Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Kawikaan 27:17-27

Kawikaan 27:17-27 ASND

Kung paanong pinatatalas ng bakal ang kapwa-bakal, ang tao namaʼy matututo sa kanyang kapwa-tao. Kapag inalagaan mo ang puno ng igos, makakakain ka ng bunga nito. Ganoon din kapag amo moʼy iyong pinagmamalasakitan, ikaw naman ay kanyang pararangalan. Kung paanong ang mukha ng tao ay naaaninaw sa tubig, ang pagkatao naman ay makikita sa iyong puso. Ang kapahamakan at kamatayan ay walang kasiyahan, gayon din ang hangarin ng tao. Pilak at ginto sa apoy sinusubok, ang tao naman ay nasusubok sa pamamagitan ng papuring kanyang natatanggap. Tadtarin mo man ng parusa ang taong hangal, ang kahangalan niya ay hindi mo pa rin maiaalis sa kanya. Mga hayop mo ay iyong alagaan at bantayang mabuti ang iyong kawan. Sapagkat ang kayamanan at kapangyarihan ay hindi mamamalagi magpakailanman. Putulin ang mga damo; at habang hinihintay ang muling pagtubo nito, putulin din ang mga damo sa kabundukan, upang may pagkain ang iyong kawan. Mula sa balahibo ng mga tupa ay makakagawa ka ng kasuotan, at maipagbibili mo ang iba mong mga kambing upang may pambili ka ng kabukiran. Mula sa mga kambing, makakakuha ka ng maraming gatas na sapat sa pangangailangan ng iyong pamilya at mga babaeng utusan.