Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 18:31-43

Lucas 18:31-43 ASND

Tinawag ni Jesus ang 12 apostol at sinabi sa kanila, “Makinig kayo! Pupunta tayo sa Jerusalem, at matutupad na ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa akin na Anak ng Tao. Sapagkat ibibigay ako sa mga hindi Judio. Iinsultuhin nila ako, hihiyain at duduraan. Hahagupitin nila ako at papatayin, ngunit muli akong mabubuhay sa ikatlong araw.” Pero wala silang naintindihan sa mga sinabi ni Jesus, dahil itinago sa kanila ang kahulugan niyon. Nang malapit na sina Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari. Sinabi sa kanya ng mga tao, “Dumadaan si Jesus na taga-Nazaret.” Sumigaw ang bulag, “Jesus, Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin sa kanya ang bulag. Nang makalapit ang bulag, tinanong niya ito, “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Panginoon, gusto ko pong makakita!” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakita ka na! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus nang nagpupuri sa Dios. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpuri rin sila sa Dios.