Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 20

20
Nakipaglaban si Ben-hadad kay Ahab
1Tinipon ni Ben-hadad na hari ng Siria ang buong hukbo niya. May tatlumpu't dalawang hari na kasama siya, mga kabayo, at mga karwahe. Siya'y umahon at kinubkob ang Samaria, at nilabanan iyon.
2At siya'y nagpadala ng mga sugo kay Ahab na hari ng Israel, sa loob ng lunsod, at sinabi niya sa kanya, “Ganito ang sabi ni Ben-hadad,
3‘Ang iyong pilak at ginto ay akin, pati ang iyong pinakamagagandang asawa at mga anak ay akin.’”
4Ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, “Ayon sa iyong sinasabi panginoon ko, O hari; ako'y iyo at lahat ng aking ari-arian.”
5Ang mga sugo ay muling dumating, at nagsabi, “Ganito ang sinabi ni Ben-hadad, Ako'y nagsugo sa iyo, na nagpapasabi, ‘Ibigay mo sa akin ang iyong pilak, at ang iyong ginto, ang iyong mga asawa at mga anak,’
6gayunma'y susuguin ko sa iyo bukas ang aking mga lingkod sa mga ganitong oras. Kanilang hahalughugin ang iyong bahay, at ang mga bahay ng iyong mga lingkod, at anumang magustuhan nila ay hahawakan nila ng kanilang kamay, at iyon ay kukunin.”
7Nang magkagayo'y tinawag ng hari ng Israel ang lahat ng matatanda sa lupain, at sinabi, “Inyong tandaan at tingnan kung paanong ang taong ito'y humahanap ng gulo, sapagkat kanyang ipinakukuha ang aking mga asawa, mga anak, mga pilak, at mga ginto; at hindi ako tumanggi sa kanya.”
8At sinabi sa kanya ng lahat ng matatanda at ng buong bayan, “Huwag mong pansinin, o payagan man.”
9Kaya't kanyang sinabi sa mga sugo ni Ben-hadad, “Sabihin ninyo sa aking panginoong hari, ‘Ang lahat ng iyong ipinasugo sa iyong lingkod nang una ay aking gagawin. Ngunit ang bagay na ito ay hindi ko magagawa.’” At ang mga sugo ay umalis at muling nag-ulat sa kanya.
10Si Ben-hadad ay nagsugo sa kanya, at nagsabi, “Gawin ang gayon ng mga diyos sa akin, at higit pa kung ang alabok sa Samaria ay magiging sapat na dakutin ng lahat ng taong sumusunod sa akin.”
11At ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, “Sabihin ninyo sa kanya na hindi dapat maghambog ang nagbibigkis ng sandata na parang siya ang naghuhubad nito.”
12Nang marinig ni Ben-hadad ang pasugong ito, habang siya'y umiinom sa tolda kasama ang mga hari, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, “Humanda kayo sa pagsalakay.” At sila'y naghanda sa pagsalakay sa lunsod.
13Ang isang propeta ay lumapit kay Ahab na hari ng Israel, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Nakita mo ba ang karamihang ito? Tingnan mo, aking ibibigay sila sa iyong kamay sa araw na ito at iyong makikilala na ako ang Panginoon.’”
14Sinabi ni Ahab, “Sa pamamagitan nino?” At kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga kabataang tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan.’” Nang magkagayo'y sinabi niya, “Sino ang magsisimula ng labanan?” At siya'y sumagot, “Ikaw.”
15Nang magkagayo'y kanyang pinaghanda ang mga kabataang tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan, at sila'y dalawandaan at tatlumpu't dalawa. Pagkatapos ay kanyang tinipon ang buong bayan, ang lahat ng mga anak ni Israel na may pitong libong katao.
Ang mga Taga-Siria ay Nagapi
16Sila'y umalis nang katanghaliang-tapat, habang si Ben-hadad ay umiinom na nilalasing ang sarili sa loob ng mga tolda at ang tatlumpu't dalawang haring tumulong sa kanya.
17At ang mga tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan ay naunang lumabas. Si Ben-hadad ay nagsugo ng mga kawal at isinalaysay nila sa kanya, “May mga taong lumalabas mula sa Samaria.”
18Kanyang sinabi, “Kung sila'y lumalabas para sa kapayapaan, hulihin ninyo silang buháy; o kung sila'y lumalabas para sa pakikidigma, hulihin ninyong buháy.”
19Sa gayo'y ang mga ito ay lumabas sa lunsod, ang mga kabataan ng mga pinuno sa mga lalawigan, at ang hukbong sumusunod sa kanila.
20Pinatay ng bawat isa ang kanya-kanyang kalabang lalaki, at ang mga taga-Siria ay nagsitakas, at hinabol sila ng Israel. Ngunit si Ben-hadad na hari ng Siria ay tumakas na sakay ng isang kabayo na kasama ng mga mangangabayo.
21Ang hari ng Israel ay lumabas, binihag ang mga kabayo at mga karwahe, at pinatay ang mga taga-Siria ng maramihang pagpatay.
Si Ben-hadad ay Natalo Ngunit Hinayaang Makatakas
22Pagkatapos ang propeta ay lumapit sa hari ng Israel, at nagsabi sa kanya, “Halika, magpakalakas ka at tandaan mong mabuti kung ano ang iyong gagawin, sapagkat sa panahon ng tagsibol ay aahon ang hari ng Siria laban sa iyo.”
23Sinabi ng mga lingkod ng hari sa Siria sa kanya, “Ang kanilang diyos ay diyos ng mga burol, kaya't sila'y mas malakas sa atin. Ngunit labanan natin sila sa kapatagan, at tiyak na tayo'y magiging mas malakas kaysa kanila.
