Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 12:1-28

Exodus 12:1-28 ASND

Sinabi ng PANGINOON kina Moises at Aaron doon sa Egipto, “Mula ngayon, ang buwan na ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. Ipaalam ninyo sa buong kapulungan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwan na ito, maghahanda ang bawat pamilya ng isang tupa o kambing. Kung maliit lang ang isang pamilya at hindi makakaubos ng isang tupa, maghati sila ng kapitbahay niya. Hatiin nila ito ayon sa dami nila at ayon sa makakain ng bawat tao. Kailangang piliin ninyo ang lalaking kambing o tupa na isang taon pa lang at walang kapintasan. Alagaan ninyo ito hanggang sa dapit-hapon nang ika-14 na araw ng buwan. Ito ang panahon na kakatayin ng buong kapulungan ng Israel ang mga hayop. Pagkatapos, kunin ninyo ang dugo nito at ipahid sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ng mga bahay na kakainan ninyo ng mga tupa. Sa gabing iyon, ang kakainin ninyoʼy ang nilitsong tupa, mapapait na gulay at tinapay na walang pampaalsa. Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang karne kundi litsunin ninyo ito nang buo kasama ang ulo, paa at mga lamang-loob. Ubusin ninyo ito, at kung may matira kinaumagahan, sunugin ninyo. Habang kumakain kayo, handa na dapat kayo sa pag-alis. Isuot ninyo ang inyong mga sandalyas at hawakan ang inyong mga baston, at magmadali kayong kumain. Ito ang Pista ng Paglampas ng Anghel na ipagdiriwang ninyo bilang pagpaparangal sa akin. “Sa gabing iyon, dadaan ako sa Egipto at papatayin ko ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Egipcio pati na ang panganay ng kanilang mga hayop. Parurusahan ko ang lahat ng dios ng Egipto. Ako ang PANGINOON. Ang dugong ipinahid ninyo sa hamba ng pintuan ninyo ang magiging tanda na nakatira kayo roon. Kapag nakita ko ang dugo, lalampasan ko ang bahay ninyo, at walang salot na sasapit sa inyo kapag pinarusahan ko ang Egipto. “Dapat ninyong tandaan ang araw na ito magpakailanman. Ipagdiwang ninyo ito taun-taon bilang pista ng pagpaparangal sa akin. Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon. Sa loob ng pitong araw, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, alisin ninyo ang lahat ng pampaalsa sa bahay ninyo, dahil ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa mula sa una hanggang sa ikapitong araw ay hindi ituturing na kabilang sa Israel. Sa una at sa ikapitong araw, magtipon kayo para sumamba sa akin. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, maliban na lamang sa paghahanda ng pagkain na kakainin ninyo. Ito lang ang gagawin ninyo. “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, dahil magpapaalala ito sa inyo ng araw na inilabas ko ang bawat lahi ninyo mula sa Egipto. Ipagdiwang ninyo ito magpakailanman bilang tuntunin na dapat sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon. Simulan ninyong ipagdiwang ito sa dapit-hapon ng ika-14 na araw ng unang buwan hanggang sa dapit-hapon ng ika-21 araw. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa loob ng pitong araw, dapat walang makitang pampaalsa sa bahay ninyo. Ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, katutubo na Israelita man o hindi ay ituturing na hindi na kabilang sa mamamayan ng Israel. Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa sa panahon ng pista, saan man kayo nakatira.” Pagkatapos, ipinatawag ni Moises ang lahat ng tagapamahala ng Israel at sinabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng pamilya ninyo na kumuha sila ng tupa o kambing at katayin nila para ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel. Patuluin ninyo ang dugo nito sa mangkok. Pagkatapos, kumuha kayo ng mga sanga ng isopo at isawsaw ito sa dugo, at ipahid sa ibabaw at gilid ng hamba ng pintuan ninyo. At walang lalabas sa mga bahay ninyo hanggang umaga. Dahil dadaan ang PANGINOON sa Egipto para patayin ang mga panganay na lalaki ng mga Egipcio. Pero kapag nakita ng PANGINOON ang dugo sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ninyo, lalampasan lang niya ang mga bahay ninyo at hindi niya papayagan ang Mamumuksa na pumasok sa mga bahay ninyo at patayin ang inyong mga panganay na lalaki. “Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin at ng inyong mga salinlahi magpakailanman. Ipagpatuloy pa rin ninyo ang seremonyang ito kapag nakapasok na kayo sa lupaing ipinangako ng PANGINOON na ibibigay sa inyo. Kapag nagtanong ang mga anak ninyo kung ano ang ibig sabihin ng seremonyang ito, ito ang isasagot ninyo: Pista ito ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa PANGINOON, dahil nilampasan lang niya ang mga bahay ng mga Israelita sa Egipto nang patayin niya ang mga Egipcio.” Pagkatapos magsalita ni Moises, yumukod ang mga Israelita at sumamba sa PANGINOON. At sinunod nila ang iniutos ng PANGINOON kina Moises at Aaron.