EXODO 40
40
Itinayo ang Tabernakulo
1At nagsalita ang Panginoon kay Moises na sinasabi,
2“Sa unang araw ng unang buwan ay iyong itatayo ang tabernakulo ng toldang tipanan.
3Iyong ilalagay doon ang kaban ng patotoo, at iyong tatabingan ng lambong ang kaban.
4Iyong ipapasok ang hapag, at iyong aayusin ang mga bagay na nasa ibabaw niyon; at iyong ipapasok ang ilawan at iyong iaayos ang mga ilaw niyon.
5At iyong ilalagay ang dambanang ginto para sa insenso sa harap ng kaban ng patotoo, at ilalagay mo ang tabing para sa pintuan ng tabernakulo.
6Iyong ilalagay ang dambana ng handog na sinusunog sa harap ng pintuan ng tabernakulo ng toldang tipanan.
7Ilagay mo ang lababo sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at iyong sisidlan iyon ng tubig.
8Iyong ilalagay ang bulwagan sa palibot, at ibibitin mo ang tabing sa pintuan ng bulwagan.
9Pagkatapos ay kukunin mo ang langis na pambuhos at bubuhusan mo ang tabernakulo at ang lahat na naroon, at iyong pakakabanalin, at ang lahat ng kasangkapan niyon ay magiging banal.
10Bubuhusan mo rin ng langis ang dambana ng handog na sinusunog at ang lahat ng kasangkapan niyon, at iyong pakakabanalin ang dambana at ang dambana ay magiging kabanal-banalan.
11Bubuhusan mo rin ng langis ang lababo at ang patungan nito, at iyong pakakabanalin.
12Iyong dadalhin si Aaron at ang kanyang mga anak sa pintuan ng toldang tipanan, at iyong huhugasan ng tubig.
13Iyong isusuot kay Aaron ang mga banal na kasuotan; at iyong bubuhusan siya ng langis at iyong pababanalin siya, upang ako'y mapaglingkuran niya bilang pari.
14Pagkatapos ay iyong dadalhin ang kanyang mga anak at iyong susuotan sila ng mga kasuotan:
15Iyong bubuhusan sila ng langis gaya ng iyong pagbubuhos sa kanilang ama, upang sila'y makapaglingkod sa akin bilang pari, at ang pagbubuhos sa kanila ay maging para sa walang hanggang pagkapari sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.”
16Gayon nga ang ginawa ni Moises, ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya, gayon ang kanyang ginawa.
17Sa unang buwan ng ikalawang taon, ng unang araw ng buwan, ang tabernakulo ay itinayo.
18Itinayo ni Moises ang tabernakulo, inilagay niya ang mga saligan, at ipinatong ang malalaking tabla, at isinuot ang mga biga, at itinayo ang mga haligi niyon.
19Kanyang inilatag ang tolda sa ibabaw ng tabernakulo, at kanyang inilagay ang takip ng tabernakulo sa itaas ng ibabaw niyon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
20Kanyang kinuha ang patotoo at inilagay ito sa loob ng kaban, at kanyang inilagay ang mga pasanan sa kaban, at kanyang inilagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban:
21Kanyang ipinasok ang kaban sa tabernakulo, at inayos ang kurtinang pantabing, at tinabingan ang kaban ng patotoo; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
22Kanyang inilagay ang hapag sa loob ng toldang tipanan, sa dakong hilaga ng tabernakulo, sa labas ng tabing.
23Kanyang inayos ang tinapay sa ibabaw ng hapag sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
24Kanyang inilagay ang ilawan sa toldang tipanan, sa tapat ng hapag, sa gawing timog ng tabernakulo.
25Kanyang sinindihan ang mga ilaw sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
26Kanyang inilagay ang dambanang ginto sa loob ng toldang tipanan sa harap ng lambong.
27Siya'y nagsunog doon ng mabangong insenso; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
28Kanyang inilagay ang tabing para sa pintuan ng tabernakulo.
29Kanyang inilagay ang dambana ng handog na sinusunog sa pintuan ng toldang tipanan, at nag-alay doon ng handog na sinusunog, at ng handog na harina; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
30Kanyang inilagay ang lababo sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at sinidlan ng tubig upang paghugasan.
31Si Moises at si Aaron at ang kanyang mga anak ay nagsipaghugas doon ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa;
32kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan at kapag sila'y lumalapit sa dambana ay naghuhugas sila; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
33At kanyang inilagay ang bulwagan sa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at iniayos ang tabing ng pintuan ng bulwagan. Gayon tinapos ni Moises ang gawain.
Ang Ulap sa Ibabaw ng Tabernakulo
(Bil. 9:15-23)
34Pagkatapos#1 Ha. 8:10, 11; Isa. 6:4; Ez. 43:4, 5; Apoc. 15:8 ay tinakpan ng ulap ang toldang tipanan at pinuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang tabernakulo.
35Si Moises ay hindi makapasok sa toldang tipanan, sapagkat nanatili sa ibabaw niyon ang ulap, at pinuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon ang tabernakulo.
36Kapag ang ulap ay napapaitaas mula sa tabernakulo ay nagpapatuloy ang mga anak ni Israel sa kanilang paglalakbay.
37Subalit kapag ang ulap ay hindi napapaitaas ay hindi sila naglalakbay hanggang sa araw na iyon ay pumaitaas.
38Sapagkat sa kanilang buong paglalakbay ang ulap ng Panginoon ay nasa ibabaw ng tabernakulo sa araw, at may apoy sa loob niyon sa gabi, sa paningin ng buong sambahayan ng Israel.
Kasalukuyang Napili:
EXODO 40: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001