Gagawa ka ng isang pantakip sa tolda na balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at isang pantakip na balat ng kambing.
“Igagawa mo ng mga patayong haligi ang tabernakulo mula sa kahoy na akasya.
Sampung siko ang magiging haba ng isang haligi, at isang siko at kalahati ang luwang ng bawat haligi.
Magkakaroon ng dalawang mitsa sa bawat haligi na pagkakabit-kabitin; ito ang gagawin mo sa lahat ng mga haligi ng tabernakulo.
Gagawin mo ang mga haligi para sa tabernakulo: dalawampung haligi sa gawing timog;
at apatnapung patungang pilak upang ilagay sa ilalim ng dalawampung haligi, dalawang patungan sa bawat haligi na ukol sa dalawang mitsa nito, at dalawang patungan sa ilalim ng ibang haligi para sa dalawa nitong mitsa;
at para sa ikalawang panig ng tabernakulo, sa gawing hilaga ay dalawampung haligi,
at ang apatnapung patungang pilak ng mga ito, dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng kabilang haligi.
Sa likod ng tabernakulo, sa gawing kanluran, ay gagawa ka ng anim na haligi.
Gagawa ka ng dalawang haligi para sa mga sulok ng tabernakulo sa likod,
magkahiwalay ang mga ito sa ibaba, ngunit magkarugtong sa itaas, sa unang argolya; gayon ang gagawin sa dalawa; ang mga ito ay bubuo sa dalawang sulok.
At magkakaroon ng walong haligi na ang kanilang mga patungang pilak ay labing-anim na patungan; dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng kabilang haligi.
“Gagawa ka ng mga biga ng kahoy na akasya; lima para sa mga haligi ng isang panig ng tabernakulo;
at limang biga para sa mga haligi ng kabilang panig ng tabernakulo, at limang biga sa mga haligi ng panig ng tabernakulo sa likod, sa gawing kanluran.
Ang gitnang biga ay daraan sa kalagitnaan ng mga haligi mula sa isang dulo hanggang sa kabila.
Babalutin mo ng ginto ang mga haligi at gagamitan mo ng ginto ang mga argolya ng mga ito na kakabitan ng mga biga; at babalutin mo ng ginto ang mga biga.
At itatayo mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita sa iyo sa bundok.
“Gagawa ka ng isang tabing na asul at kulay-ube, at pula at hinabing pinong lino; na may mga kerubin na mahusay na ginawa.
Isasabit mo ito sa apat na haliging akasya na balot ng ginto, na may kawit na ginto na nakapatong sa ibabaw ng apat na patungang pilak.
Isasabit mo ang tabing sa ilalim ng mga kawit, at iyong ipapasok doon sa loob ng tabing ang kaban ng tipan; at paghihiwalayin ng mga tabing para sa inyo ang dakong banal at ang dakong kabanal-banalan.
Ilalagay mo ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban ng tipan, sa dakong kabanal-banalan.
Ilalagay mo ang hapag sa labas ng tabing, at ang ilawan ay sa tapat ng hapag sa gawing timog ng tabernakulo at ang hapag ay ilalagay mo sa gawing hilaga.
“Igagawa mo ng isang tabing ang pintuan ng tolda, na telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na ginawa ng mambuburda.
Igagawa mo ang tabing ng limang haliging akasya at babalutin mo ng ginto. Ang kawit ng mga iyon ay ginto rin, at gagawa ka ng limang patungang tanso para sa mga ito.