Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 22

22
Si Ahab at si Jehoshafat ay Nagsanib Laban sa Siria
(2 Cro. 18:2-27)
1Sa loob ng tatlong taon ang Siria at ang Israel ay nagpatuloy na walang digmaan.
2Ngunit nang ikatlong taon, lumusong si Jehoshafat na hari ng Juda sa hari ng Israel.
3Sinabi ng hari ng Israel sa kanyang mga lingkod, “Alam ba ninyo na ang Ramot-gilead ay atin, at tayo'y tumatahimik, at hindi natin ito inaagaw sa kamay ng hari ng Siria?”
4Sinabi niya kay Jehoshafat, “Sasama ka ba sa akin sa pakikipaglaban sa Ramot-gilead?” At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Ako'y para sa iyo, ang aking bayan ay parang iyong bayan, ang aking mga kabayo ay parang iyong mga kabayo.”
Nagtanong sa Propeta
5Sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng Panginoon.”
6Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta, na may apatnaraang lalaki, at sinabi sa kanila, “Hahayo ba ako laban sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpaparaya ako?” At sinabi nila, “Umahon ka sapagkat ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
7Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon upang makasangguni tayo sa kanya?”
8At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “May isa pang lalaki na maaari nating sanggunian sa Panginoon, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya sapagkat hindi siya nagpapahayag ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan.” At sinabi ni Jehoshafat, “Huwag magsalita ng ganyan ang hari.”
9Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang punong-kawal, at nagsabi, “Dalhin rito agad si Micaya na anak ni Imla.”
10Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono na nakadamit hari, sa isang giikan sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria. Lahat ng mga propeta ay nagsasalita ng propesiya sa harap nila.
11At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sa sila'y malipol.’”
12Gayundin ang ipinahayag ng lahat ng propeta, na nagsasabi, “Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay ka, sapagkat ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
Ang Pahayag ni Micaya Laban kay Ahab
13Ang sugo na humayo upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, “Ang lahat ng mga salita ng mga propeta ay kasiya-siya sa hari; hayaan mong ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kasiya-siya.”
14At sinabi ni Micaya, “Buháy ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng Panginoon sa akin, iyon ang aking sasabihin.”
15Nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kanya, “Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil kami?” At kanyang isinagot sa kanya, “Humayo ka at magtagumpay; ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
16Ngunit sinabi ng hari sa kanya, “Ilang ulit kong ipag-uutos sa iyo na wala kang sasabihing anuman sa akin, kundi ang katotohanan sa pangalan ng Panginoon?”
17At#Bil. 27:17; Mt. 9:36; Mc. 6:34 kanyang sinabi, “Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng Panginoon, ‘Ang mga ito ay walang panginoon; hayaang umuwi nang payapa ang bawat lalaki sa kanyang bahay.’”
18Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magpapahayag ng mabuti tungkol sa akin, kundi ng kasamaan?”
19At#Job 1:6; Isa. 6:1 sinabi ni Micaya, “Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon. Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa tabi niya sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.
20Sinabi ng Panginoon, ‘Sinong hihikayat kay Ahab upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?’ Ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang isa ay ibang bagay.
21Pagkatapos ay lumabas ang isang espiritu at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, ‘Hihikayatin ko siya.’
22At sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Paano?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y lalabas at magiging sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat ng kanyang mga propeta.’ At kanyang sinabi, ‘Iyong hihikayatin siya at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo.’
23Kaya't ngayon ay tingnan mo, inilagay ng Panginoon ang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat ng iyong mga propeta, at ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.”
24Pagkatapos ay lumapit si Zedekias na anak ni Canaana, sinampal si Micaya, at sinabi, “Paanong umalis ang Espiritu ng Panginoon mula sa akin upang magsalita sa iyo?”
25Sinabi ni Micaya, “Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.”
26At sinabi ng hari sa Israel, “Dakpin si Micaya, at ibalik kay Amon na tagapamahala ng lunsod, at kay Joas na anak ng hari;
