LEVITICO 3
3
Handog Pangkapayapaan
1“Kung ang alay ay handog pangkapayapaan, at ang ihahandog niya ay mula sa bakahan, maging lalaki o babae, ito ay ihahandog niya na walang kapintasan sa harapan ng Panginoon.
2Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kanyang alay, at papatayin ito sa pintuan ng toldang tipanan; at iwiwisik ng mga anak ni Aaron na mga pari ang dugo sa palibot ng dambana.
3Mula sa kanyang alay na handog pangkapayapaan, bilang isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, ihahandog niya ang lahat ng tabang bumabalot sa lamang-loob at lahat ng tabang nasa lamang-loob,
4at ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw ng mga iyon, na nasa mga balakang, at ang lamad ng atay na kanyang aalising kasama ng mga bato.
5Pagkatapos, ito ay susunugin ng mga anak ni Aaron sa dambana, sa ibabaw ng handog na sinusunog na nasa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa apoy, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.
6“At kung ang kanyang alay sa Panginoon bilang handog pangkapayapaan ay mula sa kawan, maging lalaki o babae, ito ay ihahandog niya na walang kapintasan.
7Kung isang kordero ang kanyang ihahandog bilang kanyang alay, ihahandog niya ito sa harapan ng Panginoon,
8kanyang ipapatong ang kamay niya sa ulo ng kanyang alay, at ito ay papatayin sa harapan ng toldang tipanan, at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo niyon sa palibot ng dambana.
9Mula sa alay na mga handog pangkapayapaan na isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, iaalay niya ang taba niyon, ang buong matabang buntot na aalisin sa pinakamalapit sa gulugod, ang tabang bumabalot sa lamang-loob, at ang lahat ng taba ng lamang-loob.
10Ang dalawang bato, at ang tabang nasa loob nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa atay ay aalisin niya kasama ng mga bato.
11At susunugin ito ng pari sa ibabaw ng dambana bilang pagkaing inihandog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
12“Kung ang kanyang alay ay kambing, dadalhin niya ito sa harapan ng Panginoon.
13Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo niyon, at papatayin iyon sa harapan ng toldang tipanan at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo sa palibot ng dambana.
14Siya ay maghahandog mula rito ng kanyang alay, bilang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, ang tabang bumabalot sa lamang-loob at lahat ng tabang nasa lamang-loob,
15ang dalawang bato, ang tabang nasa ibabaw nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay ay aalisin niya kasama ng mga bato.
16Ang mga ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, bilang pagkaing handog na pinaraan sa apoy na isang mabangong samyo. Lahat ng taba ay sa Panginoon.
17Ito ay magiging isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng inyong lahi sa lahat ng inyong mga tahanan. Huwag kayong kakain ng taba o anumang dugo nito.”
Currently Selected:
LEVITICO 3: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001