Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 40:1-16

EXODO 40:1-16 ABTAG01

At nagsalita ang PANGINOON kay Moises na sinasabi, “Sa unang araw ng unang buwan ay iyong itatayo ang tabernakulo ng toldang tipanan. Iyong ilalagay doon ang kaban ng patotoo, at iyong tatabingan ng lambong ang kaban. Iyong ipapasok ang hapag, at iyong aayusin ang mga bagay na nasa ibabaw niyon; at iyong ipapasok ang ilawan at iyong iaayos ang mga ilaw niyon. At iyong ilalagay ang dambanang ginto para sa insenso sa harap ng kaban ng patotoo, at ilalagay mo ang tabing para sa pintuan ng tabernakulo. Iyong ilalagay ang dambana ng handog na sinusunog sa harap ng pintuan ng tabernakulo ng toldang tipanan. Ilagay mo ang lababo sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at iyong sisidlan iyon ng tubig. Iyong ilalagay ang bulwagan sa palibot, at ibibitin mo ang tabing sa pintuan ng bulwagan. Pagkatapos ay kukunin mo ang langis na pambuhos at bubuhusan mo ang tabernakulo at ang lahat na naroon, at iyong pakakabanalin, at ang lahat ng kasangkapan niyon ay magiging banal. Bubuhusan mo rin ng langis ang dambana ng handog na sinusunog at ang lahat ng kasangkapan niyon, at iyong pakakabanalin ang dambana at ang dambana ay magiging kabanal-banalan. Bubuhusan mo rin ng langis ang lababo at ang patungan nito, at iyong pakakabanalin. Iyong dadalhin si Aaron at ang kanyang mga anak sa pintuan ng toldang tipanan, at iyong huhugasan ng tubig. Iyong isusuot kay Aaron ang mga banal na kasuotan; at iyong bubuhusan siya ng langis at iyong pababanalin siya, upang ako'y mapaglingkuran niya bilang pari. Pagkatapos ay iyong dadalhin ang kanyang mga anak at iyong susuotan sila ng mga kasuotan: Iyong bubuhusan sila ng langis gaya ng iyong pagbubuhos sa kanilang ama, upang sila'y makapaglingkod sa akin bilang pari, at ang pagbubuhos sa kanila ay maging para sa walang hanggang pagkapari sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.” Gayon nga ang ginawa ni Moises, ayon sa lahat ng iniutos ng PANGINOON sa kanya, gayon ang kanyang ginawa.