GENESIS 34
34
Pinagsamantalahan si Dina
1Si Dina na anak ni Lea, na ipinanganak nito kay Jacob, ay lumabas upang tingnan ang mga babae ng lupaing iyon.
2Nang makita siya ni Shekem, anak ni Hamor na Heveo na siyang pinuno sa lupain, kanyang kinuha siya at sapilitang sinipingan.
3Siya#34:3 Sa Hebreo ay Ang kanyang kaluluwa. ay napalapit kay Dina, na anak ni Jacob at kanyang inibig ang dalaga, at nangusap sa kanya na may pagmamahal.
4Kaya't si Shekem ay nagsalita sa kanyang amang si Hamor, na sinasabi, “Kunin mo para sa akin ang dalagang ito upang maging asawa ko.”
5Nabalitaan nga ni Jacob na pinagsamantalahan ni Shekem#34:5 Sa Hebreo ay niya. ang kanyang anak na si Dina; subalit ang kanyang mga anak na lalaki ay kasama ng mga hayop niya sa parang kaya't nanatiling tahimik si Jacob hanggang sa sila'y nakarating.
6Lumabas si Hamor na ama ni Shekem upang makipag-usap kay Jacob,
7nang ang mga anak na lalaki ni Jacob ay magsiuwi mula sa parang. Nang ito'y kanilang mabalitaan, galit na galit ang mga lalaki, sapagkat gumawa si Shekem ng kalapastanganan sa Israel sa pamamagitan ng pagsiping sa anak ni Jacob, sapagkat ang gayong bagay ay di-nararapat gawin.
8Subalit nagsalita si Hamor sa kanila, na sinasabi, “Ang puso ng aking anak na si Shekem ay nasasabik sa iyong anak. Hinihiling ko sa inyo na ipagkaloob ninyo siya sa kanya upang maging asawa niya.
9Magsipag-asawa kayo sa amin; ibigay ninyo sa amin ang inyong mga anak na babae, at ibibigay namin sa inyo ang aming mga anak na babae.
10Kayo'y maninirahang kasama namin, at ang lupain ay magiging bukas sa inyo. Mangalakal kayo at magkaroon kayo ng mga pag-aari dito.”
11Sinabi rin ni Shekem sa ama ni Dina at sa kanyang mga kapatid, “Makatagpo sana ako ng biyaya sa inyong paningin at ang hingin ninyo sa akin ay aking ibibigay.
12Humingi kayo sa akin ng kahit anong bigay-kaya at regalo na nais ninyo at aking ibibigay ayon sa sinabi ninyo sa akin; subalit ibigay ninyo sa akin ang dalaga upang maging asawa ko.”
13At nagsisagot na may pandaraya ang mga anak na lalaki ni Jacob kina Shekem at Hamor na kanyang ama, sapagkat kanyang pinagsamantalahan si Dina na kanilang kapatid.
14Sinabi nila sa kanila, “Hindi namin magagawang ibigay ang aming kapatid sa isang hindi tuli; sapagkat ito'y kahihiyan namin.
15Sa ganitong paraan lamang kami papayag: kung kayo'y magiging gaya namin, na ang lahat ng lalaki sa inyo ay tuliin.
16Pagkatapos ay ibibigay namin sa inyo ang aming mga anak na babae, at makikisama kami sa inyong mga anak na babae, at maninirahan kami sa inyo, at magiging isang bayan.
17Subalit kung ayaw ninyo kaming pakinggan na kayo'y matuli, ay kukunin namin ang aming anak na babae at kami ay aalis.”
18Nasiyahan sa kanilang mga salita si Hamor at ang kanyang anak na si Shekem.
19Hindi nag-atubili ang binata na gawin iyon, sapagkat nalugod siya sa anak na babae ni Jacob. Si Shekem#34:19 Sa Hebreo ay Siya. ay ang pinakamarangal sa buong sambahayan ng kanyang ama.
20Kaya't si Hamor at ang anak niyang si Shekem ay pumunta sa pintuang-bayan ng kanilang lunsod, at sila'y nagsalita sa mga tao sa kanilang lunsod, na sinasabi,
21“Ang mga taong ito ay mabuting makitungo sa atin; kaya't hayaan natin silang manirahan sa lupain at magsipangalakal sila riyan, sapagkat ang lupain ay sapat ang laki para sa kanila. Ipakasal natin ang ating mga anak sa kanilang mga anak na babae, at ating ibigay sa kanila ang ating mga anak na babae.
22Sa ganito lamang paraan sila papayag na tumirang kasama natin, upang maging isang bayan: na patuli ang lahat ng lalaki sa atin, na gaya naman nila na mga tuli.
23Di ba magiging atin ang kanilang mga baka at ang kanilang mga pag-aari at ang lahat nilang hayop? Sumang-ayon lamang tayo sa kanila at sila ay mabubuhay na kasama natin.”
24At pinakinggan si Hamor at si Shekem na kanyang anak ng lahat na lumabas sa pintuan ng kanyang lunsod. Kaya't ang lahat ng lalaki na lumabas sa pintuan ng kanyang lunsod ay tinuli.
25Sa ikatlong araw, nang mahapdi pa ang mga sugat ng mga tinuli, ang dalawa sa mga anak ni Jacob, sina Simeon at Levi, na mga kapatid ni Dina, ay kumuha ng kanilang tabak, palihim na pumasok sa bayan, at kanilang pinatay ang lahat ng mga lalaki.
26Kanilang pinatay si Hamor at si Shekem na kanyang anak sa pamamagitan ng tabak, at kanilang kinuha si Dina sa bahay ni Shekem, at nagsialis.
Nilooban ang Shekem
27Nagtungo ang mga anak na lalaki ni Jacob sa mga pinatay, at kanilang sinamsaman ang bayan, sapagkat pinagsamantalahan ang kanilang kapatid.
28Kinuha nila ang kanilang mga kawan, mga bakahan, mga asno, at anumang nasa bayan, at nasa parang.
29Sinamsam nila ang kanilang buong kayamanan, ang lahat ng kanilang mga anak at mga asawa at lahat na nasa bahay.
30Sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, “Ako'y inyong binagabag, na gawin akong kasuklamsuklam sa mga nakatira sa lupain, sa mga Cananeo at mga Perezeo. Iilan lamang ang aking tauhan at sila ay magtitipon laban sa akin, at ako'y kanilang sasalakayin, at ang aking sambahayan ay pupuksain.”
31Subalit sinabi nila, “Ang amin bang kapatid ay ituturing na parang isang masamang babae?”
Kasalukuyang Napili:
GENESIS 34: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001