Nasa tao ang pagpaplano, ngunit ang PANGINOON ang nagpapasya kung magaganap ito o hindi. Inaakala natin na tama ang lahat ng ating ginagawa, ngunit ang PANGINOON lang ang makakapaghusga kung ano talaga ang ating motibo. Ipagkatiwala mo sa PANGINOON ang lahat ng iyong gagawin, at magtatagumpay ka. Ang lahat ay nilikha ng PANGINOON na mayroong layunin, kahit na nga ang masasama, itinalaga sila para sa kapahamakan. Kinasusuklaman ng PANGINOON ang mayayabang at tiyak na silaʼy parurusahan. Kung minamahal natin ang PANGINOON nang may katapatan, patatawarin niya ang ating mga kasalanan. Kung may takot tayo sa kanya nang may paggalang, makalalayo tayo sa kasamaan. Kapag kinalulugdan ng PANGINOON ang ating pamumuhay, kahit na ang ating kaaway ay gagawin niyang ating kaibigan. Mas mabuti ang kaunting halaga na pinaghirapan, kaysa sa malaking kayamanang galing sa masamang paraan. Ang tao ang nagpaplano, ngunit nasa PANGINOON ang kaganapan nito. Ang haring pinapatnubayan ng PANGINOON, palaging tama ang paghatol. Ayaw ng PANGINOON ang dayaan sa kalakalan. Sa mga hari ay kasuklam-suklam ang paggawa ng kasamaan, dahil magpapatuloy lamang ang kanilang pamamahala kung sila ay makatuwiran. Nalulugod ang mga hari sa mga taong hindi nagsisinungaling; minamahal nila ang mga taong nagsasabi ng katotohanan. Kapag ang hari ay nagalit maaaring may masawi, kaya sinisikap ng taong marunong na malugod ang hari. Hindi pinapatay ng hari ang taong sa kanya ay kalugod-lugod; pinakikitaan niya ito ng kabutihan gaya ng ulan sa panahon ng tagsibol. Higit na mabuti ang magkaroon ng karunungan at pang-unawa, kaysa sa magkaroon ng pilak at ginto. Ang namumuhay nang matuwid ay lumalayo sa kasamaan, at ang nag-iingat ng kanyang sarili ay nalalayo sa kapahamakan. Ang kayabangan ay humahantong sa kapahamakan, at ang nagmamataas ay ibabagsak.
Basahin Kawikaan 16
Makinig sa Kawikaan 16
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Kawikaan 16:1-18
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas