Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 12:1-28

EXODO 12:1-28 ABTAG01

Ang PANGINOON ay nagsalita kina Moises at Aaron sa lupain ng Ehipto, na sinasabi, “Ang buwang ito'y magiging pasimula ng inyong mga buwan; ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. Sabihin ninyo sa buong kapulungan ng Israel: sa ikasampung araw ng buwang ito ay kukuha ang bawat lalaki sa kanila ng isang kordero, ayon sa mga sambahayan ng kani-kanilang mga ninuno, isang kordero sa bawat sambahayan. Kung ang sambahayan ay napakaliit para sa isang kordero, siya at ang kanyang malapit na kapitbahay ay magsasalu-salo sa isa ayon sa bilang ng mga tao; gagawin ninyo ang pagbilang sa kordero ayon sa makakain ng bawat tao. Ang inyong kordero ay walang kapintasan, isang lalaki na isang taong gulang; inyong kukunin ito sa mga tupa o sa mga kambing. Iyon ay inyong iingatan hanggang sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, at papatayin ng buong kapulungan ng kapisanan ng Israel ang kanilang mga kordero sa paglubog ng araw. Pagkatapos, kukuha sila ng dugo, at ilalagay sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, sa mga bahay na kanilang kakainan. Kanilang kakainin sa gabing iyon ang kordero; kanilang kakainin ito na inihaw sa apoy, kasama ang tinapay na walang pampaalsa at mapapait na gulay. Huwag ninyo itong kakaining hilaw, o pinakuluan man sa tubig, kundi inihaw sa apoy, pati ang ulo, ang paa at mga lamang loob nito. Huwag kayong magtitira ng anuman nito hanggang sa kinaumagahan; ang matitira hanggang sa kinaumagahan ay inyong susunugin sa apoy. Sa ganitong paraan ninyo kakainin ito: may bigkis ang inyong baywang, ang mga sandalyas ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay nasa inyong kamay; at dali-dali ninyong kakainin ito. Ito ang paskuwa ng PANGINOON. Sapagkat ako'y dadaan sa lupain ng Ehipto sa gabing iyon at aking pupuksain ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, maging tao man at hayop; at ilalapat ko ang hatol laban sa lahat ng mga diyos ng Ehipto: Ako ang PANGINOON. Ang dugo ay magiging sa inyo'y isang tanda sa mga bahay na inyong kinaroroonan; kapag aking nakita ang dugo, lalampasan ko kayo at walang salot na papatay sa inyo, kapag pinuksa ko ang lupain ng Ehipto. “Ang araw na ito'y magiging sa inyo'y isang alaala, at inyong ipagdiriwang bilang pista sa PANGINOON; sa buong panahon ng inyong mga salinlahi ay inyong ipagdiriwang bilang isang tuntunin magpakailanman. Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw ay inyong aalisin sa inyong mga bahay ang pampaalsa, sapagkat sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, mula sa unang araw hanggang sa ikapitong araw ay ititiwalag sa Israel. Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon at sa ikapitong araw ay magkakaroon din kayo ng isang banal na pagtitipon. Walang anumang gawa na gagawin sa mga araw na iyon; ang nararapat lamang kainin ng bawat tao ang maaaring ihanda ninyo. Inyong ipapangilin ang pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, sapagkat sa araw na ito ay kinuha ko ang inyong mga hukbo mula sa lupain ng Ehipto. Inyong ipapangilin ang araw na ito sa buong panahon ng inyong mga salinlahi bilang isang tuntunin magpakailanman. Sa paglubog ng araw sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, hanggang sa ikadalawampu't isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw. Pitong araw na walang matatagpuang pampaalsa sa inyong mga bahay; sinumang kumain ng may pampaalsa ay ititiwalag sa kapulungan ng Israel, siya man ay banyaga o ipinanganak sa lupain. Huwag kayong kakain ng anumang bagay na may pampaalsa; sa lahat ng inyong mga tirahan ay kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa.” Nang magkagayo'y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matatanda sa Israel, at sinabi sa kanila, “Kayo'y lumabas at kumuha ng mga kordero ayon sa inyu-inyong sambahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskuwa. Kayo'y kumuha ng isang bigkis na isopo, inyong ilubog sa dugo na nasa palanggana, at inyong pahiran ng dugo ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto ng dugong nasa palanggana; sinuman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kanyang bahay hanggang sa kinaumagahan. Sapagkat ang PANGINOON ay daraan upang patayin ang mga Ehipcio; pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, lalampasan ng PANGINOON ang pintong iyon at hindi niya hahayaang pumasok ang mamumuksa sa inyong mga bahay upang patayin kayo. Inyong iingatan ang bagay na ito bilang tuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman. Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ng PANGINOON, gaya ng kanyang ipinangako, inyong tutuparin ang paglilingkod na ito. Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak, ‘Anong ibig ninyong sabihin sa pagdiriwang na ito?’ Inyong sasabihin, ‘Ito ang paghahandog ng paskuwa ng PANGINOON, sapagkat kanyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto, nang kanyang patayin ang mga Ehipcio at iniligtas ang ating mga bahay.’” At ang taong-bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba. Ang mga anak ni Israel ay humayo at gayon ang ginawa; kung ano ang iniutos ng PANGINOON kay Moises at kay Aaron, ay gayon ang ginawa nila.