At si Moises ay yumaon at sinalita ang mga salitang ito sa buong Israel.
At kaniyang sinabi sa kanila, Ako'y may isang daan at dalawang pung taon sa araw na ito; hindi na ako makapaglalabas at pumasok; at sinabi ng Panginoon sa akin, Huwag kang tatawid sa Jordang ito.
Magpapauna ang Panginoon mong Dios at kaniyang lilipulin ang mga bansang ito sa harap mo, at iyong aariin: si Josue ay magpapauna sa iyo, gaya ng sinalita ng Panginoon.
At gagawin sa kanila ng Panginoon ang gaya ng ginawa kay Sehon, at kay Og, na mga hari ng mga Amorrheo, at sa kanilang lupain na kaniyang nilipol.
At ibibigay sila ng Panginoon sa harap mo, at iyong gagawin sa kanila ang ayon sa buong utos na aking iniutos sa iyo.
Kayo'y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot, ni mangilabot sa kanila; sapagka't ang Panginoon mong Dios ay siyang yumayaong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan ka niya.
At tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kaniya sa paningin ng buong Israel, Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang: sapagka't ikaw ay yayaong kasama ng bayang ito sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa kanilang mga magulang na ibibigay sa kanila; at iyong ipamamana sa kanila.
At ang Panginoon, ay siyang nagpapauna sa iyo; siya'y sasa iyo, hindi ka niya iiwan, ni pababayaan ka: ikaw ay huwag matatakot ni manglulupaypay.
At isinulat ni Moises ang kautusang ito, at ibinigay sa mga saserdote na mga anak ni Levi, na silang nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at sa lahat ng matanda sa Israel.
At iniutos sa kanila ni Moises, na sinabi, Sa katapusan ng bawa't pitong taon, sa takdang panahon ng taon ng pagtubos, sa kapistahan ng mga balag,
Pagdating ng buong Israel upang pakita sa harap ng Panginoon mong Dios sa dakong kaniyang pipiliin ay iyong babasahin ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa kanilang pakinig.
Pisanin mo ang bayan, ang mga lalake at mga babae at mga bata, at ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan, upang kanilang marinig, at upang kanilang pagaralan, at matakot sa Panginoon mong Dios, at isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito;
At upang ang kanilang mga anak, na hindi nakakilala, ay makarinig at magaral na matakot sa Panginoon ninyong Dios, habang kayo'y nabubuhay sa lupain na inyong pinaroroonan, na inyong itinatawid ng Jordan upang ariin.
At sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, ang iyong mga araw na ikamamatay ay nalalapit: tawagin mo si Josue, at magsiharap kayo sa tabernakulo ng kapisanan upang siya'y aking mapagbilinan. At si Moises at si Josue ay yumaon at humarap sa tabernakulo ng kapisanan.
At ang Panginoon ay napakita sa Tolda, sa isang tila haliging ulap; at ang tila haliging ulap ay tumayo sa pintuan ng tabernakulo.
At sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga magulang; at ang bayang ito'y babangon, at sasamba sa kakaibang mga dios sa lupain, na kanilang pinaroroonan upang sumagitna nila, at ako'y pababayaan, at sisirain ang aking tipan na aking ipinakipagtipan sa kanila.
Kung magkagayo'y ang aking galit ay magaalab laban sa kanila sa araw na yaon, at aking pababayaan sila, at aking ikukubli ang aking mukha sa kanila, at sila'y sasakmalin, at maraming kasamaan at kabagabagan ang darating sa kanila; na anopa't kanilang sasabihin sa araw na yaon, Hindi ba ang mga kasamaang ito ay dumating sa atin dahil sa ang ating Dios ay wala sa gitna natin?
At ikukubli ko nga ang aking mukha sa araw na yaon dahil sa buong kasamaang kanilang ginawa, sa paraang sila'y pumihit sa ibang mga dios.