Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

DEUTERONOMIO 31

31
Si Josue ang Pumalit kay Moises
1Si Moises ay nagpatuloy sa pagsasalita ng mga salitang ito sa buong Israel.
2Kanyang#Bil. 20:12 sinabi sa kanila, “Ako'y isandaan at dalawampung taon na sa araw na ito; hindi na ako makalalabas-pasok, at sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Huwag kang tatawid sa Jordang ito.’
3Mauuna ang Panginoon mong Diyos at kanyang pupuksain ang mga bansang ito sa harapan mo at ito ay iyong aangkinin. Si Josue ay mauuna sa iyo gaya ng sinabi ng Panginoon.
4Gagawin#Bil. 21:21-35 sa kanila ng Panginoon ang gaya ng ginawa niya kina Sihon at Og, na mga hari ng mga Amoreo, at sa kanilang lupain na kanyang winasak.
5Ibibigay sila ng Panginoon sa harapan mo, at iyong gagawin sa kanila ang ayon sa lahat ng utos na aking iniutos sa iyo.
6Kayo'y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot ni masindak sa kanila sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay humahayong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan.”
7At tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kanya sa paningin ng buong Israel, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat ikaw ay maglalakbay na kasama ng bayang ito patungo sa lupaing ipinangakong ibibigay at ipapamana ng Panginoon sa kanilang mga ninuno.
8Ang#Jos. 1:5; Heb. 13:5 Panginoon ang siyang mangunguna sa iyo. Siya'y sasaiyo, hindi ka niya iiwan, ni pababayaan; huwag kang matatakot ni manlulupaypay.”
Ang Batas ay Dapat Basahin Tuwing Ikapitong Taon
9Isinulat ni Moises ang kautusang ito at ibinigay sa mga pari na mga anak ni Levi, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at sa lahat ng matatanda sa Israel.
10Iniutos#Deut. 15:12; Deut. 16:13-15 sa kanila ni Moises, “Sa katapusan ng bawat pitong taon, sa takdang panahon ng taon ng pagpapalaya, sa Pista ng mga Tolda,
11kapag ang buong Israel ay haharap sa Panginoon mong Diyos sa lugar na kanyang pipiliin ay iyong babasahin ang kautusang ito sa harapan ng buong Israel sa kanilang pandinig.
12Tipunin mo ang mamamayan, ang mga lalaki, mga babae, mga bata, mga dayuhan na nasa loob ng iyong mga bayan upang kanilang marinig at upang sila'y matutong matakot sa Panginoon mong Diyos, at isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito;
13at upang ang kanilang mga anak na hindi nakakaalam nito ay makarinig at matutong matakot sa Panginoon ninyong Diyos, habang kayo'y nabubuhay sa lupain na inyong paroroonan na inyong tatawirin sa Jordan upang angkinin.”
Huling mga Tagubilin ng Panginoon kay Moises
14Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit na ang mga araw na ikaw ay mamamatay. Tawagin mo si Josue, at humarap kayo sa toldang tipanan upang siya'y aking mapagbilinan.” Sina Moises at Josue ay humayo at humarap sa toldang tipanan.
15Ang Panginoon ay nagpakita sa Tolda sa isang haliging ulap; ang haliging ulap ay tumayo sa pintuan ng tabernakulo.
16Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ikaw ay malapit ng mamatay na kasama ng iyong mga ninuno. Ang bayang ito'y babangon at makikiapid sa mga di-kilalang diyos sa lupain na kanilang paroroonan upang makasama nila, at ako'y tatalikuran nila at sisirain ang aking tipan na aking ginawa sa kanila.
17Kung magkagayo'y ang aking galit ay mag-aalab laban sa kanila sa araw na iyon. Pababayaan ko sila, at ikukubli ko ang aking mukha sa kanila, at sila'y sasakmalin, at maraming kasamaan at kabagabagan ang darating sa kanila. At kanilang sasabihin sa araw na iyon, ‘Hindi ba ang mga kasamaang ito ay dumating sa atin dahil sa ang ating Diyos ay wala sa gitna natin?’
18Tiyak na ikukubli ko ang aking mukha sa araw na iyon dahil sa lahat ng kasamaang kanilang ginawa, sapagkat sila'y bumaling sa ibang mga diyos.
19Ngayon nga'y isulat ninyo para sa inyo ang awit na ito, at ituro sa mga anak ni Israel; ilagay mo sa kanilang mga bibig upang ang awit na ito'y maging saksi sa akin laban sa mga anak ni Israel.
20Sapagkat kapag sila'y naipasok ko na sa lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot na ipinangako sa kanilang mga ninuno at sila'y nakakain, nabusog at tumaba, ay babaling at paglilingkuran nila ang ibang mga diyos, at ako'y hahamakin nila, at sisirain ang aking tipan.
21At kapag ang maraming kasamaan at kaguluhan ay dumating sa kanila, magpapatotoo ang awit na ito sa harapan nila bilang saksi; sapagkat hindi ito malilimutan sa mga bibig ng kanilang binhi. Sapagkat nalalaman ko ang kanilang iniisip, na kanilang binabalak gawin, bago ko sila dinala sa lupaing ipinangako kong ibibigay.”
22Kaya't isinulat ni Moises ang awit na ito nang araw ding iyon at itinuro sa mga anak ni Israel.
23Kanyang#Bil. 27:23; Jos. 1:6 pinagbilinan si Josue na anak ni Nun at sinabi, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat iyong ipapasok ang mga anak ni Israel sa lupaing ipinangakong ibibigay ko sa kanila; at ako'y magiging kasama mo.”
24Pagkatapos maisulat ni Moises ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat hanggang sa katapusan,
25nag-utos si Moises sa mga Levita na may dala ng kaban ng tipan ng Panginoon,
26“Kunin ninyo itong aklat ng kautusan at ilagay ninyo sa tabi ng kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Diyos, upang doo'y maging saksi laban sa iyo.
27Sapagkat nalalaman ko ang inyong paghihimagsik, at ang katigasan ng inyong ulo. Habang nabubuhay pa akong kasama ninyo sa araw na ito, kayo'y naging mapaghimagsik na laban sa Panginoon at gaano pa kaya pagkamatay ko?
28Tipunin mo ang matatanda sa iyong mga lipi at ang inyong mga pinuno upang masabi ko ang mga salitang ito sa kanilang pandinig, at tawagin ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa kanila.
29Sapagkat alam ko na pagkamatay ko, kayo'y magiging masama at maliligaw sa daang itinuro sa inyo at ang kasamaan ay sasapit sa inyo sa mga huling araw. Sapagkat inyong gagawin ang masama sa paningin ng Panginoon, upang siya'y galitin ninyo sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay.”
Ang Awit ni Moises
30Binigkas ni Moises ang mga salita ng awit na ito hanggang sa natapos, sa pandinig ng buong kapulungan ng Israel:

Kasalukuyang Napili:

DEUTERONOMIO 31: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in