Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 33

33
Nagtagpo sina Jacob at Esau
1Tumanaw si Jacob at nakita niyang si Esau ay dumarating na may kasamang apatnaraang katao. Kaya't kanyang pinaghiwalay ang mga bata kina Lea at Raquel, at sa dalawang aliping babae.
2Inilagay niya ang mga alipin na kasama ng kanilang mga anak sa unahan, at si Lea na kasama ng kanyang mga anak bilang pangalawa, at sina Raquel at Jose na pinakahuli.
3At siya naman ay lumampas sa unahan nila, at pitong ulit na yumuko sa lupa hanggang sa siya ay mapalapit sa kanyang kapatid.
4At tumakbo si Esau upang salubungin siya, niyakap siya, niyapos siya sa leeg, hinagkan at sila ay nag-iyakan.
5Nang itaas ni Esau ang kanyang paningin, at nakita ang mga babae at ang mga bata, ay kanyang sinabi, “Sino itong mga kasama mo?” At kanyang sinabi, “Ang mga anak na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod.”
6Nang magkagayo'y lumapit ang mga aliping babae at ang kanilang mga anak, at nagsiyuko.
7Lumapit din si Lea at ang kanyang mga anak, at nagsiyuko, pagkatapos ay nagsilapit sina Jose at Raquel, at nagsiyuko.
8Sinabi ni Esau,#33:8 Sa Hebreo ay niya. “Ano ang kahulugan ng lahat na ito na nasalubong ko?” At sumagot si Jacob,#33:8 Sa Hebreo ay siya. “Upang makakita ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.”
9Subalit sinabi ni Esau, “Sapat na ang nasa akin, kapatid ko. Ang nasa iyo ay sa iyo na.”
10Sinabi sa kanya ni Jacob, “Hindi, nakikiusap ako sa iyo, na kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, ay tanggapin mo nga ang aking kaloob mula sa aking kamay; sapagkat nakita ko ang iyong mukha, na gaya ng nakakita ng mukha ng Diyos, at ikaw ay nalugod sa akin.
11Nakikiusap ako sa iyo, tanggapin mo ang kaloob na dala ko sa iyo sapagkat lubos na ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos, at mayroon ako ng lahat na kailangan ko.” Kaya't hinimok ni Jacob si Esau at kanyang tinanggap.
12Sinabi niya, “Tayo'y humayo at maglakbay at ako'y sasama sa iyo.”
13Subalit sinabi ni Jacob sa kanya, “Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay mahihina pa at mayroon sa mga kawan at mga baka na nagpapasuso; kapag sila'y pinagmadali nila sa isang araw lamang ay mamamatay ang lahat ng kawan.
14Magpauna na ang aking panginoon sa kanyang lingkod at ako'y magpapatuloy na dahan-dahan, ayon sa hakbang ng mga hayop na nasa aking unahan, at sa hakbang ng mga bata, hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir.”
15Kaya't sinabi ni Esau, “Pahintulutan mong iwan ko sa iyo ang ilan sa mga taong kasama ko.” Kanyang sinabi, “Bakit kailangan pa? Sapat na ang makakita ako ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.”
16Kaya't nagbalik si Esau nang araw ding iyon sa kanyang lakad patungo sa Seir.
17Si Jacob ay naglakbay sa Sucot, at nagtayo ng isang bahay para sa kanya, at iginawa niya ng mga balag ang kanyang hayop. Kaya't tinawag ang pangalan ng lugar na iyon na Sucot.
18Payapang dumating si Jacob sa bayan ng Shekem, na nasa lupain ng Canaan, nang siya'y dumating mula sa Padan-aram; at siya'y tumigil sa tapat ng bayan.
19Binili#Jos. 24:32; Jn. 4:5 niya sa halagang isandaang pirasong salapi ang bahaging iyon ng lupa na pinagtayuan ng kanyang tolda, sa kamay ng mga anak ni Hamor, na ama ni Shekem.
20At siya'y nagtayo roon ng isang dambana at tinawag niya itong El-Elohe-Israel.#33:20 Ang kahulugan ay Diyos, ang Diyos ng Israel.

Kasalukuyang Napili:

GENESIS 33: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in