mo ang lupa, ito ay di na muling magbibigay sa iyo ng kanyang lakas. Ikaw ay magiging palaboy at pagala-gala sa lupa.”
13At sinabi ni Cain sa Panginoon, “Ang parusa sa akin ay higit kaysa makakaya ko.
14Ako ngayo'y itinataboy mo mula sa ibabaw ng lupa, at ako'y maikukubli sa iyong mukha. Ako'y magiging palaboy at pagala-gala, sinumang makakita sa akin ay papatayin ako.”
15At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hindi! Sinumang pumatay kay Cain ay pitong ulit na gagantihan.” At nilagyan ng Panginoon ng isang tanda si Cain upang huwag siyang patayin ng sinumang makakita sa kanya.
16At umalis si Cain sa harapan ng Panginoon at nanirahan sa lupain ng Nod, sa silangan ng Eden.
Ang mga Naging Anak ni Cain
17Sumiping#4:17 Sa Hebreo ay nakilala. si Cain sa kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Enoc. Siya'y nagtayo ng isang lunsod at tinawag ang lunsod ayon sa pangalan ng kanyang anak na si Enoc.
18Naging anak ni Enoc si Irad; at naging anak ni Irad si Mehujael; at naging anak ni Mehujael si Metusael; at naging anak ni Metusael si Lamec.
19At si Lamec ay nag-asawa ng dalawa; ang pangalan ng isa'y Ada, at ang pangalan ng ikalawa ay Zilla.
20Naging anak ni Ada si Jabal. Siya ang ama ng mga naninirahan sa mga tolda at may mga hayop.
21Ang pangalan ng kanyang kapatid ay Jubal. Siya ang ama ng lahat na tumutugtog ng alpa at plauta.
22Ipinanganak ni Zilla si Tubal-Cain, ang panday ng lahat na kagamitang patalim na tanso at bakal. At ang kapatid na babae ni Tubal-Cain ay si Naama.
23At sinabi ni Lamec sa kanyang mga asawa,
“Ada at Zilla, pakinggan ninyo ang aking tinig.
Kayong mga asawa ni Lamec ay makinig sa aking mga salita.
Pumatay ako ng isang tao, dahil sa pagsugat sa akin,
at ng isang binata, dahil sa ako'y sinaktan.
24Kung pitong ulit ipaghihiganti si Cain,
tunay na si Lamec ay pitumpu't pitong ulit.”
Sina Set at Enos
25Muling nakilala ni Adan ang kanyang asawa at siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Set; sapagkat kanyang sinabi, “Binigyan ako ng Diyos ng ibang anak na kahalili ni Abel, sapagkat siya'y pinatay ni Cain.”
26Nagkaanak din si Set ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Enos. Nang panahong iyon ang mga tao ay nagsimulang tumawag sa pangalan ng Panginoon.
Kasalukuyang Napili:
GENESIS 4: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001