YouVersion Logo
Search Icon

Place of Grace | Isang Debosyonal para sa Semana Santa mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng PagkabuhaySample

Place of Grace | Isang Debosyonal para sa Semana Santa mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay

DAY 4 OF 8

Ang Pagtataksil

BASAHIN

Nang mga oras na iyon, ang mga namamahalang pari at ang mga pinuno ng mga Judio ay nagpupulong sa palasyo ni Caifas na punong pari. Pinagplanuhan nila kung paano dadakpin si Jesus nang hindi nalalaman ng mga tao, at pagkatapos ay ipapapatay. Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.” Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, lumapit sa kanya ang isang babae. May dala itong mamahaling pabango sa isang sisidlang yari sa batong alabastro. At habang kumakain si Jesus, ibinuhos ng babae ang pabango sa ulo ni Jesus. Nagalit ang mga tagasunod ni Jesus nang makita ito. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabangong iyan? Maipagbibili sana iyan sa malaking halaga, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama, pero ako ay hindi. Binuhusan niya ako ng pabango para ihanda ang aking katawan sa libing. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit saan man ipapangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.” Si Judas Iscariote na isa sa 12 tagasunod ay pumunta sa mga namamahalang pari. Sinabi niya sa kanila, “Ano po ang ibabayad ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip si Jesus?” Noon din ay binigyan nila si Judas ng 30 pirasong pilak. Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang traydurin si Jesus.
MATEO 26:3–16

Basahin din: Mateo 26:6–13; Marcos 14:3–11; Juan 12:1–8

PAG-ISIPAN

Ngayon ay titingnan natin ang isa sa mga pinakamalungkot na pangyayari sa Bibliya—ang pagtataksil ni Judas, isa sa mga labindalawang disipulo ni Jesus. Sa panahong ito sa kwento ay disipulo na ni Jesus si Judas ng ilang taon. Sa pagpili niya na pagtaksilan ang kanyang Panginoon, makikita natin na nangyayari rin ito sa ating mga puso at buhay.

Ang mga pangunahing pari at elder ay matagal ng naghanap ng paraan upang arestuhin si Jesus at patayin Siya, ngunit hindi nila alam kung paano nila ito magagawa hanggang sa lumapit si Judas sa kanila at tinanong kung ano raw ang makukuha niya kapalit ng pagsuko niya kay Jesus sa kanila. Ang alok na tatlumpong pirasong pilak ay mahigit-kumulang na maikukumpara sa apat na buwang sahod. Umayon Judas at nagsimulang kumilos.

Paano nangyari ito—disipulo ni Jesus si Judas ngunit nakuha niyang ipagkanulo Siya? Ito ang kabalintunaan na kasama na ni Jesus ngunit pinagtaksilan pa rin Siya, ang kabalintunaan ng paglalakbay kasama Siya ngunit malayo naman ang mga puso natin sa Kanya. Ang malungkot na katotohanan ay kung paano nagmumukang sumusunod naman kay Cristo ang isang tao pero mas mahal pa rin niya ang ibang bagay kaysa sa Kanya. Nabulag si Judas ng kanyang kasakiman. Mas minahal niya ang pilak na inalok sa kanya ng mga pangunahing pari kaysa si Cristo.

Nawa’y makita natin si Jesus bilang pinakamahalaga nating kayamanan.

Ikinuwento rin sa atin ni Mateo ang tungkol sa isang babae, na di gaya ni Judas, ay nakita si Jesus bilang pinakamalaki niyang kayamanan. Upang ipakita ang kanyang debosyon, ibinuhos ng babae ang pinakamahal niyang langis upang ipahid kay Jesus. Hanggang ngayon ay hindi na nakilala at hindi rin natin alam ang pinagdaanan niya, ngunit nalaman natin na itinuring niyang mas mahalaga si Jesus kaysa sa kung ano ang mayroon siya. Ang langis na ibinuhos niya ay higit pa sa halaga ng suweldo ng isang buong taon. Mas malaki pa ito kaysa sa inalok ng mga pangunahing pari kay Judas. Sa katunayan pa nga, nang makita ni Judas ang debosyon ng babae at ang para sa kanya ay isang pag-aaksaya, nagalit siya at pinuntahan niya ang mga pinunong pari para isakatuparan ang kanyang plano. Siguro ay iniisip niya kung ano pa ang makukuha niya dahil inaksaya na ng babae ang napakamahal na alay at wala na siyang makukuha pa mula rito.

Lahat tayo ay nakakaunawa sa kuwentong ito. Tunay nga ba nating nakikita ang halaga ni Cristo sa ating buhay? Siya ba ang pinakamalaki nating kayamanan? Naniniwala ba tayo na tanging Siya lang ang makakapuno ng mga pangangailangan natin kahit na kakompetensiya Niya ang iba pang bagay para sa ating atensyon at debosyon? Pwede tayong magmukang naglalakbay kasama ang Diyos, ngunit ang mga puso natin ay malayo sa Kanya. Ang mundo, ang ating laman, at ang kaaway ay palaging mag-aalok sa atin na mamahalin ang mga mas nakakaakit na bagay kaysa si Cristo. Nawa’y piliin natin si Cristo laban sa anumang iaalok sa atin ng mundo o relihiyon. Ngunit huwag tayong magpapalinlang—hindi natin ito kaya nang mag-isa. Kailangan natin ng biyaya mula sa Diyos at ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos upang makilala natin si Cristo bilang tunay nating kayamanan at mamuhay sa paraang nakakalugod sa Kanya. Kapag nakita natin kung gaano kabuti at kahalaga si Jesus, sa huli ay bibigyan tayo ng Diyos ng kalakasan na ilaban ang pagmamahal natin sa Kanya nang higit sa lahat.

Ngayong linggo, nawa’y makita natin si Jesus bilang pinakamahalaga nating kayamanan. Siya ay mas mahalaga kaysa sa anumang makikita at mararanasan natin dito sa mundo. Nawa’y tunay na mabihag Niya ang ating mga puso, at nawa’y maging ganap ang ating katapatan sa Kanya lamang.

TUMUGON

  • Sa tingin mo, bakit kaya ganoon ang naging tugon ni Judas? Kung mayroon man, ano ang halaga na maaaring maging tukso para ikompromiso at isantabi mo ang iyong pagmamahal at debosyon kay Cristo?
  • Sa tingin mo, bakit ganoon ang naging tugon ng babae? Sino si Cristo para sa ‘yo? Siya ba ang pinakamahalaga mong kayamanan? Ano ang handa kang ibigay sa Kanya ngayon?
  • Ipanalangin na makita mo kung sino Siya at magkaroon ka ng kakayahang tumugon sa paraang makakapagbigay ng karangalan sa Kanya. Hilingin sa Diyos na ipakita Niya ang mga bahagi ng buhay mo na gusto Niyang tutukan at ayusin. Ipanalangin na maging ganap ang debosyon mo sa Kanya.

Treasures or Trophies ng Every Nation Music

Day 3Day 5

About this Plan

Place of Grace | Isang Debosyonal para sa Semana Santa mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay

Taun-taon, nagtitipon-tipon ang mga mananampalataya para ipagdiwang ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay, pag-isipan natin kung paano ipinakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapadala sa Kanyang Anak upang mamatay sa krus at dalhin tayo sa lugar ng biyaya't pagmamahal na nagbibigay sa atin ng kakayahang ipamuhay ang naging tagumpay ni Cristo.

More