Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron sa Egipto, “Mula ngayon, ang buwang ito ang siyang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong sambayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat pamilya ay pipili ng isang tupa o batang kambing para sa kanila. Kung maliit ang pamilya at hindi makakaubos ng isang buong tupa, magsasalo sila ng malapit na kapitbahay, na hindi rin makakaubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang tupa ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang lalaki ang tupa o ang kambing, isang taóng gulang, walang kapintasan. Aalagaan ito hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang inalagaang hayop. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ng bahay na kakainan ng kinatay na hayop. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaining kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay. Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang hayop; kundi lilitsunin ninyo ito nang buo, kasama ang ulo, ang mga pata at ang laman-loob. Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Kung may matira, kailangang sunugin kinaumagahan. Kapag kakainin na ninyo ito, dapat nakabihis na kayo, nakasandalyas at may hawak na tungkod. Magmadali kayo sa pagkain nito. Ito ang Paskwa ni Yahweh.
“Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh. Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto. Ang araw na ito'y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito'y maaalala ninyo ang aking ginawa.
“Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw pa lamang, aalisin ninyo sa inyong tahanan ang lahat ng pampaalsa, sapagkat ititiwalag ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw na iyon. Sa una at ikapitong araw ay magtitipun-tipon kayo upang sumamba. Sa loob ng dalawang araw na ito ay walang gagawa ng anuman liban sa paghahanda ng pagkain. Ang pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay gaganapin ninyo taun-taon sapagkat sa araw na ito, inilabas ko sa Egipto ang inyong mga lipi. Ito'y gagawin ninyo sa habang panahon ng inyong mga salinlahi. Tinapay na walang pampaalsa ang inyong kakainin simula sa gabi ng ikalabing apat na araw hanggang sa gabi ng ikadalawampu't isa ng unang buwan ng taon. Sa loob ng pitong araw, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa inyong mga bahay. Ititiwalag sa sambayanan ng Israel ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, maging siya'y dayuhan o purong Israelita. Saanman kayo naroroon, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa tuwing ganitong panahon. Ang kakainin ninyo'y tinapay na walang pampaalsa.”
Tinawag nga ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi sa kanila, “Pumili kayo ng isang tupa para sa inyong sari-sariling pamilya at katayin ninyo ito para sa Paskwa. Kumuha kayo ng sanga ng halamang hisopo, basain ito ng dugo ng tupa at ipahid sa magkabilang poste at itaas ng inyong pintuan. At isa man sa inyo ay huwag lalabas ng bahay hanggang kinabukasan. Sa gabing iyon, lilibutin ni Yahweh ang buong Egipto at papatayin ang mga Egipcio. Lahat ng bahay na makita niyang may pahid na dugo sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ay hindi niya hahayaang pasukin ng Anghel ng Kamatayan. Sundin ninyo ang mga tuntuning ito at palagiang ganapin, pati ng inyong mga anak. Patuloy ninyong ganapin ito maging sa lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh. Kapag itinanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito, sabihin ninyong ito'y pag-aalaala sa Paskwa ni Yahweh nang lampasan niya ang bahay ng mga Israelita at patayin niya ang mga Egipcio.”
Nang masabi ito ni Moises, yumuko ang buong bayan at sumamba sa Diyos. Pagkatapos, umuwi na sila at isinagawa ang iniutos ni Yahweh sa pamamagitan nina Moises at Aaron.