LEVITICO 2
2
Ang Butil na Handog
1“Kapag ang isang tao ay magdadala ng butil na handog bilang handog sa Panginoon, dapat na ang kanyang handog ay mula sa piling harina. Bubuhusan niya ito ng langis, at lalagyan ito ng kamanyang.
2Dadalhin niya ito sa mga anak ni Aaron na mga pari at siya'y kukuha mula roon ng isang dakot na piling harina at langis, at lahat ng kamanyang nito. Ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, isang handog na pinakaalaala, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.
3Ang nalabi sa butil na handog ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; ito ay kabanal-banalan sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
4“Kapag ikaw ay magdadala ng butil na handog na niluto sa hurno, dapat na ito ay tinapay na walang pampaalsa mula sa piling harina na hinaluan ng langis, o maninipis na tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis.
5At kung ang iyong alay ay butil na handog na luto sa kawali, dapat na ang iyong handog ay piling harina na walang pampaalsa na hinaluan ng langis.
6Ito ay iyong pagpuputul-putulin at bubuhusan mo ito ng langis; ito ay butil na handog.
7Kung ang butil na handog ay niluto sa kawali, dapat na ang iyong handog ay piling harina na hinaluan ng langis.
8At dadalhin mo sa Panginoon ang pagkaing handog na mula sa mga sangkap na ito, at dadalhin ito ng pari sa dambana.
9Kukunin ng pari mula sa butil na handog ang bahaging pinakaalaala nito at susunugin sa ibabaw ng dambana, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.
10At ang nalabi sa pagkaing handog ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; kabanal-banalan sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa Diyos.
11“Alinmang butil na handog na iaalay ninyo sa Panginoon, ay gawin ninyong walang pampaalsa. Huwag kayong magsusunog ng anumang pampaalsa ni ng anumang pulot bilang handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon.
12Bilang alay na mga unang bunga, ihahandog ninyo ang mga ito sa Panginoon, ngunit ang mga ito ay hindi ihahandog sa dambana bilang isang mabangong samyo.
13Titimplahan mo ng asin ang lahat ng iyong butil na handog. Huwag mong hayaang ang iyong butil na handog ay mawalan ng asin sa pakikipagtipan ng iyong Diyos; lahat ng iyong mga alay ay ihahandog mong may asin.
14“Kung maghahandog ka sa Panginoon ng butil na handog ng mga unang bunga, ang iaalay mo bilang butil na handog ng iyong unang bunga ay niligis na bagong butil na sinangag sa apoy.
15Bubuhusan mo iyon ng langis at lalagyan mo ng kamanyang sa ibabaw nito, ito ay butil na handog.
16At susunugin ng pari bilang bahaging pinakaalaala ang bahagi ng butil na niligis at ang bahagi ng langis, pati ang lahat ng kamanyang niyon; ito ay isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
Currently Selected:
LEVITICO 2: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001