Si Moises ay nagpatuloy sa pagsasalita ng mga salitang ito sa buong Israel.
Kanyang sinabi sa kanila, “Ako'y isandaan at dalawampung taon na sa araw na ito; hindi na ako makalalabas-pasok, at sinabi ng PANGINOON sa akin, ‘Huwag kang tatawid sa Jordang ito.’
Mauuna ang PANGINOON mong Diyos at kanyang pupuksain ang mga bansang ito sa harapan mo at ito ay iyong aangkinin. Si Josue ay mauuna sa iyo gaya ng sinabi ng PANGINOON.
Gagawin sa kanila ng PANGINOON ang gaya ng ginawa niya kina Sihon at Og, na mga hari ng mga Amoreo, at sa kanilang lupain na kanyang winasak.
Ibibigay sila ng PANGINOON sa harapan mo, at iyong gagawin sa kanila ang ayon sa lahat ng utos na aking iniutos sa iyo.
Kayo'y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot ni masindak sa kanila sapagkat ang PANGINOON mong Diyos ay humahayong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan.”
At tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kanya sa paningin ng buong Israel, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat ikaw ay maglalakbay na kasama ng bayang ito patungo sa lupaing ipinangakong ibibigay at ipapamana ng PANGINOON sa kanilang mga ninuno.
Ang PANGINOON ang siyang mangunguna sa iyo. Siya'y sasaiyo, hindi ka niya iiwan, ni pababayaan; huwag kang matatakot ni manlulupaypay.”
Isinulat ni Moises ang kautusang ito at ibinigay sa mga pari na mga anak ni Levi, na nagdadala ng kaban ng tipan ng PANGINOON, at sa lahat ng matatanda sa Israel.
Iniutos sa kanila ni Moises, “Sa katapusan ng bawat pitong taon, sa takdang panahon ng taon ng pagpapalaya, sa Pista ng mga Tolda,
kapag ang buong Israel ay haharap sa PANGINOON mong Diyos sa lugar na kanyang pipiliin ay iyong babasahin ang kautusang ito sa harapan ng buong Israel sa kanilang pandinig.
Tipunin mo ang mamamayan, ang mga lalaki, mga babae, mga bata, mga dayuhan na nasa loob ng iyong mga bayan upang kanilang marinig at upang sila'y matutong matakot sa PANGINOON mong Diyos, at isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito;
at upang ang kanilang mga anak na hindi nakakaalam nito ay makarinig at matutong matakot sa PANGINOON ninyong Diyos, habang kayo'y nabubuhay sa lupain na inyong paroroonan na inyong tatawirin sa Jordan upang angkinin.”
PANGINOON
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Malapit na ang mga araw na ikaw ay mamamatay. Tawagin mo si Josue, at humarap kayo sa toldang tipanan upang siya'y aking mapagbilinan.” Sina Moises at Josue ay humayo at humarap sa toldang tipanan.
Ang PANGINOON ay nagpakita sa Tolda sa isang haliging ulap; ang haliging ulap ay tumayo sa pintuan ng tabernakulo.
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Ikaw ay malapit ng mamatay na kasama ng iyong mga ninuno. Ang bayang ito'y babangon at makikiapid sa mga di-kilalang diyos sa lupain na kanilang paroroonan upang makasama nila, at ako'y tatalikuran nila at sisirain ang aking tipan na aking ginawa sa kanila.
Kung magkagayo'y ang aking galit ay mag-aalab laban sa kanila sa araw na iyon. Pababayaan ko sila, at ikukubli ko ang aking mukha sa kanila, at sila'y sasakmalin, at maraming kasamaan at kabagabagan ang darating sa kanila. At kanilang sasabihin sa araw na iyon, ‘Hindi ba ang mga kasamaang ito ay dumating sa atin dahil sa ang ating Diyos ay wala sa gitna natin?’
Tiyak na ikukubli ko ang aking mukha sa araw na iyon dahil sa lahat ng kasamaang kanilang ginawa, sapagkat sila'y bumaling sa ibang mga diyos.