Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 26:1-14

EXODO 26:1-14 ABTAG01

“Bukod dito'y gagawin mo ang tabernakulo na may sampung tabing ng hinabing pinong lino, at asul, kulay-ube at pula; gagawin mo ang mga iyon na may mga kerubin na mahusay ang pagkakaburda. Ang haba ng bawat tabing ay dalawampu't walong siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; lahat ng tabing ay magkakapareho ang sukat. Limang tabing ang pagkakabit-kabitin sa isa't isa, at ang iba pang limang tabing ay pagkakabit-kabitin sa isa't isa. Gagawa ka ng mga silo na kulay-asul sa gilid ng tabing sa hangganan sa unang pangkat; gayundin, gagawa ka ng mga silo sa gilid ng tabing sa hangganan sa ikalawang pangkat. Limampung silo ang gagawin mo sa isang tabing, limampung silo ang gagawin mo sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pangkat, ang mga silo ay magkakatapat sa isa't isa. Limampung kawit na ginto ang iyong gagawin, at pagkakabitin mo ang mga tabing sa pamamagitan ng mga kawit upang ang tabernakulo ay maging isang buo. “Gagawa ka rin ng mga tabing na balahibo ng kambing bilang tolda sa ibabaw ng tabernakulo; labing-isang tabing ang iyong gagawin. Ang haba ng bawat tabing ay tatlumpung siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; ang labing-isang tabing ay magkakapareho ang sukat. Pagkakabitin mo ang limang tabing, at gayundin ang anim na tabing, at ititiklop mo ang ikaanim na tabing sa harapan ng tolda. Limampung silo ang gagawin mo sa tagiliran ng isang tabing na nasa hangganan ng isang pangkat, at limampung silo ng tabing sa tagiliran ng ikalawang pangkat. “Gagawa ka ng limampung kawit na tanso, at ikakabit mo ang mga kawit sa mga silo at pagkakabitin mo ang tolda upang maging isa. Ang bahaging nalalabi sa mga tabing ng tolda, na siyang kalahati ng tabing na nalalabi ay ilalaylay sa likuran ng tabernakulo. Ang siko sa isang dako at ang siko sa kabilang dako na nalalabi sa haba ng mga tabing ng tolda ay ilalaylay sa mga tagiliran ng tabernakulo, sa dakong ito at sa dakong iyon, upang takpan ito. Gagawa ka ng isang pantakip sa tolda na balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at isang pantakip na balat ng kambing.