I MGA HARI 21
21
Hinangad ni Ahab ang Ubasan ni Nabat
1Pagkatapos ay naganap ang sumusunod na mga pangyayari: Si Nabat na Jezreelita ay mayroong isang ubasan sa Jezreel na malapit sa bahay ni Ahab na hari sa Samaria.
2Sinabi ni Ahab kay Nabat, “Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, upang mapasaakin bilang taniman ng gulay, sapagkat malapit iyon sa aking bahay. Aking papalitan iyon ng mas mainam na ubasan kaysa roon, o kung inaakala mong mabuti, aking ibibigay sa iyo ang halaga niyon sa salapi.”
3Ngunit sinabi ni Nabat kay Ahab, “Huwag ipahintulot ng Panginoon na aking ibigay sa iyo ang pamana ng aking mga ninuno.”
4Pumasok si Ahab sa kanyang bahay na yamot at malungkot dahil sa sinabi ni Nabat na Jezreelita sa kanya, sapagkat kanyang sinabi, “Hindi ko ibibigay sa iyo ang pamana ng aking mga ninuno.” Siya'y nahiga sa kanyang higaan, ipinihit ang kanyang mukha, at ayaw kumain ng pagkain.
5Ngunit si Jezebel na kanyang asawa ay pumaroon sa kanya, at nagsabi, “Bakit ang iyong diwa ay bagabag at ayaw mong kumain ng pagkain?”
6At sinabi niya sa kanya, “Sapagkat kinausap ko si Nabat na Jezreelita, at sinabi ko sa kanya, ‘Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan sa halaga nitong salapi; o kung hindi, kung iyong minamabuti, papalitan ko sa iyo ng ibang ubasan.’ Siya'y sumagot, ‘Hindi ko ibibigay sa iyo ang aking ubasan.’”
7Sinabi ni Jezebel sa kanya, “Ikaw ba ngayon ang namamahala sa kaharian ng Israel? Bumangon ka, at kumain ng tinapay, at pasayahin mo ang iyong puso; ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabat na Jezreelita.”
8Sa gayo'y sumulat siya ng mga liham sa pangalan ni Ahab, at tinatakan ng kanyang tatak. Ipinadala ang mga sulat sa matatanda at sa mga maharlika na naninirahang kasama ni Nabat sa kanyang lunsod.
9Kanyang isinulat sa mga liham, “Magpahayag kayo ng isang ayuno, at ilagay ninyo si Nabat na puno ng kapulungan,
10at maglagay kayo ng dalawang lalaking walang-hiya#21:10 Sa Hebreo ay mga anak ni Belial. sa harapan niya, at hayaang magsabi sila ng bintang laban sa kanya, na magsabi, ‘Iyong isinumpa ang Diyos at ang hari.’ Kaya't ilabas siya at batuhin upang siya'y mamatay.”
Pinatay si Nabat
11At ginawa ng mga kalalakihan sa kanyang lunsod, ng matatanda at ng mga maharlika na naninirahan sa kanyang lunsod, kung ano ang ipinag-utos ni Jezebel sa kanila, ayon sa nasusulat sa mga sulat na kanyang ipinadala sa kanila.
12Sila'y nagpahayag ng isang ayuno, at inilagay si Nabat sa unahan ng kapulungan.
13Ang dalawang lalaking walang-hiya ay pumasok at umupo sa harapan niya. At isinakdal ng lalaking walang-hiya si Nabat sa harapan ng taong-bayan, na nagsasabi, “Isinumpa ni Nabat ang Diyos at ang hari.” Nang magkagayo'y kanilang inilabas siya sa bayan, at binato nila hanggang sa siya'y namatay.
14Pagkatapos sila'y nagsugo kay Jezebel, na nagsasabi, “Si Nabat ay pinagbabato na. Patay na siya.”
15Nang mabalitaan ni Jezebel na si Nabat ay pinagbabato at patay na, sinabi ni Jezebel kay Ahab, “Bumangon ka, angkinin mo ang ubasan ni Nabat na Jezreelita na kanyang ipinagkait na ibigay sa iyo sa halaga ng salapi. Sapagkat si Nabat ay hindi buháy, kundi patay.”
16Nang mabalitaan ni Ahab na patay na si Nabat, bumangon si Ahab upang bumaba sa ubasan ni Nabat na Jezreelita, at angkinin ang ubasan.
17Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Tisbita, na nagsasabi,
18“Bumangon ka, lumusong ka upang salubungin si Ahab na hari ng Israel, na nasa Samaria. Siya'y nasa ubasan ni Nabat upang kamkamin ito.
19Iyong sabihin sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, “Pumatay ka ba at nangamkam din?”’ At iyong sasabihin sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, “Sa dakong pinaghimuran ng mga aso ng dugo ni Nabat ay hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.”’”
20At sinabi ni Ahab kay Elias, “Natagpuan mo ba ako, O aking kaaway?” At sumagot siya, “Natagpuan kita, sapagkat iyong ipinagbili ang iyong sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.
21Dadalhan kita ng kasamaan, at aking lubos na pupuksain ka at aking tatanggalin kay Ahab ang bawat anak na lalaki, nakabilanggo o malaya, sa Israel.
22Aking gagawin ang iyong sambahayan na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at gaya ng sambahayan ni Baasa na anak ni Ahias, dahil sa ibinunsod mo ako sa galit, at ikaw ang naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.
23Tungkol#2 Ha. 9:36 kay Jezebel ay nagsalita rin ang Panginoon, na nagsabi, ‘Lalapain ng mga aso si Jezebel sa loob ng hangganan ng Jezreel.’
24Ang sinumang kabilang kay Ahab na namatay sa loob ng lunsod ay kakainin ng mga aso; at ang sinumang kabilang sa kanya na namatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid.”
25(Walang gaya ni Ahab na nagbili ng kanyang sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, na inudyukan ni Jezebel na kanyang asawa.
26Siya'y gumawa ng totoong karumaldumal sa pagsunod sa mga diyus-diyosan, tulad ng ginawa ng mga Amoreo, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.)
27Nang marinig ni Ahab ang mga salitang iyon, kanyang pinunit ang kanyang mga damit, nagsuot ng sako sa kanyang katawan, nag-ayuno, nahiga sa sako, at nagpalakad-lakad na namamanglaw.
28At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Tisbita, na sinasabi,
29“Nakita mo ba kung paanong si Ahab ay nagpakababa sa harap ko? Sapagkat siya'y nagpakababa sa harap ko, hindi ko dadalhin ang kapahamakan sa kanyang mga araw, kundi dadalhin ko ang kapahamakan sa kanyang sambahayan sa mga araw ng kanyang mga anak.”
Kasalukuyang Napili:
I MGA HARI 21: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001