Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 13:1-15

Job 13:1-15 ASD

“Nakita koʼt napakinggan ang lahat ng sinabi ninyo, at itoʼy aking naunawaan. Ang alam ninyo ay alam ko rin. Hindi kayo nakahihigit sa akin. Ngunit hindi na ako makikipagtalo sa inyo tungkol sa kalagayan ko. Sa aking Diyos na Makapangyarihan ko na lamang ito idudulog. Sapagkat pinagsisikapan ninyong gamutin ako ng kasinungalingan. Lahat kayoʼy parang manggagamot na walang silbi. Mas mabuti pang tumahimik na lang kayo. Iyan ang pinakamabuti nʼyong gawin. Pakiusap naman! Pakinggan ninyo ang katuwiran ko. Ipagtatanggol nʼyo ba ang Diyos sa pamamagitan ng pagsisinungaling? Kumakampi ba kayo sa kanya? Ipagtatanggol ba ninyo siya sa harap ng Diyos? Kung siyasatin kaya kayo ng Diyos, may kabutihan kaya siyang makikita sa inyo? Huwag ninyong isipin na madadaya ninyo siya tulad ng pandaraya ninyo sa mga tao. Tiyak na sasawayin kayo ng Diyos kahit na kinakampihan ninyo siya. Hindi ba kayo natatakot sa kapangyarihan niya? Ang mga binabanggit nʼyong kasabihan ay walang kabuluhan; itoʼy parang abo. Ang mga katuwiran nʼyo ay marupok gaya ng palayok. “Tumahimik kayo habang nagsasalita ako, at anuman ang mangyari sa akin, bahala na. Nakahanda akong itaya ang lahat, maging ang aking buhay. Kahit patayin pa ako ng Diyos. Ano pa ba ang mawawala sa akin? Ngunit ipagtatanggol ko pa rin ang aking sarili sa kanya.