Place of Grace | Isang Debosyonal para sa Semana Santa mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng PagkabuhaySample
Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo
“Wala na siya rito, dahil nabuhay siyang muli tulad ng sinabi niya sa inyo. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan ng kanyang bangkay.”
MATEO 28:6
Kinaumagahan ng Linggo, habang madilim pa, pumunta si Maria na taga-Magdala sa libingan. Nakita niyang naalis na ang batong nakatakip sa pintuan nito.
JUAN 20:1
Basahin din: Marcos 16:4–7; Lucas 24:36–43
PAG-ISIPAN
“Nabuhay Siyang muli!” Ang pahayag na ito ang bato kung saan nakatatag ang ating pananampalataya. Si Jesus nga ang ating Diyos at Tagapagligtas na nagtagumpay laban sa kamatayan at nagligtas sa atin mula sa kasalanan. Ang muling pagkabuhay ng Panginoon ang nagpapatatag sa katapatan at sa pagiging mapagkakatiwalaan ng Kanyang mga salita at pangako sa Bibliya. Ang himala ng muling pagkabuhay ang nagpapatibay sa katotohanan tungkol kay Jesus. Bilang mga mananampalataya, ang likas nating tugon ay kaligayahan at kasiguruhan, at ipinagkakatiwala natin sa Kanya sa ating mga buhay. Ito ang nararapat nating tugon.
Sa kabila ng hindi makakailang katotohanan tungkol sa muling pagkabuhay ni Jesus, mas pinili ng mga relihiyosong pinuno na gumawa ng kasinungalingan upang pagtakpan ang katotohanang ito (Mateo 28:11–15) at pinalampas nila ang pagkakataong manalig sa Kanya para sa kanilang kaligtasan. Ang paratang na ninakaw ang katawan ni Jesus ay isang kasinungalingan na ginagamit pa rin ng mga nagdududa upang mapawalang-bisa ang Kanyang muling pagkabuhay (1 Corinto 15:6). Ang kawalan ng paniniwala at kawalang-interes bilang pagtugon sa muling pagkabuhay ni Jesus ang humahadlang sa isang tao na maranasan ang kaligayahang dulot ng pagkakilala sa Panginoon. Tulad nito, kung hindi natin paniniwalaan ang katotohanan ng muling pagkabuhay, mapapalampas natin ang pagkakataon na magkaroon tayo ng personal na ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus at maranasan ang mga kamangha-manghang pangako na binigay Niya sa Banal na Kasulatan.
Hindi alam ng mga disipulo kung ano ang mga susunod na mangyayari. Bagama’t maaaring nadurog ng pagkamatay ni Cristo ang kanilang mga pag-asa, ipinapakita na ng kanilang Guro, Pinuno, at Kaibigan ang Kanyang sarili bilang kanilang Tagapagligtas na nabuhay muli. Sinimulan Niya ang pagtitipon-tipon at nakipag-agahan Siya sa kanila (Lucas 24:41–43; Juan 21:12). Binigkas Niya ang mga salitang nagdadala ng kapayapaan kahit pa nabigo silang manindigan para sa Kanya noong hinuli Siya (Juan 20:19, 21, 26). Ibinalik Niya si Pedro, na tatlong beses siyang ipinagkaila, sa tama nitong katayuan (Juan 21:15–19), at kinomisyon Niya ang mga disipulo na dalhin ang Kanyang mensahe hanggang sa dulo ng mundo (Mateo 28:18–20).
Ang himala ng muling pagkabuhay ang nagpapatibay sa katotohanan tungkol kay Jesus.
Ngayon at sa bawat araw, maituturing tayong pinatawad at matuwid dahil sa buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo. Buhay Siya at nanatiling tapat sa Kanyang salita. Nagtagumpay Siya laban sa kasalanan at kamatayan para sa atin at ngayon, ang walang-hanggan ay isa ng katotohanan para sa atin. Sa krus, hindi lamang Niya ibinuhos ang Kanyang pagmamahal at biyaya, ngunit ipinanalo Niya para sa atin ng tagumpay na dumaig sa kaaway. Kapag nagbasa at nagtiwala tayo sa Kanyang salita, buo ang loob natin tungkol dito. Kapag tayo ay nagdarasal, maaari tayong magtiwala na naririnig Niya ang ating mga panalangin at Siya ang namumuno at naghahari. Kapag pakiramdam natin ay malayo tayo sa Diyos, makakaasa tayo na kasama natin si Jesus, at ibabalik Niya tayo sa tama nating katayuan tulad ng ginawa Niya kay Pedro, at naibalik at makakalapit na tayo sa Diyos Ama. Ngayon ay bahagi na tayo ng Kanyang tawag na ihayag sa bawat bansa ang tungkol sa ating Panginoon at Tagapagligtas na nabuhay muli.
TUMUGON
- Sa ilalim ng katotohanan na muling nabuhay ang ating Panginoong Jesu-Cristo, pag-isipan ang mga sandaling pinagdudahan mo ang salita ng Diyos. Humingi ng tawad at tanggapin ang kapatawaran ng Diyos. Bigkasin ang iyong pananalig sa salita at mga pangako ng Diyos ngayon.
- Binigo ng mga disipulo si Jesus sa maraming paraan. Ang isa sa kanila ay itinanggi Siya, ang isa naman ay pinagdudahan Siya, at karamihan sa kanila ay tumakbo noong Siya ay hinuhuli. Maaaring nararamdaman mo na binigo mo rin si Jesus. Sa huli ay Siya din naman ang nag-uumpisa at nagsasaayos ng ugnayan mo sa Kanya tulad ng pag-aayos at pagkumisyon Niya sa Kanyang mga disipulo bilang mga embahador ng ebanghelyo. Paano nagbabago ang iyong pagdududa at nagiging debosyon, ang kawalang-pag-asa na nagiging puno ng pag-asa, at ang pag-iisip lamang na nagiging pagkilos dahil sa katotohanan ng muling pagkabuhay ni Jesus?
- Pagkatapos Niyang mabuhay muli, pumunta si Jesus sa Kanyang mga disipulo upang ihayag ang Kanyang sarili sa kanila at ibalik sila sa Kanya. Naniniwala ka bang inihahayag pa rin ni Jesus ang Kanyang sarili sa mga taong hindi nakakakilala sa Kanya, sa mga pinagdudahan Siya, at sa mga tumalikod sa Kanya? Tukuyin ang mga taong ganito sa iyong pamilya at komunidad at ipagdasal na lumapit sila sa nakapagliligtas na pagkilala sa Diyos. Hilingin sa Diyos na gamitin Niya ang iyong testimonya upang mailapit sila sa Kanya.
Word Fulfilled ng Every Nation Music
About this Plan
Taun-taon, nagtitipon-tipon ang mga mananampalataya para ipagdiwang ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay, pag-isipan natin kung paano ipinakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapadala sa Kanyang Anak upang mamatay sa krus at dalhin tayo sa lugar ng biyaya't pagmamahal na nagbibigay sa atin ng kakayahang ipamuhay ang naging tagumpay ni Cristo.
More