GENESIS 35
35
Binasbasan ng Diyos si Jacob sa Bethel
1Sinabi#Gen. 28:11-17 ng Diyos kay Jacob, “Tumayo ka, umahon ka sa Bethel, at doon ka manirahan. Gumawa ka roon ng isang dambana para sa Diyos na nagpakita sa iyo nang ikaw ay tumatakas mula sa iyong kapatid na si Esau.”
2Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan, at sa lahat niyang kasama, “Alisin ninyo ang mga banyagang diyos na nasa inyo, at maglinis kayo ng inyong sarili, at palitan ninyo ang inyong mga suot.
3Tayo'y umahon sa Bethel; at gagawa ako roon ng dambana para sa Diyos na sumagot sa akin sa araw ng aking kabalisahan at naging kasama ko saanman ako nagtungo.”
4Kaya ibinigay nila kay Jacob ang lahat ng mga banyagang diyos na nasa kanilang kamay at ang mga hikaw na nasa kanilang mga tainga; at itinago iyon ni Jacob sa ilalim ng punong ensina na malapit sa Shekem.
5Habang sila'y naglalakbay, ang matinding takot sa Diyos ay dumating sa mga bayang nasa palibot nila, at hindi nila hinabol ang mga anak ni Jacob.
6Dumating si Jacob sa Luz (na siyang Bethel), na nasa lupain ng Canaan, siya at ang lahat ng mga taong kasama niya.
7Nagtayo siya roon ng isang dambana at tinawag niya ang lugar na iyon na El-bethel; sapagkat ang Diyos ay nagpakita sa kanya roon, nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid.
8Namatay si Debora na yaya ni Rebecca, at inilibing sa paanan ng Bethel, sa ilalim ng ensina, at ang pangalan nito ay tinawag niyang Allon-bacuth.#35:8 Ang kahulugan ay Punungkahoy ng pagtangis.
9Muling nagpakita ang Diyos kay Jacob nang siya'y manggaling sa Padan-aram, at siya'y pinagpala.
10Sinabi#Gen. 32:28 ng Diyos sa kanya, “Ang pangalan mo'y Jacob; hindi ka na tatawagin pang Jacob kundi Israel ang magiging pangalan mo.” Kaya siya ay tinawag na Israel.
11At#Gen. 17:4-8 sinabi ng Diyos sa kanya, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan#35:11 Sa Hebreo ay El-Shaddai. sa lahat. Ikaw ay lumago at magpakarami; isang bansa at maraming mga bansa ang magmumula sa iyo, at mga hari ay magmumula sa iyo.
12Ang lupaing ibinigay ko kina Abraham at Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi pagkamatay mo.”
13At ang Diyos ay pumailanglang mula sa tabi niya kung saan siya ay nakipag-usap sa kanya.
14Nagtayo#Gen. 28:18, 19 si Jacob ng isang haliging batong bantayog kung saan ay nakipag-usap ang Diyos sa kanya. Binuhusan niya ito ng inuming handog at ng langis.
15Kaya't tinawag ni Jacob na Bethel ang lugar kung saan nakipag-usap sa kanya ang Diyos.
Ang Kamatayan ni Raquel
16Sila'y naglakbay mula sa Bethel. Nang sila ay may kalayuan pa mula sa Efrata, ay manganganak na si Raquel at siya'y naghihirap sa panganganak.
17Nang siya'y naghihirap sa panganganak, sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, sapagkat magkakaroon ka ng isa pang anak na lalaki.”
18Habang siya'y naghihingalo (sapagkat namatay siya), kanyang pinangalanan siyang Benoni;#35:18 Sa Hebreo ay Anak sa aking kalungkutan. subalit tinawag siyang Benjamin#35:18 Sa Hebreo ay Anak ng kanang kamay. ng kanyang ama.
19Kaya't namatay si Raquel at inilibing sa daang patungo sa Efrata, na siyang Bethlehem.
20Nagtayo si Jacob ng isang haligi sa ibabaw ng kanyang libingan na siyang haligi ng libingan ni Raquel hanggang ngayon.
21Naglakbay pa si Israel at itinayo ang kanyang tolda sa dako pa roon ng tore ng Eder.
Ang mga Anak ni Jacob
(1 Cro. 2:1, 2)
22Samantalang#Gen. 49:4 naninirahan si Israel sa lupaing iyon, si Ruben ay humayo at sumiping kay Bilha na asawang-lingkod ng kanyang ama at ito'y nabalitaan ni Israel. Labindalawa nga ang anak na lalaki ni Jacob.
23Ang mga anak ni Lea: si Ruben na panganay ni Jacob, at sina Simeon, Levi, Juda, Isacar, at si Zebulon.
24Ang mga anak ni Raquel: sina Jose at si Benjamin;
25at ang mga anak ni Bilha, na alila ni Raquel: sina Dan at Neftali;
26at ang mga anak ni Zilpa na alilang babae ni Lea: sina Gad at Aser. Ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa kanya sa Padan-aram.
Ang Kamatayan ni Isaac
27At#Gen. 13:18 pumunta si Jacob kay Isaac na kanyang ama sa Mamre, sa Kiryat-arba (na siyang Hebron), kung saan tumira sina Abraham at Isaac.
28Ang mga naging araw ni Isaac ay isandaan at walumpung taon.
29Nalagot ang hininga ni Isaac at namatay; at siya'y naging kasama ng kanyang bayan, matanda na at puspos ng mga araw. Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Esau at Jacob.
Kasalukuyang Napili:
GENESIS 35: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001