Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Hari 4:1-34

1 Mga Hari 4:1-34 RTPV05

Ito ang matataas na opisyal ni Solomon nang siya'y hari ng buong Israel: Pari: Azariah na anak ni Zadok Kalihim ng Pamahalaan: Elihoref at Ahias na mga anak ni Sisa Tagapag-ingat ng mga Kasulatan: Jehoshafat na anak ni Ahilud Pinakamataas na pinuno ng hukbo: Benaias na anak ni Joiada Mga Pari: Zadok at Abiatar Tagapamahala sa mga punong-lalawigan: Azarias na anak ni Natan Tagapayo ng Hari: Ang paring si Zabud na anak ni Natan Katiwala sa palasyo: Ahisar Tagapangasiwa sa sapilitang paggawa: Adoniram na anak ni Abda Naglagay din si Solomon ng labindalawang punong-lalawigan. Bawat buwan, isa sa kanila ang nag-iipon at nagpapadala ng pagkain para sa hari at kanyang sambahayan. Ito ang kanilang mga pangalan: si Benhur, sa kabundukan ng Efraim; si Ben-dequer ang sa Macaz, Saalbim, Beth-semes, at Elon-behanan; si Ben-hessed, sa Arubot; sa kanya rin ang Socoh at ang buong lupain ng Hefer. Sa kataasan ng Dor, si Ben-abinadab, na manugang ni Solomon—asawa ni Tafath. Si Baana, anak ni Ahilud, ang sa Taanac at Megido, kabila ng Jokneam. Sakop din niya ang buong Beth-sean sa ibaba ng Jezreel, buhat sa Beth-sean hanggang sa Abel-mehola na nasa tabi ng Zaretan. Si Ben-geber ang sa Ramot-galaad. Kanya ang mga kampo ni Jair na anak ni Manases sa lupain ng Gilead. Kanya rin ang sakop ng Argob sa lupain ng Bashan—animnapung lunsod na napapaligiran ng pader at may kandadong tanso sa mga tarangkahan. Sa Mahanaim naman ay si Ahinadab na anak ni Iddo, at si Ahimaaz, asawa ni Basemat na anak ni Solomon ang sa Neftali. Si Baana na anak ni Husai ang sa Asher at sa Alot, at si Jehoshafat na anak ni Parua ang sa Isacar. Sa Benjamin ay si Simei na anak ni Ela, samantalang si Geber na anak ni Uri ay inilagay niya sa Gilead, sa lupain ni Sihon, hari ng mga Amoreo, at ni Og, hari ng Bashan. At mayroon pang isang pinuno sa mga sariling lupain ng hari. Parang buhangin sa tabing-dagat sa dami ang mga mamamayan sa Juda at Israel. Sagana sila sa pagkain at inumin at masaya silang namumuhay. Napasailalim sa kaharian ni Solomon ang lahat ng kaharian mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at hangganan ng Egipto. Nagbabayad sila ng buwis at naglilingkod sa kanya habang siya'y nabubuhay. Ganito karami ang pagkaing nauubos ni Solomon at ng kanyang mga tauhan araw-araw. Harinang mainam, 150 kaban; harinang karaniwan, 300 kaban; ulo ng pinatabang baka, sampu nito ay bakang galing sa pastulan; isandaang tupa, bukod pa ang mga usang malalaki at maliliit, mga usang gubat at mga gansa. Sakop niya ang lahat ng lupain sa kanluran ng Ilog Eufrates buhat sa Tifsa hanggang sa Gaza, at nagpasakop sa kanya ang lahat ng hari sa kanluran ng ilog. Kaya't walang gumagambala sa kanyang kaharian. Habang nabubuhay si Solomon ay mapayapa ang buong Juda at Israel. Mula sa Dan hanggang sa Beer-seba bawat pamilya ay may sariling punong ubas at punong igos. Si Solomon ay may 40,000 kuwadra ng kabayo para sa kanyang mga karwahe, at mayroon rin siyang 12,000 mangangabayo. Ang labindalawang punong-lalawigan ang nagpapadala ng mga pagkain at lahat ng pangangailangan ni Solomon at ng mga tauhang pinapakain niya, bawat isa'y isang buwan. Kailanma'y hindi sila nagkulang. Sila rin ang nagbibigay ng sebada at dayami para sa mga kabayong sasakyan at pangkarwahe; ipinadadala nila iyon kung saan kailangan. Walang kapantay ang katalinuhan at karunungang ipinagkaloob ni Yahweh kay Solomon. Walang katulad ang kanyang kaalaman. Ito ay higit sa karunungan ng lahat ng mga matatalinong tao sa silangan at sa buong Egipto. Mas marunong siya kaysa sinumang tao. Mas marunong siya kay Etan na mula sa angkan ni Ezra, at kina Heman, Calcol, Darda, na mga anak ni Machol. Naging tanyag siya sa lahat ng bansa sa paligid. Siya ang may-akda ng tatlong libong salawikain; kumatha rin siya ng isang libo't limang mga awit. Nakapagpapaliwanag siya tungkol sa lahat ng uri ng halaman: mula sa sedar ng Lebanon hanggang sa hisopong tumutubo sa pader. Naipapaliwanag din niya ang tungkol sa mga hayop na lumalakad o gumagapang sa lupa; gayundin ang tungkol sa mga ibon at mga isda. Dinadayo siya ng mga hari sa buong daigdig upang makinig sa kanyang karunungan. Pinapapunta rin sa kanya ang maraming mga tao upang siya'y mapakinggan.