LEVITICO 4
4
Handog para sa Kasalanang Hindi Sinasadya
1Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2“Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kapag ang isang tao ay nagkasala nang hindi sinasadya sa alinman sa mga iniutos ng Panginoon tungkol sa mga bagay na hindi dapat gawin, at nakagawa ang alinman sa mga ito:
3Kapag ang pari na binuhusan ng langis ang nagkasala at nagbunga ng pagkakasala sa bayan, ay maghahandog siya sa Panginoon ng isang guyang toro na walang kapintasan, bilang handog pangkasalanan dahil sa nagawa niyang kasalanan.
4Dadalhin niya ang toro sa pintuan ng toldang tipanan sa harapan ng Panginoon; at ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng toro, at papatayin ang toro sa harapan ng Panginoon.
5Ang pari na binuhusan ng langis ay kukuha ng dugo ng toro at dadalhin sa toldang tipanan;
6ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik nang pitong ulit ang dugo sa harapan ng Panginoon, sa harapan ng tabing ng dakong banal.
7Maglalagay ang pari ng kaunting dugo sa mga sungay ng dambana ng mabangong insenso sa harapan ng Panginoon, na nasa toldang tipanan at ang nalabi sa dugo ng toro ay ibubuhos sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog na nasa pintuan ng toldang tipanan ng kapulungan.
8Kanyang aalisin ang lahat ng taba ng toro na handog pangkasalanan; ang tabang bumabalot sa lamang-loob at ang lahat ng tabang nasa lamang-loob;
9ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay ay aalisin niya kasama ng mga bato,
10gaya ng pag-aalis ng mga ito sa bakang lalaki na alay ng handog pangkapayapaan; at ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog.
11Subalit ang balat ng toro at lahat ng laman nito, pati ang ulo, mga hita, lamang-loob, dumi,
12at ang buong toro ay ilalabas niya sa kampo sa isang dakong malinis, sa lugar na pinagtatapunan ng mga abo, at kanyang susunugin sa apoy sa ibabaw ng kahoy; ito ay susunugin sa lugar na pinagtatapunan ng mga abo.
13“At kung ang buong kapulungan ng Israel ay magkasala nang hindi sinasadya, at ito ay hindi alam ng kapulungan, at sila'y nakagawa ng alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin at sila'y nagkasala,
14kapag nalaman na ang kasalanang kanilang nagawa, ang kapulungan ay magdadala ng isang guyang toro bilang handog pangkasalanan, at dadalhin ito sa harapan ng toldang tipanan.
15Ipapatong ng matatanda ng kapulungan ang kanilang kamay sa ulo ng toro sa harapan ng Panginoon, at papatayin ang toro sa harapan ng Panginoon.
16Pagkatapos, dadalhin ang dugo ng toro sa toldang tipanan ng paring binuhusan ng langis,
17at ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo, at iwiwisik nang pitong ulit sa harapan ng Panginoon sa harap ng tabing.
18Maglalagay siya ng kaunting dugo sa mga sungay ng dambana na nasa harapan ng Panginoon na nasa toldang tipanan, at ang nalabi sa dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog na nasa pintuan ng toldang tipanan.
19At aalisin niya ang lahat ng taba niyon at susunugin sa ibabaw ng dambana.
20Gagawin niya sa toro kung paano ang ginawa niya sa torong handog pangkasalanan, gayundin ang gagawin niya rito. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanila, at sila ay patatawarin.
21Ilalabas niya ang toro sa kampo at susunugin ito gaya ng pagkasunog sa unang toro; ito ay handog pangkasalanan para sa kapulungan.
22“Kapag ang isang pinuno ay nagkasala at nakagawa nang hindi sinasadya sa alinman sa lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon niyang Diyos na hindi dapat gawin, at nagkasala;
23kapag naipaalam na sa kanya ang kasalanang kanyang nagawa, siya ay magdadala ng kanyang handog, isang lalaking kambing na walang kapintasan.
24Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing, at papatayin niya ito sa dakong pinagkakatayan ng handog na sinusunog sa harapan ng Panginoon; ito ay handog pangkasalanan.
25Pagkatapos ay kukuha ang pari sa pamamagitan ng kanyang daliri ng kaunting dugo mula sa handog pangkasalanan at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabi sa dugo'y ibubuhos sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog.
26At ito ay susunugin niya sa dambana, kasama ang lahat nitong taba, gaya ng taba ng handog pangkapayapaan. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanyang kasalanan, at siya ay patatawarin.
Ang Batas ng Handog Pangkasalanan ng mga Pangkaraniwang Tao
27“At#Bil. 15:27, 28 kung ang sinumang pangkaraniwang tao sa mga mamamayan ay magkasala nang hindi sinasadya sa paggawa ng bagay na hindi dapat gawin, laban sa isa sa mga utos ng Panginoon at nagkasala,
28kapag naipaalam na sa kanya ang kasalanan niyang nagawa, siya ay magdadala ng kanyang handog na isang babaing kambing na walang kapintasan para sa kasalanang nagawa niya.
29Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog pangkasalanan, at papatayin ang handog pangkasalanan sa lugar ng handog na sinusunog.
30Pagkatapos ay kukuha ng kaunting dugo nito ang pari sa pamamagitan ng kanyang daliri at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabi sa dugo niyon ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.
31Lahat ng taba niyon ay kanyang aalisin, gaya ng pag-aalis ng taba sa alay na handog pangkapayapaan; at ito ay susunugin ng pari sa dambana bilang mabangong samyo sa Panginoon. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, at siya ay patatawarin.
32“Kapag kordero ang kanyang dinala bilang handog pangkasalanan, siya ay magdadala ng babaing walang kapintasan.
33Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog pangkasalanan at papatayin ito bilang handog pangkasalanan sa lugar na pinagpapatayan ng handog na sinusunog.
34Pagkatapos ay kukuha ang pari ng kaunting dugo ng handog pangkasalanan sa pamamagitan ng kanyang daliri at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabing dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.
35Ang lahat ng taba niyon ay kanyang aalisin, gaya ng pag-aalis ng taba sa kordero na alay bilang handog pangkapayapaan, at ang mga ito ay susunugin ng pari sa dambana, sa ibabaw ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, para sa kanyang kasalanan na kanyang nagawa at siya'y patatawarin.
Currently Selected:
LEVITICO 4: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001