EXODO 39
39
1Sa telang asul, kulay-ube, at pula ay gumawa sila ng mga kasuotang mahusay ang pagkayari para sa pangangasiwa sa dakong banal; kanilang ginawa ang mga banal na kasuotan para kay Aaron; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Paggawa ng Efod, Pektoral, at ng Balabal
(Exo. 28:1-14)
2Kanyang ginawa ang efod na ginto, na telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.
3At kanilang pinukpok ang ginto na pinanipis na pahaba at pinutol na ginawang kawad na ginto, upang itahi sa telang asul, sa kulay-ube, sa pula, at sa lino na gawa ng bihasang manggagawa.
4Kanilang iginawa ang efod ng mga pambalikat, na magkakabit sa dalawang dulo.
5Ang pamigkis na mainam ang pagkayari na nasa ibabaw ng efod upang ibigkis, ay kaputol at gaya ng pagkayari ng efod—ginto, telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
6Kanilang ginawa ang mga batong onix na pinalibutan ng ginto, na ayos ukit ng isang pantatak, ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel.
7Kanyang inilagay sa ibabaw ng pambalikat ng efod upang maging mga batong pang-alaala para sa mga anak ni Israel; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
8Kanyang ginawa ang pektoral, na gawa ng bihasang manggagawa, gaya ng pagkayari ng efod—ginto, at telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.
9Parisukat iyon; ang pektoral ay doble, isang dangkal ang haba at isang dangkal ang luwang niyon, kapag nakatiklop.
10Kanilang nilagyan ito ng apat na hanay na mga bato: isang hanay sa sardio, topacio, at karbungko na siyang unang hanay.
11Ang ikalawang hanay ay isang esmeralda, isang zafiro, at isang diamante.
12Ang ikatlong hanay ay isang jacinto, isang agata, at isang ametista.
13Ang ikaapat na hanay ay isang berilo, isang onix, at isang jaspe, na natatakpan ng mga enggasteng ginto sa kanilang mga pagkakakalupkop.
14Mayroong labindalawang bato na may mga pangalan ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel; ang mga iyon ay gaya ng mga singsing-pantatak, bawat isa'y may nakaukit na pangalan na ukol sa labindalawang lipi.
15At kanilang iginawa ang pektoral ng mga tanikalang parang tirintas, na yari sa lantay na ginto.
16Sila'y gumawa ng dalawang pangkalupkop na ginto, at ng dalawang singsing na ginto; at inilagay ang dalawang singsing sa dalawang dulo ng pektoral.
17Kanilang ikinabit ang dalawang tanikalang lantay na ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral.
18Ang ibang dalawang dulo ng dalawang tanikalang ayos singsing ay kanilang ikinabit sa dalawang pangkalupkop, at ikinabit sa mga pambalikat ng efod sa dakong harapan niyon.
19Sila'y gumawa pa ng dalawang singsing na ginto at inilagay sa dalawang sulok ng pektoral sa gilid niyon, na nasa dakong loob ng efod.
20Sila'y gumawa ng dalawang singsing na ginto at ikinabit sa dakong ibaba ng dalawang pambalikat ng efod, sa may harapan na malapit sa pagkakadugtong, sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng efod.
21Kanilang itinali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing, sa mga singsing ng efod ng isang panaling kulay asul upang mamalagi sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng efod; upang ang pektoral ay hindi matanggal mula sa efod gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
22Kanyang ginawa ang balabal ng efod na hinabing lahat sa kulay asul;
23at ang butas ng balabal ay gaya ng sa kasuotan, na may tahi sa palibot ng pinakaleeg upang huwag mapunit.
24Kanilang ginawan ang mga palda ng balabal ng mga granadang telang asul, kulay-ube, pula, at pinong lino.
25Sila'y gumawa rin ng mga kampanilyang yari sa lantay na ginto, at inilagay ang mga kampanilya sa pagitan ng mga granada sa ibabaw ng palda ng balabal sa palibot, sa pagitan ng mga granada;
26isang kampanilya at isang granada, isang kampanilya at isang granada sa ibabaw ng palda ng balabal sa palibot para sa paglilingkod; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
27Ginawa rin nila ang mga tunika na hinabi mula sa pinong lino, para kay Aaron at sa kanyang mga anak,
28at ang turbanteng yari sa pinong lino, at ang mga gora na yari sa pinong lino, at ang mga salawal na lino na yari sa hinabing pinong lino,
29at ang bigkis na yari sa hinabing pinong lino, telang asul at kulay-ube, at pula na gawa ng mambuburda; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
30Kanilang ginawa ang plata ng banal na korona na lantay na ginto, at nilagyan ito ng sulat na tulad ng ukit ng isang singsing na pantatak: “Banal sa Panginoon.”
31Kanilang tinalian ito ng isang panaling asul, upang ilapat sa ibabaw ng turbante; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Sinuri ni Moises ang Pagkagawa
(Exo. 35:10-19)
32Gayon natapos ang lahat ng paggawa sa tabernakulo ng toldang tipanan; at ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises; gayon ang ginawa nila.
33At kanilang dinala ang tabernakulo kay Moises, ang tolda, at ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang mga kawit, ang mga tabla, ang mga biga, ang mga haligi, at ang mga patungan;
34ang takip na mga balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, at ang takip na balat ng mga kambing, at ang lambong na pantabing;
35ang kaban ng patotoo at ang mga pasanan niyon, at ang luklukan ng awa;
36ang hapag pati ang lahat ng mga kasangkapan niyon, at ang tinapay na handog;
37ang ilawan na dalisay na ginto, ang mga ilaw niyon, at ang mga lalagyan ng ilaw, at lahat ng mga kasangkapan niyon, at ang langis na para sa ilaw;
38ang dambanang ginto, ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso, at ang tabing para sa pintuan ng tolda;
39ang dambanang tanso, ang parilyang tanso niyon, ang mga pasanan at ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang lababo at ang patungan niyon;
40ang mga tabing ng bulwagan, ang mga haligi niyon, at ang mga patungan at ang tabing na para sa pintuan ng bulwagan, ang mga panali, at ang mga tulos, at lahat ng mga kasangkapan sa paglilingkod sa tabernakulo, para sa toldang tipanan;
41ang mga kasuotang mainam ang pagkagawa para sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, upang maglingkod bilang mga pari.
42Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises, gayon ginawa ng mga anak ni Israel ang lahat ng gawa.
43At nakita ni Moises ang lahat ng gawain at kanilang ginawa iyon; kung paanong iniutos ng Panginoon ay gayon nila ginawa. At binasbasan sila ni Moises.
Kasalukuyang Napili:
EXODO 39: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001