24Ito ang gawin mo: alisin mo ang mga hari sa kani-kanilang puwesto, at maglagay ka ng mga punong-kawal na kapalit nila.
25Magtipon ka para sa iyo ng isang hukbo na gaya ng hukbong nawala sa iyo, kabayo laban sa kabayo, at karwahe laban sa karwahe. Lalabanan natin sila sa kapatagan, at tiyak na tayo'y magiging mas malakas kaysa kanila.” Kanyang pinakinggan ang kanilang tinig at gayon nga ang ginawa.
26Sa panahon ng tagsibol, tinipon ni Ben-hadad ang mga Arameo at umahon sa Afec upang labanan ang Israel.
27At ang mga anak ng Israel ay nagtipon din, binigyan ng mga baon, at humayo laban sa kanila. Ang mga anak ng Israel ay humimpil sa harapan nila na parang dalawang munting kawan ng mga kambing, ngunit kinalatan ng mga taga-Siria ang lupain.
28May isang tao ng Diyos na lumapit at sinabi sa hari ng Israel, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria: Ang Panginoon ay diyos ng mga burol, ngunit hindi siya diyos ng mga libis,’ kaya't aking ibibigay ang napakaraming ito sa iyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”
29Sila'y nagkampo na magkatapat sa loob ng pitong araw. Nang ikapitong araw, nagpasimula ang labanan at ang mga anak ni Israel ay nakapatay sa mga taga-Siria ng isandaang libong lakad na kawal sa isang araw.
30Ang mga nalabi ay tumakas patungo sa lunsod ng Afec, at ang pader ay nabuwal sa dalawampu't pitong libong lalaki na nalabi. Si Ben-hadad ay tumakas din at pumasok sa lunsod, sa isang silid na pinakaloob.
31Sinabi ng kanyang mga lingkod sa kanya, “Aming narinig na ang mga hari sa sambahayan ng Israel ay mga maawaing hari. Isinasamo namin sa iyo na kami ay hayaan mong maglagay ng mga bigkis na sako sa aming mga balakang, at mga lubid sa aming mga leeg at pupuntahan namin ang hari ng Israel; marahil ay kanyang ililigtas ang iyong buhay.”
32Kaya't sila'y naglagay ng bigkis na sako sa kanilang mga balakang, at ng mga lubid sa kanilang mga leeg. Pumunta sila sa hari ng Israel, at nagsabi, “Sinasabi ng iyong lingkod na si Ben-hadad, ‘Hinihiling ko sa iyo, hayaan mo akong mabuhay.’” At sinabi niya, “Siya ba'y buháy pa? Siya'y aking kapatid.”
33Naghihintay noon ang mga lalaki ng tanda at madali nilang nakuha ang kanyang iniisip at kanilang sinabi, “Oo, ang iyong kapatid na si Ben-hadad.” Nang magkagayo'y sinabi niya, “Humayo kayo at dalhin ninyo siya sa akin.” Nang magkagayo'y nagpakita sa kanya si Ben-hadad at kanyang pinaakyat sa karwahe.
34Sinabi ni Ben-hadad sa kanya, “Ang mga lunsod na kinuha ng aking ama sa iyong ama ay aking isasauli; at maaari kang magtayo ng mga kalakalan para sa iyong sarili sa Damasco, gaya ng ginawa ng aking ama sa Samaria.” At sinabi ni Ahab, “Hahayaan kitang umalis ayon sa mga kasunduang ito.” Sa gayo'y nakipagtipan siya sa kanya, at pinahayo siya.
Si Ahab ay Pinagsalitaan ng Propeta
35May isang lalaki sa mga anak ng mga propeta ang nagsabi sa kanyang kasama sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, “Hinihiling ko sa iyo, saktan mo ako.” Ngunit ang lalaki ay tumangging saktan siya.
36Nang#1 Ha. 13:24 magkagayo'y sinabi niya sa kanya, “Sapagkat hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, pagkalayo mo sa akin ay papatayin ka ng isang leon.” Paglayo niya sa kanya, nakasalubong siya ng isang leon at pinatay siya.
37Pagkatapos ay nakatagpo siya ng isa pang lalaki, at nagsabi, “Hinihiling ko sa iyo, saktan mo ako.” Sinaktan siya ng lalaki, tinaga at sinugatan siya.
38Sa gayo'y umalis ang propeta at hinintay ang hari sa daan, at nagkunwari na may benda sa kanyang mga mata.
39Habang dumaraan ang hari, sumigaw siya sa hari, na sinasabi, “Ang iyong lingkod ay nasa gitna ng pakikipaglaban at may isang kawal na lumapit sa akin, dala ang isang lalaki, at nagsabi, ‘Ingatan mo ang lalaking ito. Kung sa anumang paraan ay makatakas siya, ang iyong buhay ang ipapalit sa kanyang buhay, o magbabayad ka ng isang talentong pilak.’
40Habang ang iyong lingkod ay abala rito at doon, siya'y nakaalis.” At sinabi ng hari ng Israel sa kanya, “Magiging ganyan ang hatol sa iyo. Ikaw na rin ang nagpasiya.”
41Pagkatapos, siya'y nagmadali, inalis ang benda sa kanyang mga mata, at nakilala siya ng hari ng Israel na siya'y isa sa mga propeta.
42At sinabi niya sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat iyong pinabayaang makatakas sa iyong kamay ang lalaki na aking itinalaga sa kamatayan, ang iyo ngang buhay ay papanaw na kapalit ng kanyang buhay, at ang iyong bayan para sa kanyang bayan.’”
43Kaya't ang hari ng Israel ay umuwi sa kanyang bahay na masama ang loob at malungkot, at pumunta sa Samaria.

Kasalukuyang Napili:

I MGA HARI 20: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in