YouVersion Logo
Search Icon

MAYROON ka ngang Panalangin!Sample

MAYROON ka ngang Panalangin!

DAY 6 OF 6

“Anim na Susi sa isang Malusog at Balanseng Panalangin - Pangalawang Bahagi”


4. Ipahayag ang iyong personal na mga pangangailangan at ninanais sa Diyos, at hilingin sa Kanyang tugunan ang mga ito. “Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw…”

Ang pag-ibig ng Diyos sa iyo ay malalim, walang hangganan at walang kondisyon, madalas itong ihambing sa Bibliya sa habag ng isang mapagmahal na ama sa kanyang anak. Nais Niyang marinig ang Kanyang anak (ikaw ito); Nais Niyang marinig ang tungkol sa iyong buhay, ang iyong mga pangangailangan at kagustuhan, at nais Niyang lumapit ka sa Kanya para sa mga pangangailangan mo. Ang pag-ibig Niya sa iyo ang nagtutulak sa Kanya upang pagpalain ka nang higit sa maaari mong asahan. 

5. Hilingin sa Diyos na patawarin ka Niya sa iyong mga kasalanan, at isipin rin ang pangangailangang patawarin mo ang iba na maaaring nagkasala sa iyo. “Patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.”

Ang paghiling sa Diyos na patawarin tayo sa ating mga kasalanan ay nagsisimula sa pag-ako natin sa mga kasalanan na iyon, at pagkatapos ay pagkumpisal sa mga ito sa Diyos. 

“Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid.” 1 Juan 1:9

Makakatiyak ka na pinatawad ka na ng Diyos at nalinis ka Niya sa iyong mga kasalanan. Sa pagpapatawad na iyon, mayroon ding kalayaan mula sa pagkakonsensiya, kahihiyan at pagkondena. 

Ngunit hinihiling din ng Diyos na katulad ng pagpapatawad Niya sa atin, patawarin din natin ang iba na maaaring nagkasala sa atin. Kung paanong nakakapagdulot ng kalayaan ang pagtanggap ng kapatawaran mula sa Diyos, gayon din ang pagpapatawad sa iba - kalayaan mula sa kapaitan, sama ng loob at pagpapahintulot sa kirot ng nakaraan na magpatuloy na saktan tayo. 

Ang pagpapatawad, ang parehong pagtanggap at pagbibigay nito, ay mahalaga sa pamumuhay nang malaya kay Cristo. 

6. Manalangin para sa patnubay ng Diyos upang makatulong sa pag-iwas sa mga tukso at mga sitwasyon na maaaring hindi sumasalamin sa Kanya. “…At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa Masama!”

Pinatawad na ng Diyos ang ating mga kasalanan at nilinis tayo mula sa lahat ng kalikuan tulad ng ipinangako sa I Juan 1:9, ngunit makakatagpo pa rin tayo ng tukso sa pamumuhay sa makasalanang mundo na ito. Binibigyang-diin ng bahaging ito ng Panalangin ng Panginoon ang kahalagahan ng hindi lamang pagsalalay at pagiging kampante sa kapatawaran na ibinibigay ng Diyos sa atin, nang hindi iniisip ang kahalagahan ng pag-iwas sa kasalanan sa hinaharap. Kahit tinatanggal ng Diyos ang espirituwal na parusa ng kasalanan sa pamamagitan ng pagpapatawad sa atin, hindi ibig sabihin na naalis na ang mga mapanganib na bunga ng kasalanan. Dahil dito, mahalagang manalangin para sa tulong ng Diyos upang maiwasan ang tukso.

Sa bawat araw, simulang ibigay sa Diyos ang anumang oras na masaya mong maibibigay sa Kanya sa panalangin. Walang kota ang Diyos na kailangan mong matugunan sa bawat araw. Bukod dito, mahirap kung minsan ang manatiling alerto at iwasan ang antukin. Huwag mawalan ng pag-asa; magtiwala na pagpapalain ka ng Diyos habang inilalaan mo ang iyong oras sa Kanya sa panalangin!

Day 5

About this Plan

MAYROON ka ngang Panalangin!

Tuklasin ang mga prinsipyo sa pagbuo ng isang malakas at epektibong buhay-panalangin. Panalangin - pakikipag-usap sa Diyos sa isang personal na antas - ang susi upang makita ang positibong pagbabago sa ating buhay at paligid. Hango sa librong, "Out of This World: A Christian’s Guide to Growth and Purpose” ni David J. Swandt.

More