Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 4:1-16

GENESIS 4:1-16 ABTAG

At nakilala ng lalake si Eva na kaniyang asawa; at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, Nagkaanak ako ng lalake sa tulong ng Panginoon. At sa muli ay ipinanganak ang kaniyang kapatid na si Abel. At si Abel ay tagapagalaga ng mga tupa; datapuwa't si Cain ay mangbubukid ng lupa. At nangyari nang lumalakad ang panahon ay nagdala si Cain ng isang handog na mga bunga ng lupa sa Panginoon. At nagdala rin naman si Abel ng mga panganay ng kaniyang kawan at ng mga taba ng mga yaon. At nilingap ng Panginoon si Abel at ang kaniyang handog: Datapuwa't hindi nilingap si Cain at ang kaniyang handog. At naginit na mainam si Cain, at namanglaw ang kaniyang mukha. At sinabi ng Panginoon kay Cain, Bakit ka naginit? at bakit namanglaw ang iyong mukha? Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, di ba ikaw mamarapatin? at kung hindi ka gumawa ng mabuti, ay nahahandusay ang kasalanan sa pintuan: at sa iyo'y pahihinuhod ang kaniyang nasá, at ikaw ang papanginoonin niya. At yao'y sinabi ni Cain sa kaniyang kapatid na kay Abel. At nangyari, nang sila'y nasa parang ay nagtindig si Cain laban kay Abel na kaniyang kapatid, at siya'y kaniyang pinatay. At sinabi ng Panginoon kay Cain, Saan naroon si Abel na iyong kapatid? At sinabi niya, Aywan ko: ako ba'y tagapagbantay sa aking kapatid? At sinabi niya, Anong iyong ginawa? ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa. At ngayo'y sinumpa ka sa lupa na siyang nagbuka ng bibig na tumanggap sa iyong kamay ng dugo ng iyong kapatid; Pagbubukid mo ng lupa, ay di na ibibigay mula ngayon sa iyo ang kaniyang lakas; ikaw ay magiging palaboy at hampas-lupa sa lupa. At sinabi ni Cain sa Panginoon, Ang aking kaparusahan ay higit kaysa mababata ko. Narito, ako'y iyong itinataboy ngayon mula sa ibabaw ng lupa, at sa iyong harapan ay magtatago ako; at ako'y magiging palaboy at hampas-lupa; at mangyayari, na sinomang makasumpong sa akin ay papatayin ako. At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Dahil dito'y sinomang pumatay kay Cain ay makapitong gagantihan. At nilagyan ng Panginoon ng isang tanda si Cain, baka siya'y sugatan ng sinomang makakasumpong sa kaniya. At umalis si Cain sa harapan ng Panginoon at tumahan sa lupain ng Nod, sa silanganan ng Eden.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya