Sinabi ng PANGINOON kina Moises at Aaron doon sa Ehipto, “Mula ngayon, ang buwan na ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. Ipaalam ninyo sa buong kapulungan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwan na ito, maghahanda ang bawat pamilya ng isang tupa o kambing. Kung maliit lang ang isang pamilya at hindi makakaubos ng isang tupa, maghati sila ng kapitbahay niya. Hatiin nila ito ayon sa dami nila at ayon sa makakain ng bawat tao. Kailangang piliin ninyo ang lalaking kambing o tupa na isang taon pa lang at walang kapintasan. Alagaan ninyo ito hanggang sa dapit-hapon nang ikalabing-apat na araw ng buwan. Ito ang panahon na kakatayin ng buong sambayanan ng Israel ang mga hayop. Pagkatapos, kunin ninyo ang dugo nito at ipahid sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ng mga bahay kung saan ninyo kakainin ang mga tupa. Sa gabing iyon, ang kakainin ninyoʼy ang nilitsong tupa, mapapait na gulay at tinapay na walang pampaalsa. Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang karne kundi litsunin ninyo ito nang buo kasama ang ulo, paa at mga lamang-loob. Ubusin ninyo ito, at kung may matira kinaumagahan, sunugin ninyo. Habang kumakain kayo, handa na dapat kayo sa pag-alis. Isuot ninyo ang inyong mga sandalyas at hawakan ang inyong mga tungkod, at magmadali kayong kumain. Ito ang Pista ng Paglampas ng Anghel na ipagdiriwang ninyo bilang pagpaparangal sa akin.
“Sa gabing iyon, dadaan ako sa Ehipto at papatayin ko ang lahat ng panganay na lalaki, mapa-tao man o hayop. Parurusahan ko ang lahat ng diyos ng Ehipto. Ako ang PANGINOON. Ngunit ang dugong ipinahid ninyo sa hamba ng pintuan ninyo ang magiging tanda na nakatira kayo roon. Kapag nakita ko ang dugo, lalampasan ko ang bahay ninyo, at walang salot na sasapit sa inyo kapag pinarusahan ko ang Ehipto.
“Alalahanin ninyo ang araw na ito magpakailanman. Taon-taon, ipagdiwang ninyo ito bilang pista ng pagpaparangal sa akin, hanggang sa mga susunod na henerasyon. Ang tuntuning ito ay panghabang-panahon. Sa loob ng pitong araw, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, alisin ninyo ang lahat ng pampaalsa sa bahay ninyo, dahil ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa mula sa una hanggang sa ikapitong araw ay hindi ituturing na kabilang sa Israel. Sa una at sa ikapitong araw, magtipon kayo upang sumamba sa akin. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, maliban na lamang sa paghahanda ng pagkain na kakainin ninyo. Ito lang ang gagawin ninyo.
“Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, dahil magpapaalala ito sa inyo noong araw na inilabas ko ang bawat lahi ninyo mula sa Ehipto. Ang pagdiriwang na ito ay tuntuning panghabang-panahon; ipagdiwang ninyo ito hanggang sa mga susunod na henerasyon. Simulan ninyong ipagdiwang ito sa dapit-hapon ng ikalabing-apat na araw ng unang buwan hanggang sa dapit-hapon ng ikadalawampuʼt isang araw. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa loob ng pitong araw, dapat walang makitang pampaalsa sa bahay ninyo. Ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, ay ituturing na hindi na kabilang sa mamamayan ng Israel, dayuhan man o ipinanganak na Israelita. Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa, saan man kayo nakatira.”
Pagkatapos, ipinatawag ni Moises ang lahat ng pinuno ng Israel at sinabi, “Pumili kayo ng isang batang tupa o kambing para sa pamilya ninyo at katayin ito upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel. Patuluin ninyo ang dugo nito sa mangkok. Pagkatapos, kumuha kayo ng mga sanga ng isopo at isawsaw ito sa dugo, at ipahid sa ibabaw at gilid ng hamba ng pintuan ninyo. At walang lalabas sa mga bahay ninyo hanggang umaga. Dahil dadaan ang PANGINOON sa Ehipto upang patayin ang mga panganay na lalaking mga Ehipsiyo. Ngunit kapag nakita ng PANGINOON ang dugo sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ninyo, lalampasan lang niya ang mga bahay ninyo at hindi niya papayagan ang Mamumuksa na pumasok sa mga bahay ninyo at patayin ang inyong mga panganay na lalaki.
“Ang mga tuntuning ito ay panghabang-panahon; dapat ninyo itong sundin pati ng inyong mga salinlahi. Ipagpatuloy pa rin ninyo ang seremonyang ito kapag nakapasok na kayo sa lupaing ipinangako ng PANGINOON na ibibigay sa inyo. Kapag nagtanong ang mga anak ninyo kung ano ang ibig sabihin ng seremonyang ito, Ito ang paghahandog sa Pista ng Paglampas ng Anghel bilang pag-alala sa ginawa ng PANGINOON. Nilampasan niya ang mga bahay ng mga Israelita sa Ehipto nang patayin niya ang mga Ehipsiyo.” Pagkatapos, yumukod ang mga Israelita at sumamba sa PANGINOON. At sinunod nila ang iniutos ng PANGINOON kina Moises at Aaron.