Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula, ngunit mula kay Yahweh ang sagot ng dila. Ang akala ng tao ay tama ang kanyang kilos, ngunit sa tunay niyang layon, si Yahweh ang nakatatalos. Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin. Lahat ng nilalang ni Yahweh ay mayroong kadahilanan, at ang masasama, kaparusahan ang kahihinatnan. Kinamumuhian ni Yahweh ang lahat ng mayayabang, at sila'y tiyak na paparusahan. Katapatan kay Yahweh, bunga ay kapatawaran, ang sa kanya'y gumagalang at sumusunod, malayo sa kasamaan. Kung ang buhay ng tao ay kalugud-lugod kay Yahweh, maging ang mga kalaban, sa kanya'y makikipagbati. Ang maliit na halaga buhat sa mabuting paraan ay higit na mabuti sa yamang buhat sa kasamaan. Ang tao ang nagbabalak, ngunit si Yahweh ang nagpapatupad. Ang bibig ng hari ay bukal ng mga pasyang kinasihan, hindi siya namamali sa lahat niyang kahatulan. Ang nais ni Yahweh ay tamang timbangan, at sa negosyo ay katapatan. Di dapat tulutan ng isang hari ang gawang kasamaan, pagkat ang katatagan ng pamamahala ay nasa katarungan. Ang nais pakinggan ng hari ay ang katotohanan, at ang nagsasabi nito ay kanyang kinalulugdan. Sinisikap ng matalino na masiyahan ang kanyang hari; kapag nagalit ang hari, may buhay na masasawi. Ang kagandahang-loob ng hari ay parang ulap na makapal, may dalang ulan, may taglay na buhay. Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan, at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa. Ang landas ng matuwid ay palayo sa kasamaan; ang maingat sa paglakad ay nag-iingat sa kanyang buhay. Ang kapalalua'y humahantong sa pagkawasak, at ang mapagmataas na isipan ay ibabagsak.
Basahin Mga Kawikaan 16
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mga Kawikaan 16:1-18
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas