Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 6

6
Ang Pagtatayo ng Templo
1Nang ikaapatnaraan at walumpung taon pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay lumabas sa lupain ng Ehipto, nang ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon sa Israel, nang buwan ng Zif, na siyang ikalawang buwan, kanyang pinasimulang itayo ang bahay ng Panginoon.
2Ang bahay na itinayo ni Haring Solomon para sa Panginoon ay may habang animnapung siko, may luwang na dalawampung siko, at may taas na tatlumpung siko.
3Ang pasilyo sa harap ng kalagitnaang bahagi ng bahay ay may dalawampung siko ang haba, katumbas ng luwang ng bahay; at sampung siko ang lalim niyon sa harap ng bahay.
4At iginawa niya ang bahay ng mga bintana na may mga magagarang balangkas.
5Gumawa rin siya ng silid sa tabi ng pader ng bahay, na nasa palibot ng bahay, ang gitna at panloob na bahagi ng santuwaryo; at gumawa siya ng mga silid sa tagiliran sa buong palibot.
6Ang pinakamababang palapag ay may limang siko ang luwang, at ang pangalawang palapag ay may anim na siko ang luwang, at ang ikatlo ay may pitong siko ang luwang, sapagkat siya'y gumawa ng mga tuntungan sa labas ng bahay sa palibot, upang ang mga biga ay hindi maipasok sa mga pader ng bahay.
7Nang itinatayo pa ang bahay ay ginawa ito sa batong inihanda na sa tibagan, kaya't wala kahit martilyo o palakol man, o anumang kasangkapang bakal ang narinig sa bahay, samantalang itinatayo ito.
8Ang pasukan sa pinakamababang palapag ay nasa gawing timog ng bahay; at isa sa pamamagitan ng hagdanan paakyat sa gitnang palapag, at mula sa pangalawang palapag hanggang sa ikatlo.
9Gayon niya itinayo ang bahay at tinapos ito; at binubungan niya ang bahay ng mga biga at tablang sedro.
10At kanyang ginawa ang mga palapag na karatig ng buong bahay, na bawat isa'y limang siko ang taas, at ikinabit sa bahay sa pamamagitan ng mga kahoy na sedro.
Ang Tipan ng Diyos
11At dumating ang salita ng Panginoon kay Solomon, na sinasabi,
12“Tungkol sa bahay na ito na iyong itinatayo, kung ikaw ay lalakad sa aking mga tuntunin, susundin ang aking mga batas, tutuparin ang lahat ng aking mga utos, at lumakad sa mga ito, aking pagtitibayin ang aking salita sa iyo na aking sinabi kay David na iyong ama.
13Ako'y maninirahang kasama ng mga anak ni Israel, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.”
14Gayon itinayo ni Solomon ang bahay at tinapos ito.
15Kanyang binalutan ang mga dingding sa loob ng bahay ng kahoy na sedro; mula sa sahig ng bahay hanggang sa mga dingding ng kisame, na kanyang binalot ng kahoy sa loob at kanyang binalutan ang sahig ng bahay ng mga tabla ng sipres.
16Siya'y#Exo. 26:33, 34 gumawa ng isang silid na dalawampung siko sa pinakaloob ng bahay, ng tabla na sedro mula sa sahig hanggang sa mga panig sa itaas at kanyang ginawa sa loob bilang panloob na santuwaryo na siyang dakong kabanal-banalan.
17At ang bahay, samakatuwid ay ang silid sa harap ng panloob na santuwaryo ay apatnapung siko ang haba.
18Ang sedro sa loob ng bahay ay inukit na hugis tapayan at mga nakabukang bulaklak; lahat ay sedro at walang batong makikita.
19Inihanda niya ang panloob na santuwaryo sa kaloob-looban ng bahay, upang ilagay roon ang kaban ng tipan ng Panginoon.
20Ang panloob na santuwaryo ay may dalawampung siko ang haba, at dalawampung siko ang luwang, at dalawampung siko ang taas; at binalot niya ng lantay na ginto. Gumawa rin siya ng dambanang yari sa sedro.
21Binalot ni Solomon ang loob ng bahay ng lantay na ginto; at kanyang ginuhitan ng mga tanikalang ginto ang harapan ng santuwaryo; at binalot iyon ng ginto.
22Kanyang#Exo. 30:1-3 binalot ng ginto ang buong bahay, hanggang sa ang bahay ay nayari. Gayundin, ang buong dambana na nauukol sa panloob na santuwaryo ay kanyang binalot ng ginto.
Dalawang Kerubin
23Sa#Exo. 25:18-20 panloob na santuwaryo ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy na olibo, bawat isa'y may sampung siko ang taas.
24Limang siko ang haba ng isang pakpak ng kerubin, at limang siko ang haba ng kabilang pakpak ng kerubin, mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sampung siko.
25Ang isang kerubin ay sampung siko; ang dalawang kerubin ay may parehong sukat at parehong anyo.
26Ang taas ng isang kerubin ay sampung siko, gayundin ang isa pang kerubin.
27Kanyang inilagay ang mga kerubin sa pinakaloob ng bahay, at ang mga pakpak ng mga kerubin ay nakabuka kaya't ang pakpak ng isa ay nakalapat sa isang dingding, at ang pakpak ng ikalawang kerubin ay lumalapat sa kabilang dingding. Ang kanilang tig-isa pang pakpak ay nagkakalapat sa gitna ng bahay.
28At kanyang binalutan ng ginto ang mga kerubin.
Mga Ukit sa Palibot at sa mga Pintuan
29Kanyang inukitan ang lahat na panig ng bahay sa palibot ng mga ukit na larawan ng mga kerubin, at ng mga puno ng palma, at ng mga nakabukang bulaklak, sa mga silid sa loob at sa labas.
30At ang sahig ng bahay ay binalot niya ng ginto, sa loob at sa labas.
31Sa pasukan ng panloob na santuwaryo, siya'y gumawa ng mga pintuang yari sa kahoy na olibo; ang itaas ng pintuan at ang mga haligi niyon na may limang gilid.
32Binalutan niya ang dalawang pinto na yari sa kahoy na olibo, ng mga ukit na mga kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak, at binalot niya ng ginto; at kanyang kinalatan ng ginto ang mga kerubin at ang mga puno ng palma.
33Gayundin ang kanyang ginawa sa pasukan ng bulwagan na yari sa kahoy na olibo, na may apat na gilid,
34at dalawang pinto na yari sa kahoy na sipres; ang dalawang paypay ng isang pinto ay naititiklop, at ang dalawang paypay ng kabilang pinto ay naititiklop.
35Kanyang inukitan ang mga ito ng mga kerubin, ng mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak. Ang mga ito ay binalot niya ng ginto at maayos na inilagay sa mga gawang inukit.
36Ginawa niya ang panloob na bulwagan na may tatlong hanay na batong tinabas, at isang hanay ng mga biga ng kahoy na sedro.
37Nang ikaapat na taon, sa buwan ng Ziv, inilagay ang mga pundasyon ng bahay ng Panginoon.
38Nang ikalabing-isang taon, sa buwan ng Bul, na siyang ikawalong buwan, natapos ang lahat ng bahagi ng bahay ayon sa buong plano niyon. Pitong taon niyang itinayo iyon.

Kasalukuyang Napili:

I MGA HARI 6: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya