si Ahisar ay katiwala sa kanyang palasyo; at si Adoniram na anak ni Abda ay tagapamahala ng sapilitang paggawa.
Si Solomon ay may labindalawang katiwala sa buong Israel at sila ang nagbibigay ng pagkain para sa hari at sa kanyang sambahayan. Bawat isa sa kanila'y nagbibigay ng pagkain sa loob ng isang buwan sa bawat taon.
Ito ang kanilang mga pangalan: si Ben-hur sa lupaing maburol ng Efraim;
si Ben-deker sa Macas, Shaalbim, Bet-shemes, at Elon-bet-hanan;
si Ben-hesed sa Arubot (sa kanya'y nauukol ang Socoh, at ang buong lupain ng Hefer),
si Ben-abinadab sa buong kataasan ng Dor (na ang asawa'y si Tafat na anak na babae ni Solomon);
si Baana na anak ni Ahilud sa Taanac, Megido, at sa buong Bet-shan na nasa tabi ng Zaretan, sa ibaba ng Jezreel, mula sa Bet-shan hanggang sa Abel-mehola na may layong hanggang sa dako roon ng Jocmeam;
si Ben-geber sa Ramot-gilead; (sa kanya ang mga nayon ni Jair na anak ni Manases, na nasa Gilead; samakatuwid ay sa kanya ang lupain ng Argob na nasa Basan, animnapung malalaking lunsod na may mga pader at mga bakod na tanso);
si Ahinadab, anak ni Iddo sa Mahanaim;
si Ahimaaz sa Neftali; (siya ang kumuha kay Basemat na anak na babae ni Solomon bilang asawa),
si Baana na anak ni Husai, sa Aser at sa Bealot;
si Jehoshafat na anak ni Parua, sa Isacar;
si Shimei na anak ni Ela, sa Benjamin;
si Geber na anak ni Uri sa lupain ng Gilead, na lupain ni Sihon na hari ng mga Amoreo, at ni Og na hari ng Basan; at siya lamang ang katiwala sa lupaing iyon.
Ang Juda at ang Israel ay marami na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat sa dami, na nagkakainan, at nag-iinuman, at nagkakatuwaan.
At si Solomon ay naghari sa lahat ng mga kaharian mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at hanggang sa hangganan ng Ehipto. Sila'y nagdala ng mga buwis at naglingkod kay Solomon sa lahat ng araw ng kanyang buhay.
Ang pagkaing panustos ni Solomon sa isang araw ay tatlumpung takal ng magandang uri ng harina, at animnapung takal na harina,
sampung matatabang baka, dalawampung baka mula sa pastulan, isandaang tupa, bukod pa ang mga usang lalaki at babae, at mga usang masungay, at mga pinatabang hayop na may pakpak.
Sapagkat sakop niya ang buong lupain sa kanluran ng Ilog Eufrates mula sa Tifsa hanggang sa Gaza, sa lahat ng mga hari sa kanluran ng Ilog Eufrates at siya'y may kapayapaan sa lahat ng mga dako sa palibot niya.
Ang Juda at ang Israel ay nanirahang tiwasay, ang bawat tao'y nasa ilalim ng kanyang puno ng ubas at sa ilalim ng kanyang puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, sa lahat ng mga araw ni Solomon.
Si Solomon ay mayroon ding apatnapung libong kabayo sa kanyang mga kuwadra para sa kanyang mga karwahe, at labindalawang libong mangangabayo.
At ipinaghanda ng mga katiwalang iyon si Haring Solomon at ang lahat ng dumudulog sa hapag ni Haring Solomon, bawat isa sa kanyang buwan; hindi nila hinahayaang magkulang ng anuman.
Nagdala rin sila ng sebada at dayami para sa mga kabayo at sa matutuling kabayo sa mga lugar na kinakailangan ang mga iyon, bawat isa'y ayon sa kanyang katungkulan.
Binigyan ng Diyos si Solomon ng karunungan, at ng di masukat na pang-unawa at kalawakan ng pag-iisip, gaya ng buhanging nasa tabing-dagat,
kaya't ang karunungan ni Solomon ay higit pa kaysa karunungan ng lahat ng tao sa silangan at kaysa lahat ng karunungan ng Ehipto.
Sapagkat higit siyang pantas kaysa lahat ng mga tao; higit na pantas kaysa kay Etan na Ezrahita, kay Heman, kay Calcol, at kay Darda, na mga anak ni Mahol. At ang kanyang katanyagan ay kumalat sa lahat ng mga bansang nakapalibot.
Nagsalita rin siya ng tatlong libong kawikaan; at ang kanyang mga awit ay isang libo at lima.
Siya'y nagsalita tungkol sa mga punungkahoy, mula sa sedro na nasa Lebanon hanggang sa isopo na sumisibol sa pader. Siya'y nagsalita rin tungkol sa mga hayop, at sa mga ibon, sa mga gumagapang at sa mga isda.
At naparoon ang mga taong mula sa lahat ng bayan upang makinig sa karunungan ni Solomon, mula sa lahat ng hari sa daigdig na nakabalita ng kanyang karunungan.