27at inyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng hari, “Ilagay ninyo ang taong ito sa bilangguan, at tustusan ninyo siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y dumating na payapa.”’”
28At sinabi ni Micaya, “Kung ikaw ay bumalik na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko.” At kanyang sinabi, “Makinig kayo, mga mamamayan!”
Sinalakay ang Ramot-gilead
(2 Cro. 18:28-34)
29Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.
30Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong damit panghari.” At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo at pumunta sa labanan.
31Ang hari ng Siria ay nag-utos sa tatlumpu't dalawang punong-kawal ng kanyang mga karwahe, “Huwag kayong makipaglaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari ng Israel.”
32Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe si Jehoshafat ay kanilang sinabi, “Tiyak na ito ang hari ng Israel.” Kaya't sila'y bumalik upang makipaglaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw.
33Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa pagtugis sa kanya.
34Subalit pinakawalan ng isang lalaki ang kanyang palaso sa pagbabaka-sakali, at tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng dugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't kanyang sinabi sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Pumihit ka, at ilabas mo ako sa labanan, sapagkat ako'y sugatan.”
35Uminit ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ay napigil sa kanyang karwahe sa harap ng mga taga-Siria, at namatay sa kinahapunan. Ang dugo ay dumaloy mula sa sugat hanggang sa ilalim ng karwahe.
36Nang paglubog ng araw ay may isinigaw sa buong hukbo, “Bawat lalaki ay sa kanyang lunsod, at bawat lalaki ay sa kanyang lupain.”
Si Ahab ay Napatay
37Sa gayo'y namatay ang hari at dinala sa Samaria, at kanilang inilibing ang hari sa Samaria.
38At kanilang hinugasan ang karwahe sa tabi ng tangke ng Samaria; hinimod ng mga aso ang kanyang dugo at ang mga masasamang babae ay nagsipaligo roon, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi.
39Ang iba sa mga gawa ni Ahab, at ang lahat niyang ginawa, at ang bahay na garing na kanyang itinayo, at ang lahat ng lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan#22:39 o Cronica. ng mga hari sa Israel?
40Sa gayo'y natulog si Ahab na kasama ng kanyang mga ninuno; at si Ahazias na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Jehoshafat ay Naghari sa Juda
(2 Cro. 20:31–21:1)
41Si Jehoshafat na anak ni Asa ay nagsimulang maghari sa Juda nang ikaapat na taon ni Ahab na hari ng Israel.
42Si Jehoshafat ay tatlumpu't limang taon nang magsimulang maghari; at siya'y naghari ng dalawampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.
43Siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Asa na kanyang ama. Hindi siya lumihis doon at kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, gayunma'y ang matataas na dako ay hindi niya inalis, at ang bayan ay nagpatuloy na naghahandog at nagsusunog ng insenso sa matataas na dako.
44Si Jehoshafat ay nakipagpayapaan din sa hari ng Israel.
45Ang iba sa mga gawa ni Jehoshafat, at ang kanyang kapangyarihan na kanyang ipinakita, at kung paanong siya'y nakipagdigma, di ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan#22:45 o Cronica. ng mga hari ng Juda?
46At ang mga nalabi sa mga sodomita#22:46 o mga lalaking nagbibili ng panandaliang aliw. na nanatili sa mga araw ng kanyang amang si Asa ay pinuksa niya sa lupain.
47Walang hari sa Edom; isang kinatawan ang hari.
48Si Jehoshafat ay gumawa ng mga sasakyang dagat sa Tarsis upang pumunta sa Ofir dahil sa ginto, ngunit hindi sila nakarating sapagkat ang mga sasakyan ay nasira sa Ezion-geber.
49Nang magkagayo'y sinabi ni Ahazias na anak ni Ahab kay Jehoshafat, “Hayaan mong sumama ang aking mga lingkod sa iyong mga lingkod sa mga barko.” Ngunit ayaw ni Jehoshafat.
50At si Jehoshafat ay natulog at nalibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Jehoram na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Ahazias ay Naghari sa Israel
51Si Ahazias na anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria, nang ikalabimpitong taon ni Jehoshafat na hari ng Juda, at siya'y naghari ng dalawang taon sa Israel.
52Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa landas ng kanyang ama at ina, at sa landas ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.
53Siya'y naglingkod kay Baal at sumamba sa kanya, at ginalit niya ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang ama.

Kasalukuyang Napili:

I MGA HARI 22: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in