Ang ibabaw ng talukbong ng Tolda ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat. “Dapat ang balangkas ng Tolda ay tablang akasya. Ang haba ng bawat tabla ay 15 talampakan at ang lapad ay dalawang talampakan. Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa para maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla. Ang 20 sa mga tablang ito ay gagamitin sa pagtatayo ng Tolda sa timog na bahagi. Ang mga tablang ito ay isinuksok sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. Ang hilagang bahagi ng Tolda ay gagamitan din ng 20 tabla, at isinuksok din sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. Ang bandang kanlurang bahagi naman ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla, at dalawang tabla sa mga gilid nito. Pagdugtungin ang mga tabla sa mga sulok mula sa ilalim hanggang sa itaas. Kailangang ganito rin ang gawin sa dalawang tabla sa mga gilid. Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa 16 na pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. “Magpagawa ka rin ng mga akasyang biga – lima para sa bahaging hilaga ng Tolda, lima rin sa bahaging timog, at lima pa rin sa bahaging kanluran sa likod ng Tolda. Ang biga sa gitna ng balangkas ay manggagaling sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo. Pabalutan ng ginto ang mga tabla at palagyan ng mga argolyang ginto na pagsusuotan ng mga biga, pabalutan din ng ginto ang mga biga. “Kailangang ipatayo mo ang Toldang Sambahan ayon sa planong sinabi ko sa iyo rito sa bundok. “Magpagawa ka rin ng kurtina na gawa sa pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan mo ito ng kerubin. Ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa apat na haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang apat na haliging ito ay nakasuksok sa apat na pundasyong pilak. Kapag nakabit na ang kurtina sa mga kawit, ilagay sa likod nito ang Kahon ng Kasunduan. Ang kurtina ang maghihiwalay sa Banal na Lugar at sa Pinakabanal na Lugar. Ang Kahon ng Kasunduan ay dapat ilagay sa Pinakabanal na Lugar at dapat may takip ito. Ilagay ang mesa sa labas ng Pinakabanal na Lugar, sa hilagang bahagi ng Tolda, at sa bandang timog, ilagay sa tapat ng mesa ang lalagyan ng ilaw. “Magpagawa ka ng isa pang kurtina para sa pintuan ng Toldang Sambahan. Pinong telang linen rin ito na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Pagkatapos, ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa limang haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang limang haliging ito ay nakasuksok sa limang pundasyong tanso.
Basahin Exodus 26
Makinig sa Exodus 26
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Exodus 26:14-37
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas