EXODO 26
26
Ang Tabing ng Tabernakulo
(Exo. 36:8-38)
1“Bukod dito'y gagawin mo ang tabernakulo na may sampung tabing ng hinabing pinong lino, at asul, kulay-ube at pula; gagawin mo ang mga iyon na may mga kerubin na mahusay ang pagkakaburda.
2Ang haba ng bawat tabing ay dalawampu't walong siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; lahat ng tabing ay magkakapareho ang sukat.
3Limang tabing ang pagkakabit-kabitin sa isa't isa, at ang iba pang limang tabing ay pagkakabit-kabitin sa isa't isa.
4Gagawa ka ng mga silo na kulay-asul sa gilid ng tabing sa hangganan sa unang pangkat; gayundin, gagawa ka ng mga silo sa gilid ng tabing sa hangganan sa ikalawang pangkat.
5Limampung silo ang gagawin mo sa isang tabing, limampung silo ang gagawin mo sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pangkat, ang mga silo ay magkakatapat sa isa't isa.
6Limampung kawit na ginto ang iyong gagawin, at pagkakabitin mo ang mga tabing sa pamamagitan ng mga kawit upang ang tabernakulo ay maging isang buo.
7“Gagawa ka rin ng mga tabing na balahibo ng kambing bilang tolda sa ibabaw ng tabernakulo; labing-isang tabing ang iyong gagawin.
8Ang haba ng bawat tabing ay tatlumpung siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; ang labing-isang tabing ay magkakapareho ang sukat.
9Pagkakabitin mo ang limang tabing, at gayundin ang anim na tabing, at ititiklop mo ang ikaanim na tabing sa harapan ng tolda.
10Limampung silo ang gagawin mo sa tagiliran ng isang tabing na nasa hangganan ng isang pangkat, at limampung silo ng tabing sa tagiliran ng ikalawang pangkat.
11“Gagawa ka ng limampung kawit na tanso, at ikakabit mo ang mga kawit sa mga silo at pagkakabitin mo ang tolda upang maging isa.
12Ang bahaging nalalabi sa mga tabing ng tolda, na siyang kalahati ng tabing na nalalabi ay ilalaylay sa likuran ng tabernakulo.
13Ang siko sa isang dako at ang siko sa kabilang dako na nalalabi sa haba ng mga tabing ng tolda ay ilalaylay sa mga tagiliran ng tabernakulo, sa dakong ito at sa dakong iyon, upang takpan ito.
14Gagawa ka ng isang pantakip sa tolda na balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at isang pantakip na balat ng kambing.
Ang Tabla at Biga ng Tabernakulo
15“Igagawa mo ng mga patayong haligi ang tabernakulo mula sa kahoy na akasya.
16Sampung siko ang magiging haba ng isang haligi, at isang siko at kalahati ang luwang ng bawat haligi.
17Magkakaroon ng dalawang mitsa sa bawat haligi na pagkakabit-kabitin; ito ang gagawin mo sa lahat ng mga haligi ng tabernakulo.
18Gagawin mo ang mga haligi para sa tabernakulo: dalawampung haligi sa gawing timog;
19at apatnapung patungang pilak upang ilagay sa ilalim ng dalawampung haligi, dalawang patungan sa bawat haligi na ukol sa dalawang mitsa nito, at dalawang patungan sa ilalim ng ibang haligi para sa dalawa nitong mitsa;
20at para sa ikalawang panig ng tabernakulo, sa gawing hilaga ay dalawampung haligi,
21at ang apatnapung patungang pilak ng mga ito, dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng kabilang haligi.
22Sa likod ng tabernakulo, sa gawing kanluran, ay gagawa ka ng anim na haligi.
23Gagawa ka ng dalawang haligi para sa mga sulok ng tabernakulo sa likod,
24magkahiwalay ang mga ito sa ibaba, ngunit magkarugtong sa itaas, sa unang argolya; gayon ang gagawin sa dalawa; ang mga ito ay bubuo sa dalawang sulok.
25At magkakaroon ng walong haligi na ang kanilang mga patungang pilak ay labing-anim na patungan; dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng kabilang haligi.
26“Gagawa ka ng mga biga ng kahoy na akasya; lima para sa mga haligi ng isang panig ng tabernakulo;
27at limang biga para sa mga haligi ng kabilang panig ng tabernakulo, at limang biga sa mga haligi ng panig ng tabernakulo sa likod, sa gawing kanluran.
28Ang gitnang biga ay daraan sa kalagitnaan ng mga haligi mula sa isang dulo hanggang sa kabila.
29Babalutin mo ng ginto ang mga haligi at gagamitan mo ng ginto ang mga argolya ng mga ito na kakabitan ng mga biga; at babalutin mo ng ginto ang mga biga.
30At itatayo mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita sa iyo sa bundok.
31“Gagawa ka ng isang tabing na asul at kulay-ube, at pula at hinabing pinong lino; na may mga kerubin na mahusay na ginawa.
32Isasabit mo ito sa apat na haliging akasya na balot ng ginto, na may kawit na ginto na nakapatong sa ibabaw ng apat na patungang pilak.
33Isasabit#Heb. 6:19; 9:3-5 mo ang tabing sa ilalim ng mga kawit, at iyong ipapasok doon sa loob ng tabing ang kaban ng tipan; at paghihiwalayin ng mga tabing para sa inyo ang dakong banal at ang dakong kabanal-banalan.
34Ilalagay mo ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban ng tipan,#26:34 o patotoo. sa dakong kabanal-banalan.
35Ilalagay mo ang hapag sa labas ng tabing, at ang ilawan ay sa tapat ng hapag sa gawing timog ng tabernakulo at ang hapag ay ilalagay mo sa gawing hilaga.
36“Igagawa mo ng isang tabing ang pintuan ng tolda, na telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na ginawa ng mambuburda.
37Igagawa mo ang tabing ng limang haliging akasya at babalutin mo ng ginto. Ang kawit ng mga iyon ay ginto rin, at gagawa ka ng limang patungang tanso para sa mga ito.
Kasalukuyang Napili:
EXODO 26: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001