Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Kawikaan 29:15-27

Kawikaan 29:15-27 ASND

Ang pagpalo sa bata upang siya ay ituwid ay makapagtuturo sa kanya ng karunungan, ngunit kung pababayaan lang siya, makapagbibigay siya ng kahihiyan sa kanyang magulang. Kapag masama ang namumuno, nadadagdagan ang kasamaan. Ngunit sila ay mapapahamak at makikita ito ng mga matuwid. Disiplinahin mo ang iyong anak at bibigyan ka niya ng kapayapaan at kaligayahan. Kapag tinanggihan ng isang bansa ang turo at gabay ng Dios, wala itong kapayapaan. Mapalad ang mga taong sumusunod sa turo ng Dios. May mga utusan na hindi mo maturuan sa pamamagitan lamang ng salita, sapagkat kahit nauunawaan ka nila, hindi sila nakikinig. Mas mabuti pa ang kahihinatnan ng mangmang kaysa sa taong pabigla-biglang magsalita. Kung mula pagkabata ng iyong utusan ay sinusunod mo ang layaw niya, sa huli ay magiging problema mo siya. Ang taong madaling magalit ay nagpapasimula ng gulo, at palaging nagkakasala. Ang kayabangan ng tao ang magbibigay sa kanya ng kahihiyan, ngunit ang pagpapakumbaba ang magbibigay sa kanya ng karangalan. Ang taong nakikipagsabwatan sa magnanakaw ay ipinapahamak ang kanyang sarili. Kahit na pasumpain siya na magsabi ng totoo ay hindi pa rin magsasabi. Mapanganib kung tayo ay matatakutin. Ngunit kung magtitiwala tayo sa PANGINOON ay ligtas tayo. Maraming lumalapit sa pinuno upang humingi ng pabor, ngunit tanging ang PANGINOON lang ang makapagbibigay ng katarungan. Kinasusuklaman ng mga matuwid ang masasama, at kinasusuklaman din naman ng masasama ang mga matuwid.