Pagkatapos ng salot, sinabi ng PANGINOON kina Moises at Eleazar na anak ng paring si Aaron, “Isensus ninyo ang buong mamamayan ng Israel ayon sa kanilang pamilya – lahat ng may edad na 20 taon pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo ng Israel.” Kaya nakipag-usap sina Moises at Eleazar na pari sa mga Israelita roon sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico. Sinabi niya sa kanila, “Isensus ninyo ang mga taong may edad na 20 taon pataas, ayon sa iniutos ng PANGINOON kay Moises.”
Ito ang mga Israelitang lumabas sa Egipto:
Ang mga lahi ni Reuben na panganay na anak ni Jacob, ay ang mga pamilya nina Hanoc, Palu, Hezron at Carmi. Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Reuben; 43,730 silang lahat.
Ang anak ni Palu ay si Eliab, at ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan at Abiram. Itong sina Datan at Abiram ay ang mga pinuno ng kapulungan na sumama kay Kora sa pagrerebelde sa PANGINOON sa pamamagitan ng paglaban kina Moises at Aaron. Pero nilamon sila ng lupa kasama ni Kora, at nasunog ng apoy ang kanyang 250 tagasunod. At naging babala sa mga Israelita ang pangyayaring ito. Pero hindi namatay ang mga anak ni Kora.
Ang mga lahi ni Simeon ay ang mga pamilya nina Nemuel, Jamin, Jakin, Zera at Shaul. Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Simeon; 22,200 silang lahat.
Ang mga lahi ni Gad ay ang mga pamilya nina Zefon, Haggi, Shuni, Ozni, Eri, Arod at Areli. Sila ang mga pamilya na nanggaling kay Gad; 40,500 silang lahat.
May dalawang anak na lalaki si Juda na sina Er at Onan, na namatay sa lupain ng Canaan. Pero may mga lahi rin naman si Juda na siyang pamilya nina Shela, Perez at Zera. Ang mga angkan ni Perez ay ang pamilya nina Hezron at Hamul. Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Juda; 76,500 silang lahat.
Ang mga lahi ni Isacar ay ang mga pamilya nina Tola, Pua, Jashub at Shimron. Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Isacar; 64,300 silang lahat.
Ang mga lahi ni Zebulun ay ang mga pamilya ni Sered, Elon at Jaleel. Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Zebulun; 60,500 silang lahat.
Ang mga lahi ni Jose ay nanggaling sa dalawa niyang anak na sina Manase at Efraim. Ang mga lahi ni Manase ay ang mga pamilya ni Makir at ang anak nitong si Gilead. Ang mga angkan ni Gilead ay ang mga pamilya nina Iezer, Helek, Asriel, Shekem, Shemida at Hefer. Ang anak ni Hefer na si Zelofehad ay walang anak na lalaki, pero may mga anak siyang babae na sina Mahlah, Noe, Hogla, Milca at Tirza. Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Manase; 52,700 silang lahat.
Ang mga lahi naman ni Efraim ay ang mga pamilya nina Shutela, Beker, Tahan. Ang mga angkan ni Shutela ay ang mga pamilya ni Eran. Sila ang mga pamilya na nanggaling kay Efraim; 32,500 silang lahat. Ito ang mga pamilyang nanggaling kina Manase at Efraim na mga lahi ni Jose.
Ang mga lahi ni Benjamin ay ang sambahayan nina Bela, Ashbel, Ahiram, Shufam at Hufam. Ang mga angkan ni Bela ay ang mga pamilya nina Ard at Naaman. Sila ang mga pamilya na nanggaling kay Benjamin; 45,600 silang lahat.
Ang mga lahi ni Dan ay ang mga pamilya ni Shuham. Shuhamita ang lahat ng lahi ni Dan; at 64,400 silang lahat.
Ang mga lahi ni Asher ay ang mga pamilya nina Imna, Ishvi at Beria. Ang mga angkan ni Beria ay ang mga pamilya nina Heber at ni Malkiel. (May anak na babae si Asher na si Sera.) Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Asher; 53,400 silang lahat.
Ang mga lahi ni Naftali ay ang mga pamilya nina Jazeel, Guni Jezer at Shilem. Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Naftali; 45,400 silang lahat.
Kaya ang kabuuang bilang ng mga lalaking Israelitang nasensus ay 601,730.
Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Hati-hatiin mo sa kanila ang lupa bilang mana nila ayon sa dami ng bawat lahi. Ang malaking lahi, bigyan ng mas malaki at ang maliit na lahi bigyan ng maliit. Ang lupain ay kailangang hatiin sa pamamagitan ng palabunutan para malaman kung aling bahagi ang makukuha ng malaki at maliit na angkan ayon sa sensus.”
Ang mga Levita ay ang mga pamilya nina Gershon, Kohat at Merari. At sa kanila nanggaling ang mga pamilya nina Libni, Hebron, Mahli, Mushi at Kora.
Si Kohat ang panganay ni Amram; at ang asawa ni Amram ay si Jochebed na mula naman sa pamilya ng mga Levita. Ipinanganak si Jochebed sa Egipto. Sina Amram at Jochebed ang mga magulang nina Aaron, Moises at Miriam. Si Aaron ang ama nina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Pero namatay sina Nadab at Abihu nang gumamit sila ng apoy na hindi dapat gamitin sa kanilang paghahandog sa PANGINOON.
Ang bilang ng mga lalaking Levita na may edad na isang buwan pataas ay 23,000. Hindi sila ibinilang sa kabuuang bilang ng mga Israelita dahil wala silang tinanggap sa lupaing minana ng mga Israelita.
Ito ang lahat ng mga Israelitang sinensus ni Moises at ng paring si Eleazar doon sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico. Wala ni isang natira sa mga kasama sa naunang sensus na ginawa nina Moises at Aaron sa ilang ng Sinai. Sapagkat sinabi noon ng PANGINOON sa kanila na tiyak na mamamatay sila roon sa ilang, at walang makakaligtas sa kanila maliban lang kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